MAGKAKAIBA subalit magkakahalintulad. Sa mga salitang ito maaaring mailarawan ang pagpasok ng makatang si Teo Antonio sa mga larangan ng pagpipinta at panulaan. Aniya, dahil magkakahalintulad ang mga nababasa niyang istilo sa sining at panitikan, kapwa niya nabigyang ng pansin ang parehong larangan.
“’Yung pag-aaral ko ng fine arts at pagbabasa ko ng movement ng art, pareho rin sa panitikan, (kaya) parehong kilusan. Ginagamit diyan ang surrealism at mga symbolism kaya nagtugma ang aking pag-aaral ng fine arts at panitikan,” ani Antonio.
Pagbabago ng landas
Subalit bago magsimulang humabi ng berso si Antonio, una niyang pinangarap ang maging isang pintor. Paliwanag niya, hindi niya napagpasiyahang sundan kaagad ang yapak ng kaniyang ama na si Emilio Mar. Antonio, ang tinaguriang “Hari ng Balagtasan” sa Bulacan noong dekada 50. Sa halip, ninais niyang tularan ang tiyuhin niyang pintor. Kaya noong 1964, pumasok siya sa Unibersidad upang kumuha ng kursong Advertising sa dating College of Architecture and Fine Arts.
“Nagsusulat na ako noon pero hindi pa seryoso. Pangarap ko talagang maging pintor,” ani Antonio. “Hindi naman kami mayaman kaya ang kinuha ko, Fine Arts major in Advertising. Matapos ka man o hindi, mapupunta ka (rin naman) sa advertising,” dagdag niya.
Habang siya ay nag-aaral, naranasan din ni Antonio ang buhay ng isang working student nang maging draftsman siya sa Manila City Hall. Umangat naman ang kaniyang posisyon sa pagiging building operator nang matapos niya ang pag-aaral sa Unidersidad.
Subalit napilitang huminto si Antonio sa pag-aaral, isang semestre na lamang bago ang kaniyang pagtatapos, nang magkasakit ang kaniyang ama at kinailangan niya itong alagaan.
Muling bumalik sa pag-aaral si Antonio noong 1970. Ayon sa kaniya, nais niyang kumuha ng kursong Political Science sa University of the East subalit napilitan siyang talikuran ito nang ideklara ang Batas Militar. Sa halip, kumuha na lamang siya ng AB Filipino sa nasabing unibersidad na, aniya, ang siyang naging daan upang talikuran niya ang pagpipinta at tahakin muli ang landas patungo sa pagiging isang manunulat.
Impluwensiyang modernista
Ayon kay Antonio, isa sa mga nagtulak sa kaniya upang muling magsulat ng tula ay ang pagbabasa niya sa mga pitak ni Virgilio Almario sa pahayagang The Weekly hinggil sa pagsusuring pampanitikan at pati na rin sa mga tula ni Alejandro Abadilla, ang kinikilalang “ama ng modernismong panulaan sa Tagalog.”
Aniya, “Dahil sa kakabasa ko (ng mga pagsusuri at tulang ito) naimpluwensyahan ako ng kanilang kilusang nagtataguyod sa modernong panulaan. Dati kasi sukat at tugma lang (ang namamayani rito, subalit) ngayon naging moderno na rin ang panulaang Pilipino.”
Paglalahad pa ni Antonio na sa kaniyang pagbabasa kina Abadilla at Almario, naimpluwensyahan din siyang basahin ang mga isinalin na tula ng mga Europeyong makata gaya nina Federico Garcia Lorca ng Espanya at Salvatore Quasimodo ng Italya.
Paglingon sa tradisyon
Bagaman lumaki si Antonio sa panahong namamayani ang tradisyonal na pananaw hinggil sa panulaan, naniniwala siyang kailangan din matutunan ng isang makata ang mga makabagong istilo sa panulaan. Aniya, dito nasusukat ang husay niya sa pagsusulat ng tula.
“Kailangang marunong ka sa lahat kapag manunulat ka at dapat pag-aralan mo ang lahat ng istilo (para magawa ito).”
Subalit idinaing niya na hindi katulad sa ibang bansa, mabagal ang naging pagtanggap sa modernistang panulaan sa Pilipinas dahil na rin sa aniya’y malakas na impluwensiya ng tradisyunal na panulaan sa mga mambabasa.
Gayumpaman, naniniwala pa rin si Antonio na kinakailangan munang mahubog ang isang makata sa mga tradisyonal na tuntunin sa pagsulat ng tula. Paliwanag niya, pangunahing pagsasanay ito upang maging maingat ang makata sa kanyang pananaludtod. Ginawa niyang halimbawa ang pagsusulat ng tanaga, isang uri ng tulang Tagalog na may apat na taludtod at pitong pantig naman sa bawat taludtod.
Sa pamamagitan ng pagtalima sa tradisyunal at pagtangkilik sa modernismo nabigyang papuri ang mga akda ni Antonio. Nagwagi na siya sa mga patimpalak gaya ng Centennial Literary Prize noong 1998 para sa epikong ”Piping Dilat” na patungkol sa buhay ng peryodistang-bayani na si Marcelo del Pilar. Nakuha rin ni Antonio ang karangalang-banggit sa Talaang Ginto ng Surian ng Wikang Pambansa noong 1969, bukod pa sa kanyang pagwawagi sa National Book Awards noong 1982, 1991 at 1992. Inimbitahan din siya noong 1996 sa isang poetry reading sa Malaysia na kung saan kanyang binigkas ang tula niyang “Ang Presidente.” At noong 2002 naman, iginawad sa kaniya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) ang Gawad Alagad ni Balagtas bilang pagkilala sa kanyang naging ambag sa panulaang Filipino.
Mababakas naman ang ganitong istilo sa mga linya mula sa tulang “Airbrush” kung saan mapapansin ang kanyang paggamit ng mga simpleng salita:“Dahil moderno na ang teknolohiya/ sa larangan ng potograpiya;/ kahit kasama ka sa retrato/ madaling mabubura ang mukha mo.
Tungkulin ng makata
Naniniwala naman si Antonio na isa ring tungkulin ng makata ang mailarawan ang mga karaniwang pangyayari na may malalim na epekto sa buhay ng mga tao. Para sa kanya, nagdudulot ito ng malalim na pag-unawa hinggil sa kabuluhan ng pang-araw-araw na gawain.
“Makikita mo sa mga tula ko ‘yung mga nangyayari sa lipunan. May tungkol sa OFW, may tungkol sa manggagawa, may tungkol sa kabayanihan ng mga ordinaryong bagay (ang mga tulang ito) na nagbibigay ng insight sa kahalagahan ng tao at pagkatao ng tao,” ani ng makata.
Matapos ang halos apat na dekada sa panulaan, patuloy pa rin si Antonio sa paglinang ng mga berso. Ayon sa kaniya, dulot ito ng kanyang pagnanais na makahikayat pa ng marami pang taong upang magsulat ng tula sa wikang Filipino.
“Kailangang ipagpatuloy ang pagsusulat ng tula dahil ang tribong ‘yan, pakaunti na ng pakaunti,” paliwanag ni Antonio.
Sa kasalukuyan, abala si Antonio sa pagtatapos ng dalawang koleksyon ng mga tula na kung saan ang isa ay epikong patungkol sa labanang naganap sa Bulacan sa pagitan ng mga Katipunero at mga Kastila. Bukod pa rito, nagbibigay rin siya ng panayam sa mga guro at mag-aaral ng iba’t-ibang paaralan tungkol sa panitikan at wikang Filipino.
Naipakita ni Teo Antonio na sa anumang uri ng sining, mahalaga ang pagsubok sa iba’t ibang istilo at paraan upang manatiling sariwa ang diwa sa pagpahayag ng mga saloobin. Joseinne Jowin L. Ignacio