DAHIL SA pangingibang-bayan ng maraming Pilipino, lumalaganap din ang wikang Filipino sa iba’t ibang panig ng mundo. Subalit bago ito tuwirang tawaging isang wikang pandaigdig, kailangan munang tumugon sa ilang katangian ang wikang Filipino.

Ito ang naging buod ng panayam na “Ang Wikang Filipino Bilang Wikang Pandaigdig” na idinaos sa pagbubukas ng 2007 Sawikaan sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong Agosto 2. Nagsalita sa panayam na ito sina Dr. Florentino Hornedo, propesor ng panitikan at pilosopiya sa UST Graduate School, at Dr. Elynia Ruth Mabanglo, makata at propesor ng panitikang Filipino sa University of Hawaii.

Mahahalagang katangian

Nilinaw ni Hornedo, na dating komisyoner sa Komisyon ng Wikang Filipino, ang pagkakaiba ng wikang internasyonal sa wikang pandaigdig. Aniya, tinutukoy ng una ang pagiging midyum ng komunikasyon ito sa ibang bansa samantalang ang pangalawa naman ay isang manipestasyon sa antas ng paggamit nito sa iba’t ibang mga larangan

“(Kapag sinabing) wikang internasyonal, ang ibig sabihin nito ay ang paggamit ng Filipino bilang wika na tumatawid sa hangganan ng mga kultura. Isang antas ito ng pagiging pandaigdig ng wika, na nagbibigay ng anumang larawan ng kung gaano kalaki ang impluwensiya ng wika sa mga gumagamit nito,” paliwanag ni Hornedo.

Kailangan namang tumugon ang isang wika sa dalawang pamantayan bago ito maituturing pandaigdigan, ani Hornedo. Ang una ay ang laganap na paggamit nito sa loob at labas ng bansang pinanggalingan.

“Ang kinaroroonan ng mga gumagamit ng wika ay (dapat isaalang-alang). Kahit isang milyon lamang ang gumagamit ng Filipino sa labas ng Pilipinas, masasabi nating lingguwaheng pandaigdig ito, sapakat ginagamit sa labas ng bansa,” paliwanag ni Hornedo.

Kanya ring ipinagdiinan na bukod sa heograpiya, mahalaga ring salik sa pagiging pandaigdigan ng isang wika ang antas ng paggamit dito ng mga tao.

“Samakatuwid, kahit ang lahat ng mga naglilinis ng kubeta sa mundo ay gumagamit ng Filipino, ang antas ng paggamit na iyan ay marahil ay kaugnay lamang sa paggamit ng kubeta,” paliwanag ni Hornedo. “Ngunit kung mga propesor na ang gumagamit ng Filipino, sa kanilang pagtuturo, ay ibang antas naman iyon.”

READ
Tomasino, tinanghal na Outstanding Student

Kaugnay rito, binigyang-pansin ni Hornedo na pawang mga akademiko ang mga dayuhang gumagamit ng wikang Filipino.

Aniya, “Kung titingnan ninyo ang mga taga-ibang bansa na gumagamit ng Filipino, (sila ay) mga propesyonal. Kung hindi man mga propesyonal sa larangan ng wika, kadalasan ay mga propesor sa kultura.”

Sa loob at labas ng bansa

Nagbigay naman siya ng apat na halimbawang nagpapatunay na maaaring isa nang wikang global ang Filipino. Ang mga ito ay a.) kapag nakipag-usap ang isang Pilipino sa isang dayuhan gamit ang Filipino dito sa bansa; b.) kapag nakipag-usap ang isang Pilipino sa isang dayuhan gamit ang Filipino, sa ibang bansa; c.) ang pakikipag-usap ng isang banyaga sa kapwa banyaga gamit ang Filipino dito sa Pilipinas; at d.) ang paggamit ng banyaga ng Filipino upang makipag-usap sa kapwa banyaga sa ibang bansa.

Ani Hornedo, maaaring mapansin ang unang halimbawa sa larangan ng negosyo kung saan nakikipag-ugnayan ang isang mamimiling Pilipino sa mga negosyanteng dayuhan, gaya ng mga Tsino.

“Mayroon din mga Instik, na dahil naninirahan na sila rito at hindi na marunong mag-Intsik, pag kausap nila ang kapuwa Intsik, kung minsan ay Filipino na rin ang ginagamit,” paliwanag ni Hornedo.” Lalo na kapag ang Intsik na dayuhan ay natutuhan na ring gumamit ng Filipino.”

Samantala nangyayari naman ang ikalawang halimbawa kapag nagkakataong nag-usap sa ibang bansa ang isang Pilipino at dayuhan at kapwa silang nagnanais matutong magsalita nito. Ayon pa kay Hornedo, bunga rin ito ng hangarin ng ilang Pilipinong lumaki na sa ibang bansa na matuklasan muli ang kanilang pinagmulang kultura.

READ
'Welcome home'

“Maraming Pilipino ang naghahanap ng pagkakataong gumamit ng Filipino dahil gusto nilang magkaroon ng tinatawag na ugat, kahit na sila ay hindi na mamamayan ng Pilipinas,” ani Hornedo.

Bihira naman ang mga sitwasyon na kung saan ginagamit ng mga dayuhan ang Filipino upang makipag-usap sa kapwa dayuhan dito sa Pilipinas, paglalahad ni Hornedo. Aniya, makikita lamang ito sa mga umpukan ng mga dayuhang magkakakilala sa isa’t isa.

“Banyagang nakikipag-usap sa banyaga, (gamit ang Filipino) dito sa Pilipinas, bihira ang ganoon. Dalawang ulit lang ako nakakita ng dalawang banyaga na nag-uusap ng Tagalog o Filipino sa palengke, “ ani Hornedo.

Makikita naman ang ikaapat na halimbawa sa mga pamantasang nag-aalok ng kurso sa wika na kung saan nag-aaral ng wikang Filipino ang ilang interesadong dayuhan, paglalahad ni Hornedo.

“Mayroon din namang mga banyaga na kumakausap sa kapwa banyaga, (gamit ang Filipino) sa ibang bansa, lalong lalo na sa mga pamantasan, sapagkat nag-aaral silang matutunan ito,“ paglalahad ni Hornedo.

Kaugnay rito ay kanyang inilahad ang naging karanasan niya sa pagtuturo sa Tsina. Ani Hornedo, nagkaroon siya ng 12 estudyanteng nag-aaral ng Filipino na bahagi ng kanilang kurso sa broadcasting. Subalit sa kinalaunan ay pumasok na lamang ang mga ito sa negosyo. Gayunpaman, dagdag niya, napakinabangan nila ang kanilang mga natutunan dahil ang ilan sa kanila ay nagtrabaho sa mga kompanyang gumagamit ng wikang Filipino.

Ang Filipino at ang diaspora

Samantala, tinalakay naman ni Mabanglo ang papel na ginagampanan ng wikang Filipino sa “diaspora” o mga pamayanang Pilipino sa ibayong-dagat. Aniya, mayroong tatlong larangan kung saan makikita ang bisa ng Filipino bilang isang wikang pandaigdig: komunikasyon, kabuhayan at seguridad.

Mapapansin ang unang aspeto sa pag-usbong ng mga makabagong paraan ng komunikasyon na gumagamit ng wikang Filipino bilang midyum ng komunikasyon, paglalahad ni Mabanglo.

“Sa Internet, libo-libo ang mga blogs, websites at talastasan e-mails na gumagamit ng Filipino,” ani Mabanglo. “Ang The Filipino Channel naman ay may kabuuang 1 million subscribers sa Estados Unidos lamang. (Samantalang) ang mga pelikulang Pilipino naman ay malawakang naipagbibibli sa DVD format, at inilalahok pa sa iba’t ibang film festivals sa mundo,” dagdag niya.

READ
Pagkakaisa para sa karamihan

Samantala, ang wikang Filipino ay nagagamit na rin bilang kasangkapan sa negosyo. Ayon kay Mabanglo, patunay rito ang pag-usbong ng mga tindahan, konsiyerto at patalastas sa ibayong-dagat na nakatuon sa mga mamimiling Pilipinong nakatira roon. Inilahad din naman niya na pinag-aaralan na ang Filipino pati na ng mga sundalong Amerikano bilang bahagi ng kanilang mga istratehiya sa seguridad ng Estados Unidos. Ani Mabanglo, bahagi ito ng kanilang pagsasanay bago sila ipadala sa Pilipinas. Dagdag din niya na inaalok na rin ang pag-aaral ng Filipino bilang isang kurso sa ilang pamantasan sa Estados Unidos katulad ng University of Hawaii, Cornell University, University of Wisconsin at University of California.

Sa mga puntong tinalakay nina Hornedo at Mabanglo, makikitang nasa dahang-dahang ebolusyon ang Filipino bilang isang ganap na wikang pandaigdig. Subalit nakasalaylay pa rin ang pag-unlad na ito sa aktibong paggamit ng mga Pilipino sa wika sa iba’t ibang mga larangan. Ayon pa sa dalawa, ang mga nagtataguyod ng wika upang mapasimulan ang gawaing ito ay hindi na dapat umasa lamang sa pamahalaan.

“Kaya hindi ka na dapat maghintay sa gobyerno. (Sa halip) lumikha kayo ng mga programa kung talagang mahal ninyo ang wika at pagkatapos ay hikayatin ninyo ang gobyerno na tumulong doon sa may maitutulong (ito),” ani Hornedo.

Sang-ayon naman dito si Mabanglo nang kaniyang sabihing, “Masasabi (namang) hindi maiiwasan na magiging global na wika ang Pilipino sa malapit na hinaharap. Ang tanong, handa na ba ang mga kinauukulan dito?” Ruben Jeffrey A. Asuncion

2 COMMENTS

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.