Usapang Uste: Boses ng Tomasino laban sa rehiyonalismo

0
8520

SA KASAGSAGAN ng pagtatalo tungkol sa Constitutional Convention, ipinahayag sa isyu ng Varsitarian noong Oktubre 1971 ang mungkahing alisin ang damdaming rehiyonalistiko sa pagkatha ng bagong saligang-batas.

Ginamit na bansag ang “rehiyonalismo” na nangangahulugan ng pagtingin sa isang partikular na rehiyon bilang nakatataas na pangkat kumpara sa iba.

Pagdidiin sa artikulo, nararapat lamang na isulat ang bagong saligang-batas sa wikang Filipino (na ‘Pilipino’ pa ang baybay noon), at hindi sa Ingles, upang mas mailapit sa karaniwang tao ang mga pamantayan na dapat nilang alamin at sundin.

Sapagkat malawak ang naaabot, nararapat din daw na ibatay sa wikang Tagalog ang pagsasa-Filipino ng bagong batas. Ngunit hindi raw ibig sabihin na nakatataas ang Tagalog kumpara sa ibang mga lenggUwahe sa bansa. Hindi rin daw nangangahulugang lamang ang mga Tagalog na rehiyon kung ihahambing sa iba.

Ayon kay Alberto F. de Guzman, ang sumulat ng artikulo, isa itong maling pagtanaw at hindi ito hakbang upang tapakan ang mga wikang likas sa ibang mga rehiyon. Hindi rin nito layunin na pataasin ang kulturang Tagalog habang hinahayaang hindi mapansin ang sa iba.

Kasabay ng pagsulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa federalismo bilang bagong uri ng pamahalaan sa Filipinas, hindi malayong magising ang konsepto ng rehiyonalismo sa pagitan ng iba’t ibang pangkat. Maaari itong umusbong sa kaanyuan ng wika, kultura, pananamit at iba pang mga pagkakaiba na may kakayahang makaapekto sa pakikitungo ng mga pangkat sa bawat isa.

Sa gayon, nararapat na magkita ang mga Filipino sa iisang tagpuan, kung saan komportable nilang maipahahayag at maiintindihan ang kani-kaniyang identidad hindi man sila kabilang sa magkalapit o iisang rehiyon.

Makatutulong ang paggamit ng Filipino na ibinatay sa Tagalog sa pagtatagpo ng iba’t ibang pangkat sa iisang kaisipan. Para kay De Guzman, mabisang gamitin ang Tagalog sa mahahalagang sulatin tulad ng saligang-batas sapagkat bahagi na noon pa man ang ilang mga salitang Tagalog sa wikang Filipino. Ibig sabihin, higit nitong mapatataas ang kamalayan ng mga Filipino sa mga paparating na batas, isang resultang maaaring hindi kayang makamit kung pananatilihin ang saligang-batas na nakaukit sa dayuhang wika.

Tomasino Siya

Tanyag na noon pa man si Arnold Molina Azurin sa larangan ng panitikan bago siya nakilala bilang dalubhasa sa kasaysayan at usaping kultural.

Taong 1697 nang magtapos siya ng pilosopiya sa Unibersidad. Kumuha siya kalaunan ng masterado sa kasaysayan at antropolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman habang patuloy na nagsusulat para sa ilang mga publikasiyon at magazine.

Noong 1991, tumanggap siya ng parangal mula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards para sa kaniyang mga akdang “Dogodog and Other Poems Bypassed by the Northerlies” at “Unraveling the Knots of Ethnicities,” isang sanaysay. Kapuwa nagkamit ng unang gantimpala ang mga ito.

Bukod pa rito, itinanghal niya sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ang “Beddeng, Exploring the Ilocano-Igorot Confluence,” isang eksibisiyon na nagpakita ng kultura ng mga pangkat-etniko sa mga rehiyon sa hilaga.

Naging patnugot din siya ng Ani (Cordillera issue), isang pampanitikang koleksiyon na pinamumunuan ng CCP, noong 1991.

Sapagkat tubong Vigan sa Ilocos Sur, iminulat na noon pa man ng kaniyang mga magulang si Azurin tungkol sa kasaysayan at mga pagsubok na kinahaharap ng mga katutubo sa kanilang lugar. Naging dahilan ito sa madalas na paglangkap niya ng naturang paksa sa kaniyang mga sanaysay at tula.

Itinuturing niyang inspirasyon ang rehiyon na kinagisnan upang magpatuloy sa pagsusulat ng mga akdang bumubuhay sa kasaysayan nito.

Ilan pa sa kaniyang mga likha ang Roots Upon Ruins, 1973; Just Vexations, 1990; Upwind, Downstream: Poems on Ilocos and the Cordilleras, 1991; Adios Columbus, 1992; at Reinventing the Filipino, 1993.

Patuloy na kinikilala si Azurin hindi lamang bilang manunulat kundi pati intelektuwal at historyador na nagpapalaganap ng bahagi ng bansang hindi naaabot ng karamihan.

Tomasalitaan:

Tibobos (pang-uri) – puro, lubos, dalisay.

Hal.: Nakatutuwang pagmasdan ang mga natutulog na bata, kitang-kita sa kanila ang tibobos at hindi pa nababahirang pagkatao.

Mga Sanggunian:

CCP Encyclopedia Vol. 9

The Varsitarian: Tomo XLIII Blg. 13, Oktubre 1, 1971; 1971-1975, p.6

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.