Enero 24, 2003
8:43:08 ng gabi
Sa klase ni Propesor Coroza
Tatapakan ko ang iyong anino
sa tuwing tatangkain mong lumayo.
Igagapos kita nang ubod higpit
nang habambuhay ka nang kapalad ko.
Patulugin mang pilit, puso’t isip
lasunin man ang iyong gunita’t puri
mamumukadkad sa loob ko’ng punla
banal na binhing may dalawang kal’wa
na ‘di magbubunga kung wala’ng isa.
Kung kaya’t mula sa araw na ito,
anuman ang maganap kung kanino,
tatapakan ko ang iyong anino.
Dinggin ang hikbi ng aking gunita
pati ang pagluha ng talinhaga;
sa bawat gabing kaulayaw natin
ang mga naglalaglagang bituin
lagi kong hiling, tayo na’y bitbitin
saan mang walang oras at panahon,
walang dapat, mali, tama, at oo
nang habambuhay ka nang kapalad ko.
Pangarap kong mamitas ng bituin
mahiga sa ulap na parang lasing
na nanlilimos sa yakap mo’t halik.
Ngunit mabilis, bagwis mong mailap:
saksi ang buwan sa iyong pagtakas
matapos ang isang halik na duwag
na sa ‘king puso’y nag-iwan ng sumpa
na habambuhay sa iyo’y mangungulila.
Kaya’t kapag dumating ang panahon
at puso natin ay muling magsalo
tatapakan ko ang iyong anino
nang habambuhay ka nang kapalad ko.