*Itinatampok sa bahaging ito ang dalawang magkaibang pananaw hinggil sa paksain ng pag-ibig mula sa iba’t ibang punto-de-bista at karanasan ng mga may-akda – Patnugot
Panaginip ni Adan
LUMITAW ang mga pangitain
Sa karimlan ng kanyang pagkakahimbing.
Nawari niya rito ang ilang eksenang
Daranasin ng kanyang mga apo,
Ilang libong taon mula ngayon:
Humahagulhol ang isang binata
habang hawak-hawak pa
Ang kababasa pa lamang na liham ng
pamamaalam mula sa nobya
Mga maton na nagsusuntukan sa gitna ng kalye
habang pinapanood ng kanilang
nakursunadahang prinsesa ang tila
muling pagganap ng Digmaang Troyano
Gayumpaman, may kung anong bulong
na ilang linggo na niyang naririnig sa guniguni
(at muling bumabalik sa hinagap)
ang nagtatangkang pumalis sa mga pangambang ito:
Sana’y dumating na ang sinasabi Mong kasama.
Mahirap ang mag-isa dito sa Paraiso…
Kinabukasan, nabawasan na ng isang tadyang si Adan.
Babang-Luksa
MATAPOS mong mamatay kita’y aking ipinagluksa hindi upang tangisan ang iyong pagkawala kundi upang tangisan ang pagmamaliw ng mga sandaling humamon, umusig at tumimbang sa aking pagkatao na kakambahal ng pagmamahal sa iyo. Inilibing kita sa malalim na hukay ng aking gunita. Tinabunan ng libu-libong salita ng pagkutya. Binindisyunan ng mga luhang maralita. Inalayan ng korona ng paglibak. Pinabaunan ng ngitngit at saka nilagyan ng isang bungo sa ibabaw ng puntod na aba. Habang papalayo sa iyong libingan, isa-isa kong hinuhubad ang saplot sa aking katawan, iniiskoba ang isip, tinatapalan ng dasal ang butas ng puso at muling binibinyagan ang kaluluwa upang ako’y lubusang lumaya. Ah! Sakdal tamis at sakdal gandang babang luksa!
*Si G. Elmer C. Hibek ay isang propesor mula sa Kolehiyo ng Narsing. Nagtuturo siya ng Introduction to Literary Types at Filipino Literature in English sa mga mag-aaral na nasa ikatlong taon.