PASADO alas-otso na. Tulad ng dati, nahuli na naman ako sa trabaho. Gaya ng aking inaasahan, dinatnan kong maasim na naman ang mukha ni Boss nang makita niya akong humahangos na pumasok sa loob ng pagawaan. Pinandidilatan niya ako nang siya’y lumapit sa akin. Inusisa niya kung bakit sa ikatlong beses sa linggong ito ay lumampas muli ako sa takdang oras ng pasok sa pabrika.

“Sir, trapik po, eh,” paliwanag ko sabay kamot sa ulo. Subalit ang totoo nito ay tanghali na akong nagigising. Madalas na kasi akong nago-overtime kaya’t hindi na rin ako nakatutulog nang maaga.

“Simple lang naman ang solusyon diyan. Umalis ka sa bahay niyo nang mas maaga,” ani Boss. “Sige, magtrabaho ka na.”

Inumpisahan ko na ang paglalagay ng mga laruan sa mga kahon. Tungkulin naming gawin ito habang nakahilera pa ang mga ito. Bukod pa rito, gawain din namin ang pagdadamit sa mga manika o kaya’y pagkakabit sa mga parte ng mga laruang kotse.

Sa mga unang oras ng walang humpay na paggawa, naaaliw pa ako sa aking ginagawa. Pakiramdam ko kasi, tila bumabalik ako sa panahong ako’y isang batang naglalaro ng mga laruan. Subalit pagkatapos ng ilang oras ng pagkakatayo at paggawa, tila natauhan ako matapos kong matanto na halos wala na pala akong pinagkaiba sa mga makina.

Mala-impyerno ang init ng pabrika kaya’t tuloy-tuloy na ang pagtulo ng pawis sa katawan ko. Kulang kasi sa mga bentilador ang pabrika. Mag-iisang dekada na ako sa pabrika subalit kaunti pa lang ang itinataas ng aking sahod. Sa ngayon, mga P250 lang ang arawang sweldong tinatanggap ko. Hindi katulad ng kasama kong si Jhunel, palibhasa ay nag-aaral pa siya, kaya mayroon pang pagkakataon na makakuha ng mataas na sahod sa ibang kompanya kapag nakatapos siya.

Napansin ni Jhunel na nakatitig ako sa kaniya. Sandali niyang iniwan ang kaniyang puwesto at nilapitan ako.

“Andoy, mag-usap tayo mamaya. May sasabihin akong importante,” bulong ni Jhunel sa akin.

“O sige, sige,” sagot ko. Ano na naman kaya ang pag-uusapan namin, tanong ko sa aking sarili.

Binalikan ko ulit ang pag-eempake sa mga laruan. Mahirap nang masabon ng mga boss kapag nahuli kaming walang ginagawa. Tila walang hangganan ang pila ng mga laruan. Tuloy napaisip ako, ilang bata kaya ang mapapasaya ng mga ito ngayong Pasko? Masaklap lang isipin na ang mga manggagawang naghirap sa paglalagay ng mga laruang ito ay hindi makakapag-abot ng mga katulad nito sa kanilang mga anak. Marami kaming napapasayang mga bata araw-araw dahil sa mga laruang aming ginagawa subalit hindi naman namin kayang pasayahin ang aming mga sariling mga anak kahit man lamang sa mga simpleng bagay.

READ
Grad School offers extension programs to other universities

Sumapit na ang tanghalian. Nilapitan ko si Jhunel upang tanungin kung ano ang “importante” niyang sasabihin. Umupo ako sa silya na nasa kaniyang harapan.

“Andoy, marahil narinig mo na ang balita na tatanggalin na raw ang ilang mga benepisyo nating mga manggagawa,” aniya. Alam ko ang tinutukoy niya. May balak kasi ang pamunuan ng kompanya na magtipid dahil sa dumaraming gastos dito. Anila, hindi na raw nila kayang pasuwelduhin kami.

