October 14, 2015, 9:28p.m. – KALAYAAN at katarungan para sa mga nakapiit na artista ng bayan ang isinigaw ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensiyon at Aresto (SELDA) sa isang forum sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman noong ika-9 ng Oktubre.

Lubusang pagkadismaya sa administrasiyong Aquino ang ibinulalas ng batikang direktor at manunulat na si Bonifacio “Bonnie” Ilagan nang mariin umanong itinanggi ng pamahalaan ang pagkakaroon ng political detainees sa bansa.

“Paano nga naman sasabihin na may political prisoners sa bansa kung lahat sila ay kinasuhan ng common crimes, multiple murder, frustrated homicide, arson, etc.?” ani Ilagan. “Puwedeng sabihing hindi sila alagad ng sining o hindi sila kinasuhan dahil lamang sa pagsusulat laban sa gobyerno.”

Sa datos ng SELDA, 537 bilanggong pulitikal ang kasalukuyang nasa bansa, kabilang ang humigit kumulang 100 matatanda, babae at menor de edad. Patuloy pa umanong silang nadaragdagan.

“Maraming ina ang ihiniwalay sa kanilang mga anak. Ang iba ay namatayan ng anak dahil pinagkaitan ng tama at sapat sa serbisiyong medikal,” ani Ilagan nang kanyang unti-unting balik-tanawan ang mga kababaihang manunulat, makata, kuwentista at mandudula na walang habas na ibinilanggo habang nagdadalantao. 

Hinimok din ng batikang direktor ang mga nasa loob ng bulwagan na makiisa sa kanilang adhikain sa pagpapalaya ng mga makabayang artista na buong tapang na lumaban para sa demokrasiya noong Batas Militar at patuloy na lumalaban para sa katotohanan at pagbabagong panlipunan sa kasalukuyan.

“Anong sining ang mas gaganda pa sa paglikha ng lipunang malaya?” dagdag pa niya.

 

Batas Militar

Ayon sa bantog na direktor na si Joel Lamangan, ang mga artista ng bayan ay ang “kaluluwa ng bayan.” Aniya, sila ang boses ng mga mamamayan, lalo na ng mga mahihirap at api.

“Walang karapatan ang kahit anong rehimen na ipabilanggo sila,” dagdag pa niya.

Ibinahagi ni Lamangan ang pag-aresto sa kaniya kasama ang ilang kaibigan noong panahon ng Batas Militar habang nagsasagawa ng demonstrasiyon sa Avenida. Sa kaniyang salaysay, hinuli at dinala sila sa Bicutan at isinama sa mga kriminal.

“Ilang beses din kaming pinaghiwa-hiwalay ng aking mga kasamang naaresto,” dagdag pa niya habang ikinukuwento ang kaniyang kalagayan sa bilangguan kasama ang iba pang alagad ng sining. “Marami daw kaming ginagawa kapag magkakasama kami.”     

Sa kabila ng mga parusa at pagbabawal, pinili nina Lamangan ang pagtuturo sa iba pang bilanggo ng pag-arte sa teatro. Bumuo sila ng pangkat pangkultura at malimit na nagtanghal noon.

Samantala, isinalaysay din ni Andrea Rosal, anak ni Gregorio “Ka Roger” Rosal na naging tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army, ang paghuli sa kaniya habang nagdadalantao at ang kaniyang 17 buwang pagkakapiit.

Bagama’t may pag-a-alinlangang dumalo sa bulwagan, minabuti pa ring tumuloy ni Rosal upang ipahayag ang kaniyang suporta sa mga nakapiit na artista ng bayan na silang tagapagpayabong at tagapagtanggol ng kultura ng bansa.

“Dapat palayain ang mga political detainee,” aniya. “Ika nga sa aking nabasa, ang hukbong walang kultura ay isang marupok na hukbo. At ang marupok na hukbo ay hindi nakagagapi ng kaaway.”

 

Manifesto sa pagpapalaya

“Hindi krimen ang maghangad ng kalayaan… Hindi kriminal ang mga alagad ng sining.”

 

Matatagpuan sa “Manifesto sa Pagpapalaya ng mga Alagad ng Sining” ng SELDA ang masidhi nilang adbokasiya na ipaglaban ang karapatan at bigyang-katarungan ang mga artistang bilanggong pulitikal.

“Namulat silang lahat (mga alagad ng sining) sa pagmamahal sa bayan kaya malaya tayo ngayon,” ayon sa dokumento. “Dinusta at pinarusahan sila noon dahil sa kalayaan natin na hangad ang kanilang sining.”

Paraan ng paggapi sa konsensiya ng bayan ang paggapi sa mga alagad ng sining. Pinabulaan din sa kasulatan ang pagkakaso sa kanila ng iba’t ibang krimen para lamang may mai-dahilan sa kanilang pagkakadakip.

Sa huli, ipinahayag din nito ang pagpapatuloy ng mga alagad ng sining sa pagtupad ng kanilang tungkuling ipalaganap ang katotohanan at imulat sa isipan ng bayan.

“Kapag hinadlangan ang sining, tulad ng tubig, hahanap ito ng lagusan. Kapag hindi ito pinakinggan, magiging kamao ang malikhaing isipan.” Bernadette A. Pamintuan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.