Ikaw, ang gabi at ang musika’y iisa.
Sa kamatayan ng puso’y may naiwang bakas ng nangungulila: Ikaw
Ikaw at ang gabi’y may iisang kulay: Itim
Ikaw at ang musika’y may natatanging himig:Pagluluksa.
Ikaw, ang gabi at ang musika’y mga hiwagang nahihimlay sa
Kandungan ng mapag-ampong kamatayan.
Oo. Kamatayang nagkukubli sa kaibuturan ng puso ng gabi—
Gabing humihiyaw sa bawat kirot ng nagdurugong sugat na
Sanhi ng musikang nilikha ng matinding kabaliwan sa iyong pagkawala.

Sa saliw ng musikang nananangis sa paglilibing ng sawing pagsinta
Nagbangon ang gabi’t humukay ng isang libingan.
Sa mapapait na mga luhang nalaglag sa lupa’y nagkahugis ang
namamanatang kamatayan sa iyong katauhan.
Ikaw ang hiram na pag-ibig sa pagitan ng pangarap at reyalidad.
Sa pagpipikit ng mga mata’y buhay ka! Kasama. Kapiling.
Kaulayaw. Kayakap. Kaisa.
Sa pagmulat nama’y dagli kang naglalaho! Nagpapakalayo.
Muli kang makakaniig sa pagtulog nang sakdal himbing sa
daigdig ng kabalintuanan.

Habang naglalamay ang ulilang gabi sa pagbabantay sa
pagsilang ng bagong umaga
Ang puso mo’t puso ko’y magkayakap nang mahigpit
Walang kapagurang sumasayaw sa gitna ng musikang
Matapat na nagsasalaysay ng matamis-mapait
Na kahapong lumipas.
Ikaw, ang gabi at ang musika’y iisa.

*Si G. Elmer C. Hibek ay isang propesor mula sa Kolehiyo ng Narsing. Nagtuturo siya ng Introduction to Literary Types at Filipino Literature in English sa mga mag-aaral na nasa ikatlong taon.

READ
Musical tribute to the Neo-centennial

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.