Pagkatapos, bahagya siyang lumapit sa akin. “Nagbabalak ang ating mga kasama na humiling ng isang pakikipag-usap sa administrasyon. Nais ko sanang humingi ng tulong sa iyo dahil isa ka sa pinakamatagal nang namamalagi rito,” patuloy ni Jhunel.

“’Sus, ‘wag niyo na lang ituloy ‘yan. Walang patutunguhan naman ang mga pakikipagpulong na tulad nito,” kontra ko. “Tanungin mo pa ang ilang mga napaglipasan na ng panahon dito. Bago ka pa lang kasi sa trabaho kaya punung-puno ka pa ng pag-asa,” sumbat ko pa kay Jhunel. Sandali naman akong huminto upang isubo ang kaning may kasamang kaunting itlog na maalat at kamatis na ipinabaon sa akin ng asawa ko. Saka ako muling nagsalita.

“Pakikinggan kuno kayo ng mga boss natin, pero sa huli ay wala rin silang gagawing solusyon sa inyong mga hinaing dahil makakaapekto ang mga ito sa kanilang pagnanais na kumita pa ng limpak-limpak na pera. Baka dahil diyan sa ‘pagpapakabayani’ niyo lalo lang silang magalit at tayo pa ang madedehado,” babala ko. “Maigi na ang kaunting ibinibigay nila kaysa naman walang maihanda sa hapag.”

“Sino ba ang nagpapakabayani? Hindi pa ba sapat ang ginagawa natin?” mariin niyang pagtutol sa akin. “Tinitiis natin ang mahahabang oras ng pagtayo at pagkayod kapalit ng kakarampot na sahod, mabuhay lamang nang marangal. Wala naman tayong ginagawang masama, wala tayong nilalabag sa mga patakaran nila at hindi naman malaki ang ating hinihiling na kapalit. Siguro naman hindi ka mapapahamak kung sasama ka.”

READ
Fr. Moraleda's sunset

Tumimo sa aking isipan ang mga salitang iyon ni Jhunel hanggang maghapunan kaming mag-anak kinagabihan. Samantala, nilapag ng asawa kong si Merly ang aming ulam. Tuwang-tuwa naman ang lima kong anak dahil tinola ang inihain. Sa wakas, may mainit na ulam na silang mapagsasaluhan.

“’Tay, gusto ko ‘pag Pasko, bagong damit naman ang ibibigay niyo sa akin,” ani Lalay, ang aming bunso.

“Ako, ‘Tay, laruang eroplano,” sabat naman ni Bong, ang sinundan niya.

Sumunod na ang tatlo ko pang anak sa pagbibigay ng kanilang mga hiling. Nagtalo sila hinggil sa kung anong dapat makuhang regalo ng bawat isa ngayong Disyembre. Kay simple ng kanilang mga kagustuhan. Kung maaari nga lamang, nais kong ibigay sa kanila ang mundo. Ngunit nangangamba ako na baka dumating ang panahon na pati ang kanilang edukasyon at mga pangangailangan ay hindi ko na rin kayang matustusan. Kapag nag-retiro ako, wala na akong makukuhang benepisyo. Nagbabadya na ang araw na kailangan ko nang maghanap muli ng trabahong bubuhay sa aming mag-anak.

Bago ako matulog, pinag-isipan ko pa rin kung sasama ako sa pagpupulong ng grupo ni Jhunel. Sa wari ko, maaaring may iba pang paraan para malutas ang mga problemang kinasasangkutan namin.

“Magsasagawa’t magsasagawa tayo ng isang rally, ano man ang magiging kahihinatnan nito,” iminungkahi ko kay Jhunel. Paliwanag ko sa kaniya, posibleng seryosohin pa kami ng mga may-ari ng kompanya kung nakikita nilang pursigido kaming ipinaglalaban ang mga benepisyo ng mga kapwa manggagawa.

“Andoy, hindi ako makakasama riyan. Sang-ayon ako sa pakikipagpulong subalit may panganib naman na matanggal tayo sa trabaho kung magpi-picket tayo,” aniya. “Mahirap na, saan ako kukuha ng pera sa pag-aaral? Ikaw, paano na ang pamilya mo ‘pag natanggal ka sa trabaho? Hindi mo ba naisip iyon?”

Nanahimik na lamang ako. Naisip ko na rin ang mga sinabing iyon ni Jhunel, subalit napagtanto ko rin na may hangganan din ang pagtitiis kaya’t dapat nang tuldukan din ang mga pang-aabuso laban sa amin.

“Baka sakaling may magbago,” sabi ko sa kaniya upang mapanatag naman ang mukha niyang naghihintay ng kasagutan.

Naghanap ako ng mga kasama, tinanong ko sila tungkol sa aming binabalak na kilos-protesta at nalaman kong marami-rami rin sa kanila ang nagnanais suportahan ang aming hangarin. Nagkakaisa kami sa aming mga hiling, gaya ng huwag na sana tanggalin ng pamunuan ang mga benepisyo ng mga manggagawa at dagdagan din naman ang aming sahod. Nakipag-ugnayan kami sa ilan pang mga grupo na may parehong mga layunin. Pagkalipas ng isang linggo, isinagawa na namin ang kilos-protesta.

READ
Kampanya laban sa paninigarilyo pinaigting

Isang umaga, nagmistulang mga kuhol na nagtago sa kanilang lungga ang mga opisyal ng kumpanya nang magwagayway kami ng mga pulang bandera sa kalsada. Hinarangan nila ang bawat tarangkahan at sulok ng pabrikang maaari naming akyatin. Nakaantabay naman ang isang pulutong ng mga guwardiya ng kumpanya sa isang tabi.

Tuwang-tuwa naman kami nang magtipon ang aming pangkat sa harap ng pabrika. Doon, isinagawa namin ang isang programa. Buong araw kaming nakinig sa mga talumpati at awiting inihanda ng mga kasamahan ko habang nakaabang naman ang mga guwardiya kung sakaling may magsimula ng gulo sa rally. Umaasa naman kami na ang mga salita at pagtatanghal namin ay tatagos sa kanilang damdamin. Tinapos namin ang araw sa pag-asang may naantig kaming mga konsiyensiya.

Kinabukasan, napagkasunduan ng grupo na huwag munang pumasok sa trabaho. May mga balitang kumakalat na sisibakin kami ng administrasyon sa aming mga trabaho dahil sa aming pagsali sa kilos-protesta. Napatunayan ang mga ito nang pumasok nga kami sa pabrika. Sa isang bulletin board ay may nakapaskil na anunsyo ang kompanya na nagsasabing huwag na raw kaming umasang may babalikan pa kaming trabaho. Sinabi pa nito na black-listed na rin kami sa ibang mga kompanya.

Pag-uwi ko sa bahay, paulit-ulit na sumasagi sa isip ko ang aking pagkasisante sa trabaho. Naitanong ko rin, may nabago ba sa aming kalagayan?

Walang lumabas na balita tungkol sa aming ginawa, ni pahapyaw na banggit man lamang, sa telebisyon man, sa radyo o maging sa pahayagan. Wari’t napapatunayan ang tanong sa isip ko, may nabago ba? O baka, at mas gusto ko ang sagot na ito: maaaring hindi pa lang ito kumakalat.

Minsan isang hapon, nakipagkita ako kay Manny, isang kaibigan ko, upang pag-usapan ang kahihinatnan ng aming pagkilos. Habang patungo kami ng karinderya, tinanong niya kung ano ang magiging mga susunod na hakbang namin.

“Ano nang gagawin natin ngayon?” tanong ni Manny sa akin. Matagal-tagal rin akong hindi nakaimik habang nag-iisip ng isasagot. Joseinne Jowin L. Ignacio

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.