SAAN nga ba talaga nagmula ang lahing Pinoy?

Sa pagdating ng iba’t ibang grupo ng mga taong namalagi sa Pilipinas ilang libong taon na ang nakararaan, naging mas kumplikado ang paglutas sa palaispan kung saan nanggaling ang mga ninuno ng mga kasalukuyang Pilipino. Ngunit ayon sa isang dalubhasa, makasisiguro ang lahat ng mga Pilipino, maging ang ibang populasyon sa buong daigdig, na kabilang sila sa mga “mestizo” dahil sa iisa nilang pinagmulan.

Ito ang kinumpirma ng Espanyol na biologist na si Antonio Gonzalez-Martin sa isang kumperensyang pinamagatang Todos Somos Mestizos (We Are All Mixed) noong Hulyo 24 na ginanap sa Instituto Cervantes de Manila.

Layon ng talakayan na ipaliwanag ang pag-aaral ni Gonzalez-Martin na nakatuon sa pagtuklas ng iba’t ibang katangiang makikita hindi lamang sa pisikal na anyo, ngunit pati na rin sa genes ng mga Pilipino.

Nais din ni Gonzalez-Martin na liwanagin ang maling konsepto ng “lahi”—isang salitang nagdudulot ng diskriminasyon sa pagitan ng mga tao sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa kaniyang pag-aaral na pinamagatang Topogenetic Atlas of the Philippines, kaniyang pinangunahan ang paggawa ng genetic map ng Pilipinas. Ayon pa sa biologist na isa ring propesor sa Universidad Complutense de Madrid sa Espanya, ang isang kumpletong genetic map ay makapagbibigay-linaw kung saan nagmula ang ating mga ninuno, kabilang na rin ang kanilang genetic mix.

Sa genetic mix makikita ang mga pisikal, maging ang mga genetic na katangian, ng mga Pilipino na may pagkakahalintulad sa genes ng mga taong naninirahan sa mga kalapit-bansa sa Timog-Silangang Asya.

Ayon kay Gonzalez-Martin, ang pag-usbong ng populasyon ng mga Homo sapiens ay nagsimula sa kontinente ng Aprika mga 200,000 taon na ang nakalilipas.

“What we find in Africa back then is a small group of people. Isolated populations also existed, while the rest of the continent is uninhabited,” aniya.

Makaraan ang ilang libong taon, ang mga taong kabilang sa sinaunang populasyong ito ay naglakbay mula Aprika patungo sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sinasabing kasabay ng migrasyon ng 120,000 taon na ang nakakaraan ang pagkakaroon ng unti-unting pagbabago sa genes ng mga tao.

READ
Pro-RH and anti-Catholic

“Some of the population moved around the world by going in the direction of Southeast Asia first, then to Australia. Some also went to Papua New Guinea, Europe, and to America. During this period, slight genetic variations within these population,” ani Gonzalez-Martin.

Nasundan ang pangyayaring ito ng marami pang serye ng migrasyon, hanggang maglakbay ang populasyon ng mga Homo sapiens sa bansang Taiwan patungong Pilipinas.

“So 6,000 to 8,000 years ago, the rice [fields] started to be cultivated and there was a demographic expansion wherein more people came to the Philippines from Taiwan. These populations became genetically different,” aniya.

Idinagdag pa ni Gonzalez-Martin na may panibagong populasyon ng mga tao ang naglakbay sa bansa mula Malaysia. Patuloy ang naging pagdating ng mga imigrante, tulad ng mga Tsino at Hapon, na lalo itong nakaimpluwensya sa paghahalu-halo ng mga populasyon.

Genetics bilang tulay sa nakaraan

Ang pag-aaral ni Gonzalez-Martin ay nakabatay hindi lamang sa pagsusuri ng mga fossils mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, bagkus kasama na rin ang pagkuha ng deoxyribonucleic acid (DNA) samples mula sa laway ng iba’t ibang tao sa Pilipinas.

Ang DNA ang nagtataglay ng iba’t ibang genetic instructions na nakakaimpluwensya sa mga anyo ng bawat organismo at nangangasiwa sa mga katangiang maaaring manahin ng isang supling mula sa kaniyang mga magulang.

Ipinaliwanag ni Gonzalez-Martin na isang mahalagang batayan ng ebolusyon ang fossils ngunit genetics pa rin ang makapagsasabi at makapagbibigay ng tiyak na detalye kung paano nagkaroon ng ebolusyon at paghahalo ng populasyon sa pagitan ng mga unang taong nanirahan sa bansa.

“We use genetics because it’s actually based on basic [scientific] principles. Cells are easier to observe because they have the same composition,” aniya.

Sa cells ng tao makikita ang mga genes na nagtataglay ng DNA. Sa pag-aaral na ito, sinuri ni Gonzalez-Martin ang mitochondrial DNA, isang uri ng DNA na makikita lamang sa cell ng babae.

Ayon naman kay John Donnie Ramos, assistant dean ng College of Science, madalas ginagamit ang mitochondrial DNA dahil ito ay mas “stable” sa pagdaan ng maraming henerasyon kumpara sa ibang uri ng DNA na nagkakaroon ng samu’t saring paghahalo sa pagitan ng genetic material ng mga magulang.

READ
Perang pangampanya

“When the sperm cell and the egg cell unite, it’s only the genetic material of the sperm cell that enters the egg through the cytoplasm,” ani Ramos, na isa ring propesor ng biology sa College of Science. “Its implication in genetics is that the genetic material present in the mitochondria [of the mother] is never combined with a genetic material of the father.”

Idinagdag pa niya, walang bagong impormasyong nadagdag sa genetic material ng mitochondrial DNA na maaaring makaimpluwensya sa pagbabago ng katangian ng genes.

“It is something unique to the parents [and] to the lineage of a [particular] person. It is a pure DNA sequence coming from way back to an organism’s origin which makes it useful in studying taxonomy and evolution,” ani Ramos.

Samantala, batay naman sa mga paunang resulta ng pag-aaral ni Gonzalez-Martin sa mga samples ng laway na sinuri, makikitang mayroong malaking porsiyento ng pagkakahawig ang genes ng mga Taiwanese at mga Pilipino, habang ang genes naman ng mga Malaysian ay nagtataglay lamang ng maliit na porsiyento.

Ayon pa kay Gonzalez-Martin, sa kasalukuyan ay wala pa ring nakikitang mga patunay na makapagsasabing naimpluwensyahan ng mga Europeo ang genes ng mga Pilipino, ngunit mayroon pa ring posibilidad na makahanap ang biologist ng relasyon sa genes ng dalawang populasyon matapos niyang pag-aralan ang paternal lineage.

‘Mestizo’ tayong lahat

Binigyang-diin ni Gonzalez-Martin na hindi kinikilala sa biology ang konsepto ng “lahi” sapagkat nagmula ang lahat ng tao sa iisang species at ito ang Homo sapiens, ang itinuturing na pinakamataas na uri ng hayop.

Ang mga nasuring DNA samples ay nagtataglay lamang ng kaunting mga pagkakaiba na makapagsasabi ng pinagmulan sa bawat populasyon ng tao at hindi sapat ang mga ito upang sabihing magkakaiba ang bawat lahi ng mga tao.

“We are basically a species which are always mixed. The genetic differences between the races are not so many and we distinguish races because of political and social point of view but from a biological point of view, these differences are not really big,” ani Gonzalez-Martin.

READ
Kingpins of Manila

Nilinaw din ni Gonzalez-Martin na ang lahat ng tao ay maaaring matawag na mestizo sapagkat ang mga katangian ng DNA na sumasalamin sa pisikal na anyo ay buhat ng pagkakahalu-halo at interaksyon ng iba’t ibang populasyon ng mga sinaunang tao.

“There are slight differences that allow us to look at our history but they are not that big to classify humans according to the race,” aniya.

Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiyang makatutukoy sa anyo ng genes ng mga tao, mas naging madali para sa mga siyentipiko ang pagsasagawa ng mga kaukulang hakbang sa pag-alam ng kaugnayan ng iba’t ibang populasyon ng tao sa bawat isa. Sa pagsusuri ni Gonzalez-Martin sa genome ng tao, kaniyang nadiskubre ang mga populasyong may magkakahawig na genes.

Ayon naman kay Ramos, ang human genome ay may humigit kumulang tatlong bilyong nucleobases, o ang molecules na bumubuo sa DNA ng tao, na hindi pa rin tiyak na natutukoy ng mga eksperto hanggang sa ngayon. Ang pagtukoy sa kumpletong sequence ng genes ng mga Homo sapiens ay maaaring magbigay ng iba’t ibang impormasyong makatutulong sa pag-unlad ng kaalaman sa biology, antropolohiya, at maging sa medisina.

Ang mga nucleobases ay mga molecules na bumubuo sa DNA ng mga tao.

Upang tugunan ang suliraning ito ng mga biologist, isang proyektong naglalayong tukuyin ang kumpletong sequence ng genome ng mga tao ang pinangunahan ng National Institute of Health ng Amerika na tinatawag na Human Genome Project.

“In 2001, the draft of the entire human genome was presented to the public and the annotated sequence (the properly analyzed DNA sequence) was finished in 2003,” ani Ramos.

Sinabi rin niya na ang aplikasyon ng proyektong ito sa pag-aaral ng antropolohiya ay maaaring maging gabay sa pagtuklas ng pinagmulan ng iba’t ibang uri ng populasyon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.