19 Agosto 2015, 9:00 a.m.  KABILANG
ang piyesa ng tatlong Tomasino sa mga magkakamit ng gantimpala sa ika-65 Carlos
Palanca Memorial Awards for Literature.

Gagawaran
si Lance Lauren Santiago, 17 na taong gulang, ng ikalawang gantimpala sa
kategoriyang Kabataan Sanaysay para sa kaniyang akdang “Ang Nakakakiliting
Kalabit ng Bukhang Liwayway”.  

Tatanggap
naman si John Carlo Pacala, 22 at isang AB Political Science alumnus, ng unang gantimpala
sa kategoryang Maikling Kuwento para sa kaniyang akda na “Ang Reyna ng
Espada at mga Pusa.”

Samantala,
tatanggapin naman ni Brylle Tabora, isang BS Biology alumnus at dating
tagapamahalang patnugot ng Varsitarian, ang ikalawang gantimpala sa
kategoryang Dulang Pampelikula para sa kaniyang akdang “Sekyu.”

 

Pagtangkilik sa panitikang Filipino

Ani
Santiago, ang kaniyang sanaysay ay maituturing na creative nonfiction, kung
saan ang kuwento ay hinimay sa iba’t ibang parte upang mas maintindihan ng mga
mambabasa.

Ang
kaniyang akda na pinamagatang, “Ang Nakakakiliting Kalabit ng Bukhang Liwayway”
ay tumatalakay sa pagiging daan ng panitikang Filipino tungo sa pagkakaisa ng
bansa.  

Ayon
sa kanya, mas maiintindihan ng mga Pilipino ang kanilang lahi kung mababasa
nila ang mga akda ng kapwa Pilipino sa sariling wika. Dagdag pa niya, “Yung
pagtangkilik sa panitikang Filipino ang magiging daan para sa ating national
growth
.”

Si
Santiago ay kasalukuyang kumukuha ng kursong AB Literature sa Unibersidad.

 

Konsepto ng kalayaan

Ayon
kay Pacala, ang kaniyang akda ay tumatalakay sa ideya ng relatibo at kakaibang
pagtanaw sa saysay ng kalayaan.

“Mahilig
ako sa mga anti-hero at challenge sa’kin iyon to give justifications to their
point of view,” ani Pacala. “I’m trying to write their stories in the most
romantic way that I can.”

“Ang
Reyna ng Espada at mga Pusa” ay tungkol sa isang matandang bakla na ayaw
tanggapin ang executive clemency na inihandog sa kaniya ng
pangulo ng Pilipinas. Naghahanap siya ng paraan upang manatili sa kaniyang
selda bagama’t natagpuan na niya sa loob ng bilangguan ang kalayaang hindi niya
makamit noong siya ay nasa labas pa. 

Si
Pacala ay nagtapos ng kursong AB Political Science sa Unibersidad noong 2013.
Siya rin ay binigyan ng Rector’s Literary Award noong 2011 sa Gawad Ustetika,
ang taunang parangal pampanitikan ng Varsitarian, para sa kaniyang katha na
“Liham.”

 

Sa mga kuko ng makapangyarihan

Ani
Tabora, isang crime-drama ang kaniyang akda na
“Sekyu.” Sumasalamin ito sa kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan sa
ilalim ng mga makapangyarihan. 

Ang
dula ay kuwento tungkol sa isang security guard sa isang gusali sa Cubao. Sa ilang
buwan niya sa trabaho ay marami siyang naungkat na mga lihim na maaaring
magdala ng sari-saring suliranin.

Ayon
kay Tabora, naging inspirasyon niya sa pagsulat ng kaniyang dula ang batikang
direktor na si Brillante Mendoza.

Ani
Tabora: “[It was his] tradition [that] I followed for most of my
stories: sharp, gritty, and human to a fault; the predicament of the common
people and how they come through it, despite the hurdles and pressure that come
from our current socio-political climate.”

Si
Tabora ay nagtapos ng kursong BS Biology sa Unibersidad noong 2013.

Nakatakdang
idaos ang gabi ng parangal sa ika-1 ng Setyembre sa Peninsula Manila.  Zen
Duque II, Cedric Allen P. Sta.Cruz at Alhex Adrea M. Peralta na may ulat ni
Josef Brian Ramil

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.