31 January 2016, 3:50 – LAYUNING ipalaganap ng Komisyon sa Wikang
Filipino (KWF) ang malawakang pagtingin sa pambansang wika bilang
“intelektuwalisado” at ang paggamit nito sa larangan ng Agham at Matematika.

Kasabay nito, pinarangalan sa Kapihang Wika noong ika-28 ng Enero
ang mga nanalo sa Gawad Julian Cruz Balmaceda, ang pinakamataas na parangal ng
KWF para sa mga tesis at disertasiyon na isinulat sa wikang Filipino.

“Kailangan nating magsulat tungkol sa ating bayan gamit ang ating
sariling wika,” ani Ramon Sarmiento na siyang may-akda ng nanalong masteradong
tesis na pinamagatang “Ang mga Kalamidad noong Panahon ng Hapon sa Pilipinas:
1942-1945.”

Aminado ang mga kalahok na mahirap magsulat ng siyentipikong
pananaliksik gamit ang sariling wika lalo pa at saklaw ng patimpalak ang mga
paksa ng agham, matematika at agham-panlipunan.

Pinatunayan ito ng nagwaging kalahok para sa kategoryang
disertasiyon na pinamagatang “Pagpopook ng Kapangyarihang Politikal: Prosesong
Elektoral sa Probinsya,” na isinulat ni Gilbert Macarandang.

Detalyado at masususing metodolohiya ang kaniyang isinagawa, mula
sa pagtingin sa mga lumang dokumento ng Tayabas, Quezon na nailimbag noong
panahon ng Espanyol at pagsasalin ng mga ito mula sa wikang Kastila patungo sa
Ingles, hanggang sa pagsusulat ng buong pananaliksik sa wikang Filipino.

“Kahit na malaki ang kaibahan ng halalan noon sa halalan ngayon,
may pagkakatulad ang pulitika noon sa pulitika ngayon,” paliwanag ni
Macarandang sa kaniyang disertasiyong inilarawan ng KWF na “napapanahon.”

“Noon pa man, mayroon nang sabwatan ng mga mayayaman sa pagboto,”
aniya. “Ang pulitika noon at ngayon ay alyansa ng mga mayayaman.”

 

Pagtaas ng antas ng Wikang Filipino

Binigyang-linaw naman sa bukas na talakayan ang pagtanggap ng mga
terminolohiyang siyentipiko sa Ingles na walang direktang salin sa Filipino.

“Filipino bilang wika ng Kaisahan, Kaunlaran at Karunungan
(KKK)” ang puso ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng KWF sa
kasalukuyang taon, hango sa magigiting na mithi ng Katipunan.

“Tignan natin sa mataas na antas ang wikang Filipino,” sabi ni
John Enrico Torralba, nanunungkulang puno ng Sangay ng Edukasyon at Networking
ng KWF.

Kabilang sa mga proyekto ng Komisyon para sa nasabing adhikain ang
patuloy na pagsasalin ng mga klasikong akda tulad ng “Peter Pan,” “A Christmas
Carol” at “Frankenstein” sa Filipino.

Samantala, sa kaniyang talumpati bilang susing tagapagsalita sa
parangal, hinimok ni Gemma Cruz-Araneta, manunulat at historyador, ang mga
kabataan na itaguyod ang wikang Filipino.

Idiniin naman ng propesor na si Michael Charleston
“Xiao” Chua na sa palagiang paggamit ng Filipino, mas tumataas ang
antas nito.Bernadette A. Pamintuan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.