NAKAAYOS na sa hapag ang kandila, mga bulaklak, pagkain, at champagne bago tuluyang kainin ng dilim ang paligid.
Valentine’s date namin at hindi ko talaga maintindihan ang nararamdaman ko. Natutuwa ako dahil makakasama ko na naman siya. Kinakabahan din, baka kasi hindi na niya ako mahal. Kung anu-anong pagpapa-cute sa kanya ang iniisip ko. Pakurap-kurap. Pangiti-ngiti.
Wala namang problema sa lugar. Liwanag lang mula sa kandila ang nagpapatingkad ng gabi (bukod sa buwan, siyempre.) Siya yata ang namili nito. Romantiko pa rin siya tulad ng dati, gusto pa rin nyang private ang aming pagsasama. Natatandaan ko pa, lagi kaming dalawa lang sa mga lugar na madalas naming puntahan. Naiinis kasi siya sa mga matang nagmamasid na gusto pa yatang magbaon at kumain ng pop corn habang pinapanood kami. Galit din siya sa mga taong nagbubulong-bulungan at naghahagikgikan na halata namang kami ang bida sa kanilang mga usapan. Kaya, kami na lang ang umiiwas para walang problema.
Malamig yata rito sa lugar na pinili niya kasi puro puno at halaman. Pilyo pa rin siya hanggang ngayon. Siguro inaakala niyang madali akong magpapayakap. Hindi na yata niya alam na “hard to get” na ako ngayon at hindi basta-basta magpapahipo.
Weird talaga itong pinili niyang setting. Marami ring mga lantang bulaklak. Napakalawak pa para sa aming dalawa. Baka naman gusto pa niyang magtaguan kami tulad ng dati, puwedeng-puwede ‘to pero mukhang mahihirapan ako sa paghahanap sa kanya. Maraming puwedeng pagtaguan. Madilim. Nakakatakot.
“Good evening , babes. Alam mo, masaya ako dahil kasama kita ngayon. Grabe, hindi ko talaga akalain na hanggang ngayon, ako pa rin yata ang tinitibok ng puso mo. Nagustuhan mo ba ‘tong damit ko? Beautiful ‘di ba? Binili ko pa ‘yan sa, san ba ‘yun? Basta. Cute nga eh. Tingnan mo. Kumusta ka na ba?” bati ko sa kanya.
Hindi siya sumagot pero ayos lang baka nagpapa-miss lang siya. Sinusuyo. Iyun ang gusto niya. Kaya hindi na ako magugulat kung sakaling hindi niya ako kibuin.
“Alam mo, babes, miss na miss na kita. Matagal na rin tayong hindi nagkikita. Mabuti naman at may Valentine’s day. Pero sosyal ka dahil gusto mo ikaw pa ang pupuntahan,” biro ko.
Hindi pa rin niya ako kinibo. Sanay na rin naman ako sa mga usapang katulad nito. Pero hindi na ako tulad ng dati na madaling mainis dahil naubos na namin ang galit at awayan sa relasyon naming parang pelikula.
“Babes, hindi mo ba ako kakamustahin? Tingnan mo ako o, maganda, lalong gumaganda, at palaban na rin. Hindi na ako iyakin tulad ng dati. Makita lang kitang may kasamang iba e, heto ako’t magmumukmok na sa gilid. Aba, aba, aba, matapang na ‘ata ‘tong kausap mo,” pagmamalaki ko sa kanya.
Hindi pa rin siya nagsasalita. Hindi ko alam kung nagulat ba siya sa mabilis na transformation ko o nahihiya sa mga pinaggagawa niya sa akin noon. Sa mga kahihiyang ibinibigay niya sa akin.
“Hay naku, babes, kung iniisip mo ang nangyari dati, kalimutan mo na ‘yun! Nakaganti na naman ako e, hahaha. Nakita mo ‘yun na para akong bida sa pelikula na nagtagumpay sa bandang huli. Ikaw naman kasi ang may kasalanan e. Hindi mo pa rin ba ‘yun nakakalimutan?” tanong ko sa kausap.
Hindi ko naman intensyon na maging pipi siya. Biruin mo, matapos kaming mag-away dahil sobrang napuno ako, pinainom ko pa siya ng juice bago umalis ng bahay. Nagdagdag lang naman ako ng kaunting pampalasa na akala kong magugustuhan niya pero nagkamali ako, hindi na siya muling bumalik at hindi na rin ako kinausap. Hindi niya siguro nagustuhan ang lasa.
Umalis ako na hindi man lang nagpapaalam sa kanya. Marami raw kasing naghahanap sa’kin na hindi ko naman kakilala. Natatakot ako. Naiinis naman ako sa kanya dahil hindi man lang niya ako pinaglaban. Unfair talaga. Iniisip ko pa nga na baka nagsumbong siya, o ‘yung babae niya, pamilya niya. Ewan ko, basta ako, hindi na magulo ang mundo ko.
Ipokrita ako kung hindi aaminin na umiyak ako sa kanya noon. S’yempre sa tagal ba naman ng pinagsamahan namin e ‘di ko ba siya mamahalin? Isa pa, hindi maganda ang paghihiwalay namin. Pero ang totoo n’yan, iyun ang huling pag-iyak ko sa kanya at mega-iyak talaga.
Matapos ang ilang minutong pagkukuwento, hindi pa rin siya sumasagot tulad ng inaasahan ko. Sa tingin ko, hindi pa rin niya ako pinapatawad sa ginawa ko sa kanya. Pereho lang naman kaming may kasalanan. Walang dapat sisihin. Walang dapat magalit.
“Alam mo kahit nangyari ‘yun, ‘kaw pa rin ang babes ko, ‘kaw pa rin ang mahal ko. Hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ko sa’yo, corny ‘no?” sabi ko.
Naubos na ang pagkain, nasimot ko na sa kahuli-hulihang patak ang champagne, ininom ko na rin ang para sa kanya. Nasabi ko na ang dapat kong sabihin, ngunit wala pa rin siyang imik.
Ito na yata ang pinaka-boring na date na napuntahan ko. Nagsisisi ako at nagpunta pa sa kanya kahit na alam kong wala na kami. Aasa pa ba akong magbabalik ang dati naming pag-iibigan?
“Hay naku, kung ayaw mo akong kausapin, e ‘di huwag. Hindi kita pinipilit. Hindi ka kawalan. Kung hindi mo pa ako pinapatawad sa ginawa ko sa’yo kung bakit ka nandito, fine, wala akong magagawa. Basta ako masaya, at nandito pa, e ikaw, nasaan ka ba ha?” sigaw ko sa kanya.
Lanta na ang mga bulaklak na nasa itaas ng hapag dala ng usok na nagmumula sa kandila, unti-unti na rin itong nalulusaw at tila pumipikit ang liwanag. Hindi ko na tuloy maaninag ang kanyang pangalang nakaukit sa kuwadradong bato.
‘Raymond, sinira mo ang Valentine’s Day ko,” huling mga salitang lumabas sa aking bibig habang papalabas sa madilim na lugar na kailanma’y hinding-hindi ko na babalikan.