BAGONG istilo ng pagpapangkat at paraan ng pagtuturo ang ipapatupad sa mga pinakabatang Tomasino.

Simula ngayong taon, mayroon nang bagong sectioning scheme ang UST High School (USTHS) upang magkaroon ng pantay na distribusyon ang mga mag-aaral na may iba’t ibang kakayahan at pag-uugali.

Ang nakagawiang paglalagay ng cream sections o ang grupo ng mga mag-aaral na mayroong matataas na marka ay tuluyan nang bubuwagin. Sa halip ay ikakalat sila sa iba’t ibang klase.

Ayon kay Marishirl Tropicales, punong-guro ng USTHS, magiging tulong ito sa mga mayroong suliranin sa pag-aaral. Ang mga bagong sections ay magbibigay daan para sa “peer tutoring and support.”

“Students of approximately the same age are placed in different classrooms in order to create a relatively even distribution of students of different abilities as well as different educational and emotional needs. High-ability students will be scattered throughout the various classrooms rather than all together in one class,” aniya.

Kasabay ng pagbabagong ito ay ang paggamit ng mga tablets para sa pagtuturo ng mga mag-aaral sa Grade 7.

Iniayon ang mga pagbabagong ito sa programang K to 12 ng Kagawaran ng Edukasyon, na nangangailangan ng constructivist and collaborative approach. Sa ganitong paraan, ang bawat mag-aaral ay aktibong makakalahok sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto.

Ngunit hindi lahat ng mag-aaral sa USTHS ay maapektuhan ng bagong sectioning scheme. Ang mga nasa Grade 7 at Grade 8 lamang ang makararanas nito. Ang mga nasa ikatlo at ikaapat na taon na hindi saklaw ng K to 12 ay mananatili sa mga dati nilang hanay.

Para sa mga estudyante sa Grade 7 na kapapasok lamang sa USTHS, ang kanilang section ay ibinase sa kanilang marka noong elementarya.

READ
Ang paru-parong isip talangka

Naikonsulta naman ang academic performance at pag-uugali ng mga mag-aaral sa mga naging guro para sa Grade 8.

Isa sa mga naging pamantayan ng USTHS sa bagong sectioning scheme ay ang mga sagot ng mga nagsipagtapos na mag-aaral sa katanungang, “Kung mag-e-enroll ka muli sa USTHS, sa anong section (cream section o regular section) mo gustong mapasama?”

Ayon kay Tropicales, mas marami ang pumili ng regular section dahil sa walang kumpetisyon at diskriminasyon dito.

“I want to be in a regular class. There is less competition and one can be with a variety of personalities and at least, there, you can see true unity by helping classmates who are on probation,” ani ng isang mag-aaral.

Ilang mga saliksik din ang nagpatunay na ang heterogenous grouping ay nakapagpapataas ng social behaviors at tiwala sa sarili, ani Tropicales.

Makakatulong rin ito sa mga matatalinong mag-aaral dahil matutulungan nilang ipaliwanag sa mga hindi nakakasunod na kaklase ang kanilang natututuhan.

Makabubuti rin ito sa performance ng USTHS sa mga college entrance exams dahil sa pagtutulungan ng mga mag-aaral.

Sa pagpili naman sa mga honor students, pananatilihin pa rin ang dating ranking system.

Manggagaling na ang mga ito sa iba’t ibang sections, ayon kay Tropicales.

Makabagong pamamaraan

Samantala, tuloy na ang paggamit ng mga tablets sa Grade 7.

Ang bilang ng mga section na sasailalim sa proyekto ay itinaas sa apat mula sa dalawa. Gagamit ng 180 Acer Iconia tablets para sa pilot testing ng programa. Bubuo ng mga regulasyon ang USTHS upang masiguradong hindi gagamitin ng mga mag-aaral ang mga tablets para sa gaming at social networking sites.

READ
Academic societies

Magkakaroon din ng research team ang USTHS upang pag-aralan kung itong pamamaraan ng pagtuturo ay nakatutulong nga sa mga mag-aaral.

“If it’s beneficial for the students and effective for the teaching and learning process, maybe we can have it in full swing in all year levels the following year,” ani Emmanuel Batulan, sekretarya ng USTHS.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.