HINDI lamang saligan ng mga patakaran bilang isang mambabatas ang Tomasinong pangulo na si Manuel Quezon ngunit isa ring masigasig na tagapagtaguyod ng wika.

Sa edad na 16, tinapos ni Quezon ang high school sa Colegio de San Juan de Letran. Bagaman hirap ang pamilya, sinikap ni Quezon na maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral kung kaya’t humingi siya ng tulong sa Dominikanong pari na si Fray Serapio Tamayo na noo’y namamahala sa mga interns ng UST. Tinanggap ni Quezon ang trabahong capista o tutor kapalit ng libreng matrikula at paninirahan sa dormitoryo.

Taong 1895 nang pumasok si Quezon sa UST sa ilalim ng kursong Law. Sa kaniyang unang taon, naging propesor niya si Fray Martin sa asignaturang Spanish literature at si Fray Farpon sa asignaturang physics at chemistry.

Tulad ng isang karaniwang mag-aaral, minsan na ring napahamak si Quezon dulot ng kaniyang kapilyuhan. Nang nalaman niyang ang tagapagluto sa kanilang dormitoryo ay umuuwi ng 9:00 ng gabi at dumaraan sa isang tagong pintuan, dumaraan din siya rito upang makaiwas sa curfew ng 7:00 ng gabi. Hindi nagtagal, napag-alaman ni Fray Tamayo ang gawaing ito ni Quezon at isang gabi ay inabangan siya rito sa tagong pinto at nahuli. Bagaman hindi isinaad ang tunay na dahilan ng kaniyang pagtakas, sinabi sa librong Quezon: Paladin of Philippine Freedom ni Carlos Quirino na pakikitagpo sa isang dilag ang maaaring dahilan ni Quezon. Sa ginawang kapilyuhan na ito ni Quezon, iniutos ni Fray Tamayo ang paghinto ni Quezon bilang isang intern at pinatalsik siya sa Unibersidad. Ngunit dahil sa magiliw na ang loob sa kaniya ng mga pari ay pinayagan siyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral subalit hindi na libre ang kaniyang matrikula at paninirahan sa dormitoryo.

READ
Urban vanity

Dalawang beses nahinto ang pag-aaral ni Quezon sa Unibersidad dahil sa pagsasara ng paaralan dulot ng digmaan ng mga Pilipino at Kastila. Dahil dito, napagdesisyunan ni Quezon na bumalik na lamang sa Baler kung kailan napag-alaman niyang patay na ang kaniyang ama at nakababatang kapatid.

Makalipas ang pitong taon, nagbalik siya sa Maynila at muling nag-aral ng Law para sa nalalapit na bar exams. Sa pagkakataong ito hindi na siya pumapasok sa paaralan at idinaraan na lamang sa pagbabasa ng mga libro ang pag-aaral dahil nakumpleto na niya ang tatlong taon na isinabatas ng Philippine Commission upang makakuha ng bar exam.

Nagbunga ng matataas na marka ang paghahanda ni Quezon. Siya ay pang-apat sa pinakamataas sa lahat ng mga kumuha ng bar exams noong 1903. Abril 16 ng parehong taon ay nanumpa si Quezon bilang isang lisensyadong abogado.

Sa kaniyang administrasyon, binigyang pansin ni Quezon, kasama ang kaniyang bise-presidente na si Sergio Osmeña, ang usaping nasyonalismo kaya napagdesisyunan ng pamahalaan ang bumuo ng isang lupon, na mag-aaral at magtatalaga ng iisang wikang pambansa.

Ayon sa Artikulo XIV ng Konstitusyong 1935, ang itatalagang wikang pambansa ay mula sa mga kasalukuyang katutubong wikang mayroon sa ating bansa. Noong 1937, napagdesisyunan ng binuong lupon na ang wikang Tagalog ang magiging basehan ng wikang pambansa.

Ang pamumuno ni Quezon sa pagtatalaga ng iisang wikang pambansa ang nagluklok sa kaniya bilang “Ama ng Wikang Pambansa.”

Sa kasalukuyan, sa ilalim ng proklamasyon ng dating pangulong Fidel Ramos, ang buwan ng Agosto na kapanganakan ni Quezon ay idineklarang Pambansang Buwan ng Wika. JONAH MARY T.MUTUC

Tomasalitaan

READ
Eng'g and CRS dominate speechfest

Takna (png) – oras

Halimbawa: Si Brylle ay nawalan ng takna sa pag-aaral dahil inuna niya ang panonood ng paboritong pelikula na itinampok sa Cinema One.

Mga Sanggunian

Gester Jeff Quilala, Mary Thrasher Jose, Lutchie Anne Coral at Gilbert Casado. (2005, Agosto). Retrieved Agosto 18, 2011, from The Lance: http://thelance.letran.edu/aug2005/f1_aug2005.htm

Quirino, C. (1971). Quezon: Paladin of Philippine Freedom. Manila: The Community Publishers, Inc.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.