“WALA kang silbi!”

Paulit-ulit na lang na ibinubulyaw sa akin ito ng boses na mula sa isang walang katawan, taong-hangin. Minu-minuto, segu-segundo, ito na lang palagi at wala na siyang ibang pasaring sa akin. Apat na salita na, aaminin ko, tagos sa buto ang lagatok sa aking pagkatao. Nakakapikon na.

Sino bang linta? Ako? Aba, patunayan niya!

Hindi naman niya masasabi iyan kung nakita niya ang buhay ko noon, malayung-malayo mula sa kalagayan ko ngayong dadalawa na lamang ang pares na damit at laspag na tsinelas ang suot. Akala ba niya ‘yung mga tao lang na nasa labas ng eskinita ang pinagpala ng Diyos? Hindi niya ako lubusang kilala!

Mula ako sa isang kilalang angkan sa Cagayan de Oro. Pag-aari ng pamilya ng tatay ko ‘yung mga lupaing kinalauna’y pinagtirikan ng mga kilala nang lugar-pasyalan ngayon. Kinailangan lang talaga kasi nila Papa na ibenta ‘yung lupa dahil nga naisip nila ni Mama na lumipat na rito sa Maynila.

Siyam na taong gulang ako nang una akong tumapak sa simbahan ng Quiapo. Nakatutuwa. Kahit galing probinsya, hindi naming naranasan ‘yung mga pinagsasasabi ng isang kapit-bahay naming parang isang linggo lamang na nagbakasyon sa Maynila’y akala mo kung sinong eksperto sa pagbibida-bida ng mga dapat at hindi dapat gawin ditto. Kailangan daw mahaba ang pisi mo sa Maynila dahil mabubuwang ka kung hindi. Kesyo iba daw ang Maynila. Hindi madaling makapagtapos ng pag-aaral. Hindi madaling makahanap ng trabaho at kung papalarin ka naman, hindi ka rin magtatagal rito. At higit sa lahat, mahirap daw mabuhay sa Maynila. Hay naku! Puro siya huwag, dapat, at hindi. Nakalimutan yata niyang hindi pipitsuging probinsyano ang kausap niya noon.

At iyon na nga. Pagdating namin sa Maynila, nakahanap naman kami ng matinong apartment na sapat na upang madala ng aking mga magulang ang kani-kanilang mga kaibigang negosyanteng Manileño.

Dahil dadalawa lamang kaming magkapatid, at bilang panganay, masasabi kong isa ako sa mga tinutukoy sa isang kanta bilang “jeproks”—laki sa layaw. Mahal na mahal ako ng aking mga magulang. Ngunit hindi tulad ng ibang batang sunod ang lahat ng luho, sinuklian ko ang lahat ng kabutihang iginawad ng aking mga magulang. Hindi ko kailanman pinabayaan ang aking pag-aaral.

Walang taon na hindi dumadalo sina Papa sa mga awarding ceremonies sa paaralan. Inisip ko kasi noon, sa ganoong paraan ko lang sila magagantihan. Sa mga taon ding iyon ko natuklasan ang natatangi kong kakahayan sa pagsulat.

READ
UST commemorates war internment camp

Dahil sa angking kahusayan, naging kilala ako sa paaralan at sa aming lugar. Nagkaroon ako ng problema tungkol sa mga tao sa aking paligid.

Dahil sa mga nagaganap, inakala kong ganoon talaga ang mundo—puno ng tagumpay at kasiyahan.

Ngunit hindi pala ito totoo. Nilinlang ako ng mga pagkakataon. Pinaniwala ako ng mga ito sa ilusyong kailanma’y hindi ko na maaangkin ngayon.

Hulyo 16, 1990. Labintatlong taong gulang na ako. Lumindol sa Pilipinas. Pumalo hanggang Intensity 7, ang lakas ng pagyanig. Maraming istruktura ang nabuwal . At isa sa mga ito ang hotel na tinuluyan nila Papa habang nasa Baguio sila para dalawin ang isang katrabaho nilang namatayan ng magulang.

