TINATAHAK kong muli ang daang nilisan ko noong isang taon.
Tandang-tanda ko pang may baong panibagong pag-asa ang bawat hakbang ko papuntang Maynila. Sa wakas, matutupad na ang pangarap ko at ng aking mga magulang na makatapos ako ng kolehiyo at maging isang abogado.
“Antonio, mag-aral kang mabuti pagdating mo sa Maynila, ha,” bulong sa akin ni Nanay matapos naming basahin ang liham na dumating mula sa lungsod isang umaga. Nabigyan ako ng scholarship ng isang kilalang kolehiyo sa Maynila dahil isa raw ako sa mga aplikanteng nakakuha ng pinakamataas na marka sa entrance exam. Musmos pa lang ako ay pinangarap ko nang maging isang abogado. Bagaman mukhang hindi ko maaabot ang ganitong pangarap dahil sa liit ng kinikita ng aking tatay sa pagtatanim ng tubo, nakakuha naman ako ng scholarship. Kasama kasi ako sa honor roll ng aming klase.
Nasa high school na ako nang ibinenta ng may-ari ng tubuhan ang ilang ektarya ng lupaing sinasaka ni Tatay. Subalit hindi naging pantay ang hatian sa perang kinita. Dahil dito, lalong umigting ang pagnanais ko na maging isang abogado. Ninais kong ilaban ang karapatan ng aking pamilya sa korte kung sakali mang may magtangka pang manloko sa amin.
“Anak, nasa Maynila ang katuparan ng karangyaan na hindi ko kayang ibigay sa inyong magkakapatid,” sabi ni Tatay sa akin, sa kabila ng masasamang balita tungkol sa lungsod.
Unang linggo ko sa kolehiyo. Marami agad akong nakilalang mga bagong kaklase. Mukha naman silang mabait. Sinasama nila ako sa kanilang mga lakad pagkatapos ng klase. Ayos na sana. Ngunit nang lumaon, nalaman ko rin ang tunay nilang mga gawain.
“’Tonio, ‘yosi muna tayo,” paanyaya sa akin ni James sa tuwing maaga kaming pinapalabas ng aming propesor. Siya ang una kong naging kaibigan sa kolehiyo at palagi kong katabi sa klase. Mga laking-Maynila at anak ng mayayamang pamilya sila James at ang karamihan sa mga kaklase kong lalaki, kung kaya malimit silang pumunta sa mga mamahaling club at restawran.
“Baka mahuli tayo sa susunod na klase,” ang alinlangang tugon ko.
“Wala pa naman ‘yong susunod na prof natin. ‘Tsaka maaga naman tayong pinalabas,” pamimilit niya sabay ngiti. Laging may ngiting namumuo sa kanyang bibig kahit nagsasalita siya. Tila isang malaking laro lamang sa kanya ang buhay at ito ang kinaiinggitan ko kay James.
Hindi na ako nakatanggi dahil ayaw ko rin namang maiwang mag-isa sa klase. Tila isang hanay ng mga sundalong nagmamartsa ang mga kaklase kong lalaki sa tuwing lumalabas sila sa kalye. Kung saan pupunta ang isa, doon din susunod ang lahat. Dahil nais kong makipagkaibigan, sumasama na rin ako sa kanila tuwing magkakayayaan ng inuman pagkatapos ng klase. Minsan pa nga, hindi na lang kami pumapasok sa klase at sa halip ay buong araw naglalasing.
Nang lumaon, napansin kong pati ang aking pag-aaral ay naapektuhan na rin ng aking pagsama sa kanila. Noong nasa probinsya pa ako, masipag akong mag-aral at ako pa ang kinokopyahan ng aking mga kaklase tuwing may mga pagsusulit. Ngayon ay napipilitan na rin akong sumilip sa papel ng iba kapag hindi ako nakapagbasa nang maaga tuwing may quiz o exam. Madalas naman itong gawin nina James. Hindi ko talaga ugali ito ngunit iniisip ko ring kailangan kong makakuha ng mga matataas na marka upang mapanatili ang aking scholarship.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, naging mababa pa rin ang mga nakuha kong grado sa unang semestre ng aking unang taon sa kolehiyo. Naging dahilan ito upang bawiin ng pamunuan ng kolehiyo ang scholarship ko. Inisip ko naman na kung uuwi ako sa probinsya pagsapit ng semestral break, tiyak akong pagagalitan ni Tatay sa sandaling sabihin ko sa kanyang wala na ang aking scholarship. Hindi ko rin siya kayang harapin dahil alam kong maling nagpapakasarap ako sa Maynila habang kayod-kalabaw naman si Tatay sa bukid. Kung kaya pinadalhan ko na lang siya ng liham na nagsasabing nagkagulo sa pamamalakad ng scholarship kung kaya napilitan silang bawiin ito sa akin.
Sa simula ng pangalawang semestre, ipinangako ko sa aking sarili na magsisikap na akong mag-aral ng mabuti upang makuha kong muli ang scholarship. Hindi ko na rin nais biguin pa si Tatay.
Naisipan kong iiwasan ko nang sumama sa barkada nina James kahit na nangangahulugan itong madalas akong mag-iisa. Pero, nalaman kong higit itong madaling sabihin kaysa gawin.
“’Tonio, turuan mo naman ako para sa quiz natin sa Statistics bukas,” pakiusap sa akin ni James habang nakaupo kami para sa unang klase namin.
“Mamaya? Hindi ko pa natatapos ‘yong essay natin para sa English bukas, eh” payamot na sabi ko.
“Madali lang ‘yon,” kampante niyang sinabi. “Pinagawa ko nga lang ‘yong sa’kin sa kapatid ko, eh.”
Pumayag na rin ako dahil inisip ko namang tuturuan ko lang siyang mag-aral para sa pagsusulit kinabukasan. Subalit saglit lang kaming nag-rebyu. Ang hindi ko alam ay inimbitahan niya pala ang ibang mga kaklase namin na pumunta sa kanilang bahay upang mag-inuman.
“Na-miss ka na namin, Antonio! Hindi ka na kasi sumasama sa barkada,” sabi ni James.
Hindi na ako umimik at sa halip ay nakisama na lang ako sa kanila dahil ayaw ko namang magalit sila sa akin. Bago ako umuwi sa dormitoryo, naalala ko ang sanaysay sa English na hindi ko pa natatapos. Dahil alam kong gahol na ako sa oras upang ipagpatuloy pa ito, naghanap na lang ako sa isang website na naglalaman ng mga sanaysay na sa tingin ko’y hindi gaanong binabasa. Alam kong bawal kumuha ng sanaysay sa Internet nang walang paalam, ‘yung tipong copy and paste, subalit hindi ko naman nais na bumagsak.
Kinabukasan kampante kong pinasa ang “aking” sanaysay. Buong akala ko’y nakalusot na ako sa ginawa kong pagkuha ng sanaysay mula sa Internet. Subalit hindi pala. Ilang linggo mula nang ipasa ko ito, pinatawag ako ng dekano ng aming kolehiyo. Pakiramdam ko ay umikot ang aking tiyan nang sabihin ng aming dekano na hanggang Marso na lang ang itatagal ko sa paaralan dahil sa ginawa kong ito. Plagiarism daw iyon, sabi niya. Tila unti-unting nawala ang boses ng dekano habang isang bagay na lang ang naghari sa isipan ko – ang magiging reaksyon ni Tatay sa nangyari.
Nagpaalam ako kina James bago ako lumuwas pabalik ng probinsya. Sinabi ko sa kanila ang naging dahilan ng aking maagang paglisan sa kolehiyo. Isa-isa nila akong niyakap matapos nilang humingi ng paumanhin dahil napilitan pa akong uminom kasama nila sa halip na tapusin ko ang aking sanaysay.
Bawat hakbang pabalik sa kubo namin ay hakbang ng kabiguan, hakbang ng pagsisi. Habang papalapit ako sa aming kubo, tumitindi rin ang aking pangamba at ang pag-aalala ko sa magiging kinabukasan ko. Bagaman at mataas ang araw sa kalangitan, naambunan ng luha ang pilapil na aking nilalakaran.
“’Tay, hindi na po ako makakapag-enrol sa susunod na semestre,” nakatungo kong sinabi. “Matagal ko ring pinag-isipan kung paano ko po ito sasabihin sa inyo.”
Hindi siya umimik, sa halip ay nakinig lang siya sa aking kwento. Sinabi ko na sa kanya ang totoo. Inamin ko ang tunay na dahilan kung bakit binawi ng kolehiyo ang aking scholarship. Habang isinasalaysay ko ang mga pangyayari, pakiramdam ko’y nakapaloob sa isang malaking kamao ang puso ko na maya’t-maya’y pinipisil nang mahigpit. Hindi naman umimik si Tatay, bagkus ay tango lang siya nang tango. Mabuti pang sinigawan niya na lang ako, mabuti pang nagalit na lang siya para alam kong nararamdaman niya. Binigo ko si Nanay, binigo ko ang aking mga kapatid at binigo ko siya. Dahil dito, nasa pagsasaka na lang ang kinabukasan ko.
Ngayon ay binabagtas ko ang daan mula sa tubuhan pabalik ng bahay. Habang naglalakad sa pilapil, nakakita ako ng isang naiwang piraso ng tubo sa taniman matapos ang anihan. Pinulot ko ito. Napansin kong nginatngat na ito ng mga insekto. Naisip ko naman ang paghihirap ng aking tatay nang itinanim niya ang tubong hawak ko. Inalagaan niya ang kaniyang mga tanim sa pag-aakalang maaani niya ang lahat ng ito ngunit dahil sa pagsalakay ng mga peste ay napinsala ang mga ito. Sinuri ko pa nang mabuti ang tubo hanggang sa may nakita akong bahagi ng sanga na luntian at sariwa. Kinuha ko ang dala-dala kong patalim. Gamit ito, binali ko ang bahaging sira mula sa bahaging hindi nabutasan ng mga peste. Kinuha ko ang huli at itinago ko ito kasabay ang pangakong itatanim kong muli ito sa susunod na panahon ng taniman.