ISANG pangarap ng mga estudyante ang makapasa sa masusing admission test na ipinapasagot ng eskuwelahang nais niyang pasukan. Ito’y upang masigurong sapat ang kanyang kaalaman para mapagtagumpayan ang buhay-kolehiyo.

Bilang paghahanda sa mga magsisipagtapos sa high school, gumawa ng mga masusing hakbangin ang Department of Education (DepEd) upang mabigyan ng magandang pundasyon ang mga mag-aaral sa kanilang pagkuha ng bachelor’s degree. Una ay ang National College Entrance Exam (NCEE) na ibinibigay upang masigurong sapat ang natutunan ng estudyante na kinakailangan upang makapasok siya sa kolehiyo.

Nang alisin ito noong 1994, ibinigay naman ang Nationa Secondary Achievement Test (NSAT). Isa itong istandardisadong pagsusulit na ang tanging kaibahan sa NCEE ay hindi ito kinakailangan sa pagpasok sa kolehiyo. Noong 2002 nama’y inalis ang NSAT at 2004 na nag ipalit dito ang National Achievement Test (NAT) na halos walang pinagkaiba sa NSAT. Ang ilan pang mga programa ng pamahalaan upang makatulong sa kahandaan ng mga estudyante sa pagpasok sa kolehiyo ay ang Bridge Program at ang High School Readiness Test (HSRT 2).

Apat na taon ang nakalipas mula nang iminungkahi ang Bridge Program ngunit hanggang ngayo’y hindi ito naipatupad. Maging ang HSRT 2 ay isang beses lamang ibinigay. Ito ay dahil tumutol ang mga magulang sa naturang programa dahil sa maidudulot nitong karagdagang gastos. Noong 2004, sinabing pansamantalang hindi muna maipatutupad ang Bridge program dahil susuriin pa muli ang mga aspetong teknikal nito. Tatlong taon na ang nakalipas nang maghain ng panibagong programa ang DepEd, ang National Career Assessment Examination (NCAE).

Ang pagpili

Nagpapasalamat naman si Mary Anne Cortez, isang incoming Accountancy freshman dahil hindi niya inabot ang NCEE, maging ang pagpapatupad ng Bridge Program. Aniya, sapat na raw ang kanyang mga natutunan noong high school upang ihanda siya sa pagpasok sa kolehiyo.

“May tiwala naman ako sa pinasukan kong high school dahil sa kalidad ng edukasyong ibinigay nito sa aming mga mag-aaral,” ani Cortez.

Hindi man dumaan sa NCEE si Cortez, isa naman siya sa libu-libong graduating high school students na kumuha ng NCAE noong Agosto. Ang pagsusulit na ito ay naglalayong matulungan ang mga mag-aaral na pumili ng kursong kukunin sa kolehiyo.

Sa isang ulat ng Inquirer.net noong Agosto 2007, ipinaliwanag ni Jesli Lapus, kalihim ng DepEd, na isinagawa ang NCAE upang suriin ang kakayahan ng mga high school graduate at tulungan sila sa tamang pagpili ng kurso sa kolehiyo.

READ
Words, images go hand in hand

Unang ibinigay ang NCAE noong Enero 2007 ngunit huli na nang mailabas ang resulta ng pagsusulit sapagkat nakakuha na ng entrance test ang mga mag-aaral bago pa man ito ibigay. Kaya naman, mas maaga itong ibinigay nang sumunod na school year. Inilabas ang resulta noong Nobyembre, tatlong buwan makalipas ang pagsusulit, upang makatulong sa mga mag-aaral sa pagpili ng kurso.

Ayon sa website ng DepEd, umakyat sa 59 na porsyento ang bilang ng mga mag-aaral na nakakuha ng matataas na marka sa general scholastic aptitude. Sinusukat ng general scholastic aptitude ang kakayahan ng mga estudyante sa mga aspetong verbal comprehension, general reasoning, numerical operations, perceptual speed, at mechanical knowledge. Tumaas ang bilang ng mga estudyante sa 77,869 noong Agosto mula 49,066 noong Enero. Maidaragdag pa rito ang pagdami naman ng bilang ng mga estudyante na nakakuha ng mahigit 99 na porsyentong marka sa NCAE. Mula sa limang estudyante na nakakuha ng pinakamatataas na marka sa NCAE noong Enero, umakyat na sa 21 ang bilang sa sumunod na pagsusulit. Labintatlo naman sa mga ito ay mula sa mga pampublikong paaralan.

“The results showed that we are making some headway in our efforts to improve education especially in our public school system,” ani Lapus.

Ayon kay Cortez, nakatulong sa kanya ang resulta ng naturang pagsusulit sa pagpili ng kurso.

“Nakapagdesisyon na ako, bago pa man ibinigay ang NCAE, na Accountancy ang kunin kong kurso. Noong lumabas ang resulta, tumugma naman ’yung interests and skills ko na nakalagay sa test sa napili ko [na kurso],” ani Cortez.

Balak naman ng gobyerno na gawing mandatory ang pagkuha ng mga estudyante ng NCAE pagdating ng taong 2009.

“It will be made possible with the passage of an enabling law. We have discussed the issue with leaders of both houses of Congress and they all agree with the need for this,” ani Lapus sa isang ulat ng Inquirer.net noong Disyembre 2007. Sa kasalukuyan, wala pang ipinapasang batas na makapagpapatibay sa pagiging prerequisite ng NCAE sa pagpasok sa kolehiyo.

Masusing proseso

Dahil hindi prerequisite ang pagkuha ng NCAE at NAT sa pagpasok sa kolehiyo, ang college entrance exam ang inaasahan ng marami bilang pinagkakatiwalaang basehan ng kakayahan at kahandaan ng isang estudyante upang makapasok sa kolehiyo.

Isa sa mga pagsusulit na ito ang University of Santo Tomas Entrance Test (Ustet). Ang mga tanong rito ay inihahanda ng isang komite na binubuo ng mga propesor na nagmumula sa iba’t ibang pakultad at kolehiyo ng Unibersidad.

READ
The UST Rectors throughout the centuries

Ayon sa direktor ng Office of Admissions (Ofad) na si Lucila Bance, nakatuon ang Ustet sa “intelligence quotient” (IQ) ng mag-aaral na indikasyon ng kakayahan ng aplikante na makibagay sa buhay-kolehiyo.

Upang malaman kung siya ay kuwalipikado, kinukuha ng Unibersidad ang resulta sa Ustet ng isang aplikante pati na ang kanyang mga grado sa Matematika, Agham, at Ingles noong high school, paliwanag ni Bance.

Bukod pa rito’y may sinusunod ring quota system at iba pang mga pamantayan ang ilang kolehiyo at pakultad ng Unibersidad upang masabing pasado ang isang aplikante. Aniya, sa prosesong ito masisigurong tanging mga karapat-dapat na aplikante lamang ang tinatanggap sa Unibersidad.

Ngunit hindi lamang resulta ng Ustet ang pinagbabasehan ng ilang pakultad at kolehiyo sa Unibersidad upang tanggapin ang isang estudyante. Sumasailalim sa interbyu ang mga aplikante sa College of Nursing at Institute of Tourism and Hospitality Management upang makilatis ang kanilang mga ugali na maaaring makaapekto sa kanilang performance sa kurso.

Samantala, ang mga aplikanteng nagnanais namang pumasok sa Conservatory of Music, College of Architecture at College of Fine Arts and Design ay kumukuha ng mga special ability tests upang masigurong may kakayahan silang kunin ang mga kursong nais nilang pasukan.

Sa masusing proseso ng pagtanggap ng estudyante, tiniyak ni Bance na talagang handa para sa kolehiyo ang mga mag-aaral na tinatanggap ng Unibersidad.

“We can assure that the applicants we admit are equipped with the necessary competencies, skills and intellectual capabilities to really make it to the University,” ani Bance.

Isang pagpapatunay dito ay ang pag-aaral na isinagawa ng Ofad upang masukat ang kahandaan ng kanilang mga tinaggap na aplikante.

“Those who scored high in the Ustet mostly showed good academic performance during college,” ani Bance.

Patunay rin dito ang talaan ng Office of the Registrar na nagpapakita sa nakalipas na tatlong taon, malaking porsyento ng mga freshmen students ang nakaaabot sa ikalawang taon sa kolehiyo. Noong academic year 2004-2005, 85 na porsyento sa mga freshmen students na tinanggap ang nakapagpatuloy sa second year. Noong 2006-2007 naman, sa freshmen students na tinanggap, 88 na porsyento ang mga nakapasa sa second year.

READ
Memos to the Quadricentennial Rector

NCAE vs. Ustet

Para kay Marishirl Tropicales, principal ng UST Education High School, masasabing ang mga pagsusulit na ibinibigay ng DepEd tulad ng NAT at NCAE ay nakasusukat sa kahandaan ng isang mag-aaral sa pagpasok sa kolehiyo.

“Kung may distinct difference (sa pagitan ng government exams at college admission tests) like in other countries, government exams ang nagma-matter. Mas matipid kung isa na lang – government exams na lang,” ani Tropicales.

Bilang isang achievement test, binubuo ang NAT ng mga tanong na mula sa mga asignatura na pinag-aralan ng mga mag-aaral. Sinusukat naman ng NCAE ang general scholastic aptitude na mula rin sa mga napag-aralan ng mga estudyante. Ang tanging kaibahan nga lamang ay sinusukat ng isang aptitude test ang aspetong maaaring may kalakasan ang isang mag-aaral at hindi ang nakamit nito.

“The basic education curriculum is really intended for the students to prepare them for college. This will provide them with the necessary knowledge, skills, values, that could help them in pursuing a college degree,” ani Tropicales.

Gayunpaman, sinabi niyang mas makabubuti kung dalawa ang magiging sukatan ng kahandaan ng mga magsisipagtapos sa high school.

“It would help if we could have the two [tests]. If we can have the NCAE which is more of a placement test, students would be more or less advised or guided on what course to take depending on their interests and capacities. Iyong entrance exams naman could somehow help in the selection process [of students],” ani Tropicales.

Nilinaw rin ni Tropicales na bagama’t nilikha ang NCAE upang sukatin ang sapat na kaalaman ng mga senior high school students, mas pinagtutuunan naman nito ng pansin ang kursong maaaring kunin ng mag-aaral.

“DepEd says NCAE is just there to guide the students and help them somehow in what programs or courses to take. But to accept students for college, we still need the college entrance test,” pagdidiin ni Tropicales.

Ito ang naging kaibahan ng naturang pagsusulit sa Ustet kung saan sinusukat pati ang IQ at achievement (maging noong high school) ng isang mag-aaral.

Diin pa ni Bance, nakasalalay pa rin sa admission test ng eskuwelahan ang pagsukat sa kahandaan ng estudyante sa pagpasok sa kolehiyo.

“Sa UST, talagang entrance test ang basehan kung nararapat ba o hind na kumuha ng kolehiyo and aplikante,” aniya.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.