NAKASASABIK noon pa man ang pagdaraos ng mga beauty contest sa loob ng Unibersidad tampok ang pinakamagaganda, pinakamatatalino at pinakamahuhusay na Tomasino bilang bahagi ng taunang Araw ng Santo Tomas.

Unang ginanap ang patimpalak pampagandahan ng mga itinuturing na college muses noong ika-12 ng Nobyembre taong 1928 bilang bahagi ng nabanggit na pagdiriwang.

Ito ang itinuturing na ina ng mga beauty contest sa kasalukuyan na kinabibilangan ng Thomasian Youth Ambassador and Ambassadress na napabantog sa dati nitong pangalan na Ideal Thomasian Youth Personalities.

Pipili ng isang musa ang bawat fakultad at kolehiyo na kakatawan sa kanila sa timpalak at isa lamang ang hihiranging panalo na siyang mag-uuwi ng titulong chief muse.

Babansagan naman bilang “queens” ang mga musa ng Faculty of Medicine and Pharmacy (kasalukuyang Faculty of Medicine and Surgery at Faculty of Pharmacy) habang maids of honor naman ang itatawag sa mga kinatawan ng iba pang kolehiyo at fakultad.

Unang nag-uwi ng kampeonato ang pambato ng fakultad ng medisina na si Amparo Liwag.

Inalok siya noon din na lumahok sa Carnival Queen na isang patimpalak sa labas ng Unibersidad subalit tumanggi siya sapagkat prayoridad niya ang kaniyang pag-aaral.

Pumangalawa naman sa kaniya sa puwesto ang pambato ng Faculty of Philosophy and Letters (kasalukuyang Faculty of Arts and Letters) na si Rosa Santos na siyang pinakabata sa lahat ng kalahok.

Hinirang ang mga nagwagi sa pamamagitan ng botohan.

Samantala, inihambing naman ng Ama ng Varsitarian na si Jose Villa Panganiban ang mga college muse sa siyam na musa ng Bundok Parnassus sa mitolohiyang Griyego.

Sa kaniyang artikulong “The Muses of the Golden Jubilee,” inilahad niyang unti-unti nang nagkakaroon ng bagong pagpapakahulugan ang mga beauty contest na mas kinakikitaan aniya ng kagandahan, kasiyahan at inspirasiyon.

Binansagan din niyang Parnassus ng Unibersidad ang dormitoryo ng Santa Catalina na tinutuluyan ni Amparo Liwag noon.

Tomasino Siya

Kahanga-hanga ang dedikasiyon ng Tomasinong si Dr. Alberto Ignacio Gabriel sa medisina at pagpapaunlad ng kakayahang pangkalusugan ng kasundaluhan ng bansa.

Ibinuhos niya ang kaniyang kakayahan at panahon upang maghatid ng serbisyong medikal sa mga sundalong sumasabak sa pinakamapapanganib na lugar sa bansa tulad ng Jolo, Sulu.

Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Pre-Med sa Unibersidad noong 1971, bago makamit ang kaniyang doktorado sa medisina makalipas ang apat na taon.

Mayroon din siyang masterado sa Business Administration mula sa Wesleyan University sa Cabanatuan, Nueva Ecija.

Hinawakan niya ang mga posisyong commanding officer ng V. Luna General Hospital at chief surgeon ng Philippine Army.

Sa pagnanais na mapabuti ang benepisyong medikal na natatanggap ng ating sandatahang lakas, nagsulat siya ng ilang polisiyang pangkalusugan para sa Armed Forces of the Philippines.

Kabilang sa mga ito ang innovative prevention strategies na naglalayong bawasan ang panganib sa buhay ng mga sundalo sa pamamagitan ng Combat Lifesaver Course na isang serye ng medikal na pagsasanay para mismo sa AFP.

Ginawa rin niyang mas epektibo ang pag-ehersisyo ng mga sundalo sa pamamagitan ng bagong Physical Fitness Test na inilunsad niya noong 2006.

Dahil sa kaniyang natatanging galing, ginawaran siya ng mga medalyang Military Civic Action, Presidential Unit Citation, Disaster Relief and Rehabilitation, Mindanao Sulu Campaign, Wounded Personnel at Military Commendation.

Gayundin, pinarangalan siya ng Philippine Military Aacademy ng Dr. Jose P. Rizal Memorial Award for Government Service dahil sa kaniyang walang humpay na pag-aalay ng kaniyang sarili sa paglilingkod. Bernadette A. Pamintuan

Tomasalitaan:

Takap (png)—malakas na pagsigaw; nakaiinsultong pagbubunganga; pasigaw na pagmumura

Hal.: Nakabibingi ang takap ng mga sundalo habang tino-torture ang mga biktima ng Martial Law.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo II Blg. 7, Oktubre 1, 1928

The Varsitarian: Tomo II Blg. 8, Oktubre 16, 1928

The Varsitarian: Tomo II Blg. 10, Nobyembre 12, 1928

The Varsitarian: Tomo II Blg. 11, Disyembre 1, 1928

2009 TOTAL Awards Souvenir Program

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.