ISA SA mga pagpapatunay ng kalayaan sa isang bansa ang karapatan ng mga mamamayan na mamili at maghalal ng kanilang mga pinuno. Dahil sa pagboto nakasalalay ang pagsulong ng bayan, kung saan maigting na binabantayan ng mga mamamayan ang kanilang karapatan.

Sa Pilipinas diumano, kung saan diumano talamak ang pandaraya sa halalan at korupsyon sa pamahalaan, may mga organisasyong naninigurong magiging mapayapa at patas ang bawa’t eleksyon. Isa na rito ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), ang tanging kinikilalang katuwang ng Commission on Elections (COMELEC) sa adhikaing ito.

Sa samahang ito natagpuan ng Tomasinong doktor na si Ricardo Ledesma ang panibagong paraan ng paglilingkod sa iba, bukod sa paggamot ng mga may sakit.

Bantay-boto

Walong taon na mula nang magpasyang magretiro si Ricardo sa propesyong ginampanan niya ng humigit-kumulang 50 taon. Bago pa man iyon ay masigasig na siyang tumutulong sa gawaing sibiko at pansimbahang proyekto, gaya ng mga medical missions.

Nagsimula ang kaniyang kaugnayan sa PPCRV matapos siyang hirangin ng yumaong Jaime Cardinal Sin bilang ika-apat na pangulo ng Council of the Laity of Manila noong 1991, at sinimulan ang pagtatatag ng samahan na pinamunuan ng kasalukuyang tagapangulo nito na si Henrietta de Villa. Nagsimulang maging miyembro ng National Executive Board ng nasabing institusyon si Ricardo noong 1992.

Ayon sa kaniya, hindi lamang sa halalan natatapos ang kanilang gampanin sa bansa. Kasama rin sa mga pinagtutuunan nila ng pansin ang pagtulong sa komunidad na magkaroon ng mabuting pagtingin sa buhay sa pamamagitan ng “renewed political order and thinking.” Bilang bahagi ng kanilang patuloy na voter’s education, namimigay sila ng manual sa mga parokya at pamayanan, kung saan nakasaad ang mga gabay sa pamimili ng nararapat na kandidato.

READ
University fetes faculty members for years of service

Payapang eleksyon

Nang tanungin tungkol sa kaniyang pagtingin sa nakaraan at kauna-unahang automated elections sa bansa, sinabi ni Ricardo na nagalak siya sa mabilis at mapayapang proseso.

“Kahit na may mga minor glitches at mga malisyosong balita, naging matagumpay naman para sa akin ang eleksyon,” aniya. “Hindi mo naman maaasahan ang perfection sa unang pagsubok.”

Para sa kaniya, nagpapahiwatig ng pag-asa at pagbabago ang pagkakahalal ng mga bagong bumubuo ng administrasyon.

“Nagbibigay ito ng malaking pag-asa sa bansa, ngunit isa pa rin itong hamon sa atin,” wika niya. “May pakiramdam na may magandang pagbabago.”

Ngunit pinaalala rin ni Ricardo na hindi sa panunumpa at pag-upo ng mga nahalal natatapos ang pagmamatyag ng tao at ng PPCRV.

“Kahit natapos na ang eleksyon, tuloy pa rin ang aming voter’s education [program]. Babantayan pa rin namin ang mga planong ipinangako ng mga bagong-halal sa puwesto,” aniya.

Tulong ng Tomasino

Natupad ni Ricardo ang kaniyang pangarap noong kaniyang kabataan nang magtapos siya ng Medisina sa Unibersidad noong 1960. Paglipas ng ilang taon at nang matapos makapagsanay sa Family and Internal Medicine, nagtayo siya ng kaniyang sariling klinika. Nakapagtrabaho rin siya sa ilang kilalang pagamutan sa bansa, gaya ng Capitol Medical Center at St. Luke’s Hospital. Noong nakaraang taon, hinirang siya bilang isa sa sampung Outstanding Physician in the Philippines.

Dahil sa aktibong pakikibahagi niya sa mga gawaing simbahan, personal siyang ginawaran ng yumaong Santo Papa na si John Paul II ng Pro-Ecclesia et Pontifice (Papal award) noong 2001 sa Vatican. Ang parangal na ito ay ibinibigay sa mga nagawa ng isang kasapi ng laity para sa simbahan at para sa mga mahihirap.

READ
Pope Francis names legate to Cebu Eucharistic Congress

“Ito na siguro ang pinakanakaukit sa puso ko,” aniya. “Malaking parte nito ang pagiging Tomasino ko.”

Idinagdag niya na sa UST niya natutunang makisama sa iba nang walang halong pangmamata, isang aral na dinala niya bilang isang doktor at miyembro ng simbahan.

“Hindi naibabalik ng pera ang serbisyong inialay ko sa loob ng 50 taon,” wika niya. “Ang paglilingkod sa mga taong nangangailangan ng tulong ang siya na ring regalo ko sa sarili ko.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.