PALASAK na paniniwala ng karamihan na mas nakalalamang ang mga kalalakihan kaysa kababaihan sa maraming larangan. Ngunit sa mga kuwento sa Lahi ni Adan: Kuba at Iba Pang Kuwento (UST Publishing House, 2007) ni Nonon Villaluz Carandang, napatunayan na ang kamalayang ito ay may hangganan.

Matapos mailathala ang kanyang naunang koleksiyong Angkan ni Eba (UST Publishing House, 2005) na tungkol sa katatagan at tagumpay ng mga kababaihan sa isang lipunang mabalasik at mapanghamak, minarapat ni Carandang na gumawa ng isang koleksiyon na tumatalakay naman sa kanyang sariling lahi. Si Carandang ay isang propesor sa Kagawaran ng Filipino ng De La Salle University at nagtapos naman ng mga kursong Journalism at Literature sa UST. Naging katuwang na patnugot rin siya ng Varsitarian noong 1995.

Sa pamamagitan ng simbolismo sa kaniyang mga kuwento, tinangkang ipakita ni Carandang sa Lahi ni Adan ang umiiral na ideyang sumasalungat sa pagiging superyor ng kalalakihan sa kababaihan sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga kahinaan nito. Tulad ng sa kuwentong Kuba, ipinabubulaanan ang paniniwalang “perpekto” ang mga lalaki dahil naisalaysay sa kuwento kung paano nakasisira sa reputasyon ng mga lalaki ang pagkukubli sa kanilang mga kasalanan.

Sa kuwentong ito, inilarawan ang buhay ng isang kuba na mistulang alipin sa utos ng isang pari. Subalit nang matuklasan niya ang lihim na pagbisita ng huli sa silid na tinutuluyan ng isang batang lalaking katiwala upang “magbayad-utang”, tuluyang nagbago ang pagtingin ng kuba sa pari. Ayon sa katiwala, kapalit daw ito ng ginawa ng pari para sa kanya na taliwas naman sa sinabi ng pari na ibinigay lamang niya ang lingguhang sahod ng batang katiwala.

READ
Engineering wins 9th Pautakan title

Nakakapanindig-balahibo naman ang kuwentong Rapael, Eskultor. Isinalaysay dito kung paano tinangkang paslangin ni Rapael, isang batang eskultor, ang kanyang Lolo Temyong bilang ganti sa ginawang pagsunog ng kanyang lolo sa kanyang mga nilikhang imaheng hubad na lalaki. Sa eksenang kung saan pinagtangkaan ni Rapael ang buhay ni Lolo Temyong, mahihinuhang madaling magpadala ang mga lalaki sa bugso ng kanilang mga damdamin na isa ring kahinaan ng mga ito.

Namumukod-tangi naman sa lahat ng mga kuwento sa koleksiyon ang Matamis ang Luha ni Duerme dahil sa paggamit nito ng mga pang-uring maalamat. Patungkol ang kuwento kina Dulce na mula sa “Gubat ng Tamis” at Duerme na mula sa “Dagat ng Pait.” Kapwa hinamak ng dalawa ang lahat upang ipaglaban ang kanilang pag-iibigan. Sa kanilang pagpapanatili nito, natutunan din ni Duerme ang pag-iyak at ang mga dahilan kung bakit niya ito ginagawa. Ito ang naging pinakamahalagang natutunan niya mula sa kaniyang minamahal; aniya “Kapag malungkot ka, umiiyak. Kapag mayroong labag sa iyong kalooban, umiiyak. Kapag nasasaktan ka, umiiyak.” Sa kabila ng paggamit dito ni Carandang ng istilong mitolohikal, maituturing na nahuli pa rin ng kuwento ang kurot sa puso ng mga mambabasa dahil hindi nawala ang elemento ng drama sa istorya.

Sa unang basa, tila nakalilito ang mga mensaheng nais ipahiwatig ng mga simbolismo sa mga kuwento. Katulad na lamang sa kuwentong Kuba na kung saan ginamit ang tore ng simbahan bilang sagisag ng mga lihim na hindi pa naibubunyag samantalang ang mga hubad na imahe naman sa Rapael, Eskultor ang sumisimbolo sa mga pangarap sa buhay ng pangunahing tauhan na si Rapael. Ngunit dahil sa tulong ng introduksyon ng aklat ay mahihinuha ng mambabasa ang mga malalalim na ideyang nais iparating ng may-akda. Kapansin-pansin man ang seryosong pananalitang ginamit ni Carandang sa mga kuwento, hindi ito naging sagabal upang bitawan ng mga mambabasa ang aklat sa pagsusuri nito.

READ
Critic urges support for movies with meaning

Sa kabuuan, sinasalamin ng Lahi ni Adan ang kahinaan ng mga kalalakihan. Ito’y isang magandang halimbawa ng paglalakas-loob na hamunin ang makalumang paniniwala ukol sa palakasan ng mga kasarian. Mark Andrew S. Francisco

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.