‘Paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo, nananatiling eksperimento’ – Almario

0
20849

MALIIT pa rin ang pagtingin sa wikang pambansa sa batayang edukasiyon at makikita ito sa limitadong paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo.

Ito ang obserbasyon ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa idinaos na Kapihang Wika noong ika-26 ng Hulyo sa Pambansang Komisiyon sa Kultura at mga Sining sa Intramuros.

“[At] pagdating sa tertiary level ay puro eksperimento hanggang ngayon ang nakikita natin kung paanong ipinapagamit ang wikang Filpino sa pagtuturo ng mga kurso at asignatura sa kolehiyo at unibersidad,” wika ni Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Dagdag pa niya, ang mga edukador ang dapat na nakauunawa nito dahil bahagi ito ng “universal principle of education.”

Ayon pa kay Almario, nagiging bantulot ang mga edukador sa pagsunod sa mandato ng Konstitusiyon na gamitin ang wikang Filipino sa pagtuturo dahil hindi ito nalilinang.

“[Kaya] hindi tinutupad ang ating Konstitusiyon ay dahil din sa pangyayari na hindi rin natutupad ng mga alagad ng wika ang kanilang tungkulin na tunay na i-cultivate, tunay na i-modernize at tunay na i-intellectualize ang ating wikang pambansa,” paliwanag niya.

Nabanggit din ni Almario na handa ang KWF na tumulong sa Department of Education sa pagsusuri ng kurikulum ng K to 12 upang mabigyan ng lugar ang saliksik.

Kakulangan, kahinaan ng saliksik

Napakahina ng puwesto ng saliksik sa kasalukuyang ginagamit na batayang kurikulum sa Filipinas bunga ng pagsalig sa mga “nakabihasnang takbo ng utak,” ayon din kay Almario.

“‘Yong inquiry, ‘yong investigation, ‘yan ang mga values na kailangan para magkaroon ng culture of research. E hindi ‘yan nadi-develop sa ating paraan ng pagtuturo at sa ating kurikulum,” wika niya.

Dagdag pa niya, sa halip na gawing batayan ang mga nakaugalian, mas mainam na gamitin sa pang-araw-araw ang kakayahan sa “mahusay na pananaliksik.”

Sa katunayan, ito rin ang batayan ng pagkakaroon ng isang “modernisadong karunungan.”

“Kailangang magsaliksik tayo para ang ating mga industriya ay mapaunlad. [W]ala tayong saliksik upang mapaunlad ang ating industriya at ating mga produkto. Wala tayong saliksik sa mga imbensiyong siyentipiko kaya wala tayong imbensiyon,” paliwanag niya.

Iginiit ni Almario na hindi lang dapat itinutuon sa laboratoryo o sa reseach paper ang kakayahan sa pananaliksik.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.