KARAMIHAN nga naman sa ating mga Pinoy: mahilig na ngang magreklamo, hindi pa sumusunod sa batas.
Nang palawigin ng Commission on Elections (Comelec) noong nakaraang buwan ang rehistrasyon para sa mga first-time voters, pinilit ko ang aking bunsong kapatid na magpatala na.
Umaga pa lamang ay umalis kami sa bahay para samahan siya sa munisipyo ng Taytay, Rizal kung saan naroon ang tanggapan ng komisyon sa aming bayan.
Nakaririndi ang reklamo ng ilang kasama namin sa pila dahil sa umano’y matagal na pagkilos ng mga tauhan ng Comelec. Dagdag pa riyan ang ilang mapilit na botante na gustong magpalipat ng registration o kaya nama’y magpa-reactivate. Malinaw naman ang paalala ng Comelec na tanging mga first-time voters lamang ang kanilang tatanggapin sa extensyon ng rehistrastyon.
Walang patutunguhan ang kanilang reklamo dahil ilang buwan na rin ang lumipas kung saan maaari naman silang magsadya sa tanggapan ng Comelec para hindi sila makisabay sa dagsa ng tao. Sa halip na sisihin ang mga tauhan ng komisyon, magpasalamat na lamang sila at nagkaroon pa ng extensyon.
Samantala, opisyal nang nagsimula ang panahon ng eleksyon noong Enero 10 at kasabay nito ay ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban. Malinaw man ang paalala ng awtoridad sa pagpapatupad ng kautusang ito, umabot sa mahigit 100 na ang nahulihang may bitbit na baril habang bumibiyahe.
Isa pa nga sa mga nahulihan ng baril ay nakulong pa dahil walang lisensya ang dalang armas. Nang kapanayamin siya ng isang reporter, pinaalalahanan niya ang iba pa na huwag gumaya sa kaniya upang hindi makalaboso. Talagang nasa huli nga naman ang pagsisisi.
Sa kabilang dako, kahit hindi pa man nagsisimula ang panahon ng pangangampanya, mauumay ka na sa oras-oras na pagpapalabas ng “infomercials” ng mga pulitikong nagnanais na maupo sa gobyerno. Hindi rin nila pinalalagpas ang mga social networking site gaya ng Facebook, kung saan ang bawat kandidato ay may kaniya-kaniyang fan pages.
Kung tutuusin matatawag na itong maagang pangangampanya, ngunit ayon sa Korte Suprema, hangga’t hindi hinihingi ng pulitiko ang boto ng mga tao, hindi ito maituturing na premature campaigning bagkus, bahagi lamang ng kanilang karapatan sa “malayang pamamahayag.”
Ito ay matapos baligtarin ng Korte Suprema noong Nobyembre 25 ang nauna nitong hatol na nagdiskuwalipika kay Rosalinda Penera, alkalde ng Sta. Monica, Surigao del Norte dahil sa premature campaigning (bilang paglabag sa Section 80 ng Omnibus Election Code). Ayon sa Korte, maituturing lamang na opisyal na kandidato ang isang pulitiko kapag nagsimula na ang campaign period. Samakatuwid, hindi siya maaaring makasuhan sa mga gawaing pulitikal na isinagawa niya bago ang panahon ng pangangampanya.
Ngunit naging pabor naman ito sa mga kandidatong mayaman at mapera.
Base sa aking obserbasyon noong Disyembre, dumami ang bilang ng mga “infomercial” ng mga pulitiko ilang araw matapos ilabas ng Korte Suprema ang kanilang desisyon. Nariyan ang kay Sen. Noynoy Aquino na nangakong ipagpapatuloy ang laban ng kaniyang mga magulang. “Galing at talino” naman ang ani Gilbert Teodoro. At malamang halos lahat ay na-LSS (last song syndrome) na sa “infomercial” ni Sen. Manny Villar na siyang magaahon umano sa Pilipinas mula sa kahirapan.
Hindi maikakaila na madaling makakaabot sa mga botante ang mensahe ng mga pulitiko sa pamamagitan ng “infomercial.” Gayunpaman, hindi ito isang epektibong paraan para makilatis ng mga botante ang mga kandidato.
“Instead of bridging the Information gap, political advertising can mislead the mind of the benighted,” ayon sa kolumnista ng Philippine Star na si William Esposo sa kaniyang artikulong “The biggest campaign spender can also be the worst possible plunderer.”
Sa halip na paniwalain ang sarili sa mga pangakong ibinibigay sa mga “infomercial,” mas makabubuti kung itutuon ng botante ang sarili sa panonood ng mga debate at forum kung saan nagtatapatan ang mga kandidato at impromtu sila kung sumagot sa mga tanong ng bayan. Sa ganitong paraan makikilatis nang mabuti ang katauhan ng isang kandidato – kung papaano siya mag-isip at kung ano ang lamang (o kakulangan) niya sa iba.