“ANONG paborito mong pelikula?”
Malaki ang posibilidad na banyagang pelikula ang sagot mo, at malapit na akong sumang-ayon sa ibang nagsasabi na wala na talagang patutunguhan ang industriya ng pelikulang Filipino subalit hindi maaaring magbulag-bulagan ako sa ibang lokal na pelikulang nag-aalok ng alternatibong perspektibo at karanasan.
Nakakasawa nga naman kung paulit-ulit lamang ang kwento o storyline ang makikita sa takilya. Paulit-ulit na usapang kabit, pag-iibigang mayaman at mahirap, at kung ano pa mang kwentong halos wala nang (at madalas) kwenta pero bumebente pa rin dahil sikat ang mga artistang gumaganap sa mga ito.
Noong 2014, sa taunang Metro Manila Film Festival, tinanghal na top four films ang “The Amazing Praybeyt Benjamin,” “Feng Shui 2,” “My Big Bossing” at “English Only, Please.” Dalawa sa apat na pelikula ay umiikot sa slapstick na komedya, habang ang isa ay nagrisiklo na lamang ng minsang pumatok na pelikula.
Sa kabila ng pagkabigo ng nasabing film festival na maghatid ng mga pelikulang babalik-balikan matapos ang ilang henerasyon, isinalba naman tayo ng iilang makabagong rebolusyonaryo ng takilya.
Hindi ko maaaring hindi isama sa usapan sina Brilliante Mendoza, Erik Matti, Lav Diaz, Adolfo Alix Jr., Jim Libiran at marami pang ibang direktor, na iwinagayway ang bandila ng ating bansa sa maraming international film festivals sa Estados Unidos, Cairo, Berlin, Cannes, Venice, Vienna at Rotterdam. Kahit pa nilangaw ang mga pelikula nila sa lokal na takilya, ay kataas-taasang puri at parangal naman ang naging katumbas sa ibang bansa.
Masakit isipin na kulang na nga ang suporta ng mga Filipino sa independent films dito sa Pilipinas ay kulang pa rin ang suporta ng ating gobyerno sa ating mga kapuwa Filipinong sumusugal sa kanilang sining.
Dapat nating pangalagaan ang mga tao, bagay, at lugar na naipamamalas ang ating kultura. Kasama na rito ang mga pelikula, na nagsisilbing repleksyon ng panahon natin at kung nasaan tayo bilang isang lipunan.
Batay sa opisyal na website ng ating gobyerno, sa national budget ng 2016 na mahigit P3 trilyon, P1.3 bilyon lamang ang mapupunta sa National Commission for Culture and the Arts, na pinaghahatian pa ng apat na subsections, kasali ang National Historical Commission, National Library, at National Archives. May pondo namang P120 milyon ang Film Development Council of the Philippines.
Totoo naman na hindi maaaring ipagpalit ang pagkain ng isang nagugutom na pamilya sa dignidad ng isang pelikula, pero importante rin na maglagay tayo ng sapat at naayong pondo para sa ikatatagal at ikatatatag ng ating sining.
Buti na lamang, maraming independent at nongovernment organizations ang nagsisikap buhayin at panatiliin ang apoy ng ating kultura at sining, lalo na ang pelikulang Filipino. Patotoo rito ang mga film festival tuland ng Cinemalaya, CineFilipino, Cinemanila, at Cinema One Originals. Dagdag pa dito ang pagsisikap ng ABS-CBN Film Restoration, na isapubliko muli ang mga klasikong pelikulang Filipino tulad ng kina Mike de Leon (Kisapmata, Batch ’81, Sister Stella L), Ishmael Bernal (Relasyon, Himala), Lino Brocka (Tinimbang Ka Ngunit Kulang, Maynila sa mga Kuko ng Liwanag, Insiang) at Marilou Diaz-Abaya (Karnal, Jose Rizal, Muro Ami).
Isa sa mga dahilan kung bakit malaki ang respeto ko sa mga indie films, maliban sa madalas ay hindi malaki ang pondo, exposure at suporta para sa mga taong nasa likod nito, ay ang kakayahan nitong tumagos sa pagkatao ng isang manonood. Mula sa mga usaping sensitibo ukol sa sex, diborsyo, droga, homoseksuwalidad, at maging relihiyon, nagsisilbing isang eye-opener ang mga naturang pelikula sa parehong tamis at alat ng tunay na buhay.
Gayunpaman, hindi maaaring itanggi na malaking bahagi ng ating populasyon ang hindi nagpapahalaga sa malalim na kahulugan ng mga pelikulang “indie.”
Para sa iba, ang mga pelikula ay maaring isang pampalipas-oras lamang. Pero para sa iba, isa itong paraan para masilip ang pinipilit na kinubling realidad ng mundo, na madalas ay tinatakpan ng mga nagsasampalan na mga kontrabida, naghahabulan na mga “goons” na nakasuot ng leather jacket at mga pulis, o “pa-tweetums” ng mga teen stars na mas siguradong kakagat sa masa.
Mahirap sabihing wala nang patutunguhan ang industriya ng pelikulang Filipino kung sa mga mall lang tayo manunuod. Ang tunay na mga pelikulang nangungusap sa atin bilang manonood ay nasa mga tagong lugar na kailangan nating hanapin. Ang tunay na pelikula ay mananatili sa mga buhay natin, matapos mang magsara ang takilya.