ISA SA kinikilalang tagapagtaguyod ng wikang pambansa at panitikan ang pumanaw bago pa man magsimula ang Buwan ng Wika.
Si Ponciano B.P. Pineda, 81, itinuturing “Ama ng Komisyon sa Wikang Filipino” ay namatay noong Hulyo 31 dahil sa cardiac arrest.
Si Pineda ang nanguna sa pagtatag ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 1991 mula sa noo’y Surian ng Wikang Filipino. Pinamunuan niya ang komisyon sa loob ng halos 30 taon.
Sa paanyaya ng noo’y kalihim ng Kagawaran ng Filipino sa UST at “Ama ng Varsitarian” na si Jose Villa Panganiban, pumasok si Pineda sa Unibersidad at nagtapos ng kursong Associate in Arts noong 1948. Naging patnugot din siya ng seksyong Filipino ng Varsitarian.
Matapos mag-aral sa UST, kumuha si Pineda ng abugasya sa Manuel Luis Quezon University habang nagtatrabaho sa noo’y Surian ng Wikang Pambansa. Nang pumasa si Pineda sa bar exams noong 1953, binalak niyang lisanin ang Surian ngunit hinikayat siya ni Panganiban na manatili rito. Pinalitan niya si Panganiban bilang tagapangulo ng Surian mula 1971 hanggang 1999.
Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, pinangunahan niya ang ilang reporma sa wikang Filipino, kabilang na ang modernisasyon ng alpabeto na binubuo ng 28 titik noong 1987, at ang pagtatatag ng 12 sentrong panrehiyon ng wika sa buong bansa.
Si Pineda ay nagwagi ng Don Carlos Palanca Memorial Award para sa kaniyang mga akdang Ang Mangingisda (1958) at Malalim ang Gabi (1954). Ginawaran din siya ng Varsitarian ng Parangal Hagbong noong taong 2000 para sa kaniyang mga kontribusyon sa pagpapaunlad ng wika at panitikang Filipino.