MALIBAN sa Main Building, car park, at main field, ano pa ang alam mong mga palatandaan sa loob ng Unibersidad?

Sa kasalukuyan, mayroong 18 na kalsada sa loob ng UST na ipinangalan sa mga Tomasinong nag-alay ng kanilang galing sa loob at sa labas ng Unibersidad.

Ayon sa I Walked With 12 Rectors ni Norberto de Ramos, taong 1959 isinulong ng Central Board of Students na noo’y pinamunuan ni Luis Ablaza, Jr. ang pagbibigay ng pangalan sa mga kalsada. Ang naturang samahan ay nagbigay ng 100 pangalang maaaring ibansag sa bawat kalsada sa Unibersidad.

Noong Marso 1960, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ni Santo Tomas de Aquino, pormal na nilagyan ang bawat kalsada ng mga pangalan makalipas ang 33 taong paglipat ng Unibersidad mula sa Intramuros.

Makikita sa harapan ng Unibersidad ang Intramuros Drive na hango sa unang lugar kung saan itinayo ang UST. Ang kaliwang bahagi naman ng Intramuros Drive ay ipinangalan kay Cayetano Arellano, ang unang Pilipinong punong mahistrado. Samantala, ang kanang bahagi ay ibinansag kay Manuel Araullo, isa sa mga unang Pilipinong naging bahagi ng mahistrado.

Ipinangalan ang dalawang pangunahing daan na nag-uugnay sa España at Dapitan sa mga naging pangulo ng bansa na sina Manuel Quezon at Sergio Osmeña, Sr.

Kilala sa tawag na Lovers’ Lane, ang tatlong daanan sa Plaza de Benavides ay inalinsunod sa tatlong bayani ng bansa—ang paring martir na si Jose Burgos; ang pambansang bayaning si Jose Rizal; at isa sa mga pinuno ng kilusang Propaganda na si Marcelo del Pilar.

Ang kalsadang matatagpuan sa harap ng mga gusaling Roque Ruaño at Albertus Magnus ay ipinangalan kay Fr. Roque Ruaño, O.P., dating dekano ng Faculty of Engineering at ang nagpatayo ng Main Building.

READ
Gizmos galore for 2008

Dahil sa kontribusyon nina Luis at Leon Ma. Guerrero sa larangan ng medisina at siyensiya, ipinangalan sa kanila ng Unibersidad ang dalawang kalsada nito—mababaybay ang M. Guerrero Drive mula sa tapat ng UST Hospital hanggang sa tarangkahan ng A. H. Lacson, habang matatagpuan naman ang L. Guerrero Drive sa likod ng UST Hospital.

Ipinangalan ang dalawang kalsadang nasa harap ng gusali ng San Martin de Porres sa mga Tomasinong sina Gregorio Singian at Juan Miciano, kapuwa nasa larangan ng medisina.

Ang Villamor Drive, ang kalsadang nasa likod na bahagi ng gusaling Tan Yan Kee (TYK) Student Center at nasa kanang bahagi ng gusali ng St. Raymund Peñafort, ay ipinangalan kay Ignacio Villamor, ang unang pangulong Pilipino ng University of the Philippines.

Ang Albert Drive ay ipinangalan naman kay Alejandro Albert, isa sa mga nagtatag ng Escuela de Farmacia del Liceo de Manila na ngayo’y Manila Central University na. Matatagpuan ang kalsadang ito sa harap ng TYK at ng Miguel de Benavides Library.

Bilang pagkilala kay Bishop Casimiro Lladoc, sa kaniya ipinangalan ang kalsadang patungong Botanical Garden na nag-uugnay sa Gonzales Drive na ipinangalan naman kay Kardinal Ceferino Gonzales, isang teologo at pilosopo na nagpakadalubhasa sa UST at nagging arsobispo ng Toledo.

Ang Tamayo Drive, na nasa harapan ng gusaling Beato Angelico, ay ipinangalan kay Fr. Serapio Tamayo, O.P., ang kasalukayang rector nang itinatag ang Varsitarian noong 1928.

Dating matatagpuan ang Ampuero Drive, alinsunod sa huling secretary general ng Unibersidad na hindi pari na si Ramon Ampuero, sa likod ng Main Building ngunit tuluyan itong nawala nang ipinatayo ang Quadricentennial Park.

READ
Tender naming of the labor and the pain

Tomasino siya

Alam n’yo ba na mayroong isang Tomasinong nagtagumpay sa parehong larangan ng medisina at abogasya?

Si Antonio Alejandro Rebosa, nagtapos ng kursong Medicine noong 1985, ay nagpatuloy sa pag-aaral ng Civil Law at nagtapos noong 1991.

Ayon kay Rebosa, isang kurso sa College of Engineering ang kaniyang unang napusuan, ngunit kalauna’y pinili niyang kumuha ng BS General Curriculum sa College of Science dahil na rin sa kagustuhan ng kaniyang ama na isa ring Tomasino.

“I was forced by my father. But as I say, no regrets,” ani Rebosa sa Varsitarian. “Naniniwala pa rin ako na parents know best.”

Kasalukuyang propesor sa Faculty of Medicine and Surgery, si Rebosa ay nagtuturo ng Legal Medicine at Medical Jurisprudence and Ethics. Nagtuturo din siya sa iba’t ibang unibersidad at nagbibigay ng board exam reviews sa mga nais magdoktor.

Pinuno rin siya ng departamento ng Legal Medicine sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig at Quezon City. Siya rin ay nasa Medico Legal ng UST Hospital .

Bilang abogado, hinawakan ni Rebosa ang tinaguriang “Subic rape case” na kinasungkatan ng apat na sundalong US Marines at ang “Pestaño case” kung saan ang pagkamatay ‘di umano ni Philip Andrew Pestaño, isang Navy ensign, ay mayroong foul play.

Nang tanungin kung mayroon pa ba siyang oras para maglibang, sinabi niya na sinisigurado niyang nakapaglalaan siya ng oras para sa kaniyang pamilya at sa sarili.

“Every Sunday, tumatakbo kami ng buong pamilya at doon dumidepende ‘yung ibibigay kong allowance sa mga anak ko,” kuwento ni Rebosa.

Si Rebosa ay kumakanta rin sa Retromania, isang bandang binubuo ng mga Tomasino, na tumutugtog ng mga awitin mula sa dekada 60s hanggang 80s.

READ
Kingpins of Manila

Inamin ni Rebosa na sa 35 taon niya sa Unibersidad, ipinagmamalaki pa rin niya na siya’y tunay na dugong Tomasino.

“Sinasabi ko sa kanila (sa kaniyang klase) na when they graduate, most of them would feel hatred, disappointment toward the school,” ani Rebosa.

“But I always tell them to go back and serve the school,” dagdag pa niya.

Tomasalitaan

Lutab (png)—bula

Hal.: Pilit pa rin niyang hinahabol ang mga lutab kahit na bigla na lamang nawawala sa tuwing tatangkain niyang putukin ang mga ito.

Sanggunian:

De Ramos, N. R. (2000). I Walked With 12 Rectors. Quezon City, Metro Manila, Philippines : A.G. Ablaza and C. de Ramos Ablaza.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.