SA PAMAMAGITAN ng paggamit ng Internet, hindi na kailangan pang umuwi ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa upang makita sa huling pagkakataon ang kanilang kapamilyang yumao.

Ayon kay Froilan Alipao, propesor ng Sociology sa Unibersidad, malaki ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kanilang pamilya kaya’t tinitiyak nilang sila’y naroon hanggang sa huling hantungan ng kanilang mga kamag-anak.

“Dati, mabigat sa kalooban ng mga nasa ibang bansa ang hindi sila makadalo sa burol o libing ng kanilang mga kamag-anak,” ani Alipao. “Pero dahil na rin sa mga makabagong paraan, hindi na nila kailangan pang umuwi. Makikita na nila ang bawat eksena at mga pumunta sa lamay.”

Sinabi ni Alipao na likas sa mga Pilipino ang pakikipagkapuwa-tao kaya’t ang pakikipaglamay sa mga yumao ay hindi na maaalis sa kanila.

“Sa mga ganitong okasyon, kahit na may samaan kayo ng loob, makikiramay pa rin sila saan man silang lupalop ng mundo,” aniya.

Sa inilabas na datos ng National Statistical Coordination Board noong nakaraang Setyembre, humigit kumulang 2.2 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nasa iba’t ibang bahagi ng mundo. Karamihan sa mga naturang OFWs ay nahihirapang makauwi sa bansa sa mga biglaang okasyon tulad ng pagdalaw sa mga yumao nilang mahal sa buhay.

Ngunit sa tulong ng teknolohiya, maaari nang makita ng mga Pilipinong nasa ibang bansa ang mga kaganapan sa isang burol o libing. Gamit ang Internet-Protocol cameras, makikita na nila ang aktuwal na nangyayari sa lamay. Ito ay maaaring makita sa loob ng 24 oras sa website na inilaan ng isang funeral service company.

READ
UST soars in Chemistry, Electrical Eng'g licensure exams

“Ngayon, hindi na nila (OFWs) kailangang umuwi [sa Pilipinas]. Mayroon na silang instant access para makita nila ‘yung patay,” ani Alipao.

Ang St. Peter Chapels, isang funeral service company, ay ang kauna-unahan sa buong mundo na nagbigay ng ganitong klaseng serbisyo para sa mga may kapamilya ng namatayan na naghahanapbuhay at naninirahan sa ibang bansa. Libre itong iniaalok ng kompanya sa kanilang mga kliyente sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang website. Doon ay maaari silang maghandog ng electronic na mga bulaklak, kandila, dasal, at mensahe.

Maliban sa pakikipaglamay, ginagamit din ang ganitong uri ng komunikasyon upang makipag-ugnayan ang mga bilanggo sa kanilang mga pamilyang nakatira sa malayong lugar.

Sa pangunguna ng Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) at Office of the Solicitor General, inilunsad ang “E-dalaw” noong Oktubre 2011 upang makausap ng mga nasa loob ng bilangguan ang kanilang mga pamilyang hindi na nakadadalaw sa kanila dahil sa layo ng kanilang kinaroroonan.

Una itong sinubukan sa Quezon City Jail na mayroong humigit na 3,000 bilanggo. May nakalaan na isang wi-fi ready na kuwarto na may limang computers kung saan puwedeng makausap ng mga bilanggo ang kanilang kamag-anak, sa tulong ng mga bantay na paralegal staff.

Teknolohiya bilang pagpapalawig ng Salita ng Diyos

Malugod namang sinuportahan ng Simbahang Katolika ang makabagong paggamit ng teknolohiya sa bansa dahil ito raw ay isang mainam na solusyon para sa mga kapamilyang nasa malalayong lugar.

Ayon kay Fr. Pedro Quitorio III, media director ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), pabor ang Simbahan sa nasabing uri ng komunikasyon basta’t nakatutulong din ito sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.

READ
Dimalanta's little-known work on Aquinas disclosed

“Ang Holy Father mismo ang nanghihikayat sa ganitong paraan ng paggamit sa technology,” ani Quitorio. “Sang-ayon ang Simbahan hangga’t nakatutulong ito sa pagpapaigting ng expression ng pagmamahal ng tao sa mga mahal nila sa buhay na namayapa na.”

Sa katunayan, mayroon ding sariling virtual portal ang CBCP na muling binuhay para sa OFWs na hindi nakauwi noong nakaraang Undas.

Unang inilunsad noong 2009 para sa paggunita ng Semana Santa, ang “Undas Online” ay isang website na ibinalik ng institusyon kung saan maaaring mag-alay ang mga tao ng kanilang mga panalangin at mensahe para sa kanilang mga namayapang kapamilya. Sa loob ng siyam na araw, isinasama sa mga misa ang mga ipinadadalang pangalan ng mga namayapa na at ang mga panalangin na inialay para sa kanila.

Bagama’t marami na ang tumatangkilik sa kanilang website, sinabi ni Quitorio na ang proyektong ito ay hindi ganoong napapalawig dahil sa kakulangan ng pondo.

Isinaad pa ni Alipao na sinadya ng mga Pilipinong iangkop ang teknolohiya sa kanilang pamumuhay upang makipag-ugnayan sa kanilang mga kamag-anak kahit na nasa malayong lugar sila.

“Dahil sa teknolohiya, madaling naipahahatid ng mga tao ang kanilang mga simpatya at respeto para sa namayapa at sa mga taong nawalan,” ani Alipao. “Ang pakikiramay ay isa sa social activities ng mga Pilipino na na-penetrate na ng teknolohiya.”

Sa kabila nito, pinaalala ni Quitorio na kung maaari’y ipagpatuloy pa rin ang personal na pagpunta sa isang burol o libing dahil ito ay isa ring communal activity.

“Primarily, kailangan talaga ng presence sa ganitong situwasyon. Kung kaya mo namang pumunta nang personal ay pumunta na upang makiisa sa dalamhati at pag-alala sa taong namayapa na,” ani Quitorio. Elora Joselle F. Cangco

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.