(John Ray Ramos, propesor sa kasaysayan sa FEU-FERN College, habang tinatalakay ang kahalagahan ng kasaysayan sa bansa. Kuha ni Amparo Klarin J. Mangoroban)
October 4, 2015, 1:12p.m. – MAAARING magsilbing kabalikat sa pagtuturo ng kasaysayan ang social media bilang tugon sa kaunting oras na inilalaan para sa asignaturang ito, ayon sa isang historyador.
“Ang social media ay nagiging avenue upang ipakita at ituro ang kasaysayan. ‘Yung mga kabataan na gumagamit ng Internet, mapaparating natin ang kasaysayan [sa kanila sa pamamagitan ng] pagpopromote ng events na may kinalaman sa history at kahit sa [pagpapaskil] ng mga larawan, ‘yung mga memes,” ani John Ray Ramos, propesor ng kasaysayan sa FEU-FERN College, sa isang talakayan sa National Commission on Culture and Arts, ika-30 ng Setyembre.
Ang meme ay isang larawan na may kalakip na tekstong kadalasan ay naglalayong magpatawa.
Ang kawalan ng sapat na oras at maling paraan ng pagtuturo ang ilan sa mga nakikitang dahilan ng kababawan ng kaalaman ng mga kabataan sa kasaysayan ngayon, ani Ramos.
Kamakailan, umani ng batikos ang kumalat na “post” ng isang nanuod ng pelikulang “Heneral Luna” na nagtataka kung bakit nakaupo lamang sa buong palabas si Apolinario Mabini, ang Dakilang Paralitiko at Utak ng Rebolusyon.
“Kailangan ayusin ang pagtuturo [ng kasaysayan],” ani Ramos. “Hindi memorisasiyon at trivia lamang. Kailangan pumili ang guro ng mahalagang mensahe mula sa kasaysayan at pagtibayin ito gamit ang facts.”
Ayon naman kay Marne Kilates, manunulat at komisyoner sa Komisyon sa Wikang Filipino, hindi lamang sa Filipinas mayroong pagwawalang-bahala sa kasaysayan.
“Sa ibang bansa, iniiwan ang kultura at tinatanggal sa kurikulum ang history at culture. Isa itong pandaigdigang pagpapabobo. Kailangan bumalik tayo sa pag-aaral at pagbabasa,” ani Kilates.
Dagdag naman ni Ramos, mas nakapangangamba na lalong mabawasan ang oras para sa mga asignaturang kasaysayan dahil ni hindi umano dinagdagan ang klase para sa kasaysayan ng Pilipinas sa programang K-12.
“Nag-introduce [ang K-12] ng iba pang asignatura pangkasaysayan: kasaysayan ng Asya, Europa at Africa ngunit ang kasaysayan ng Pilipinas ay nandoon pa sa mababang antas sa Grades 6 to 7. Hindi nadagdagan ‘yung taon, hindi naextend ‘yung pag-aaral ng kasaysayan,” ani Ramos. “Ang pagtuturo ng kasaysayan hindi lamang nalilimita sa isang taon. Ito dapat ay patuloy na itinuturo at dini-develop.” Jasper Emmanuel Y. Arcalas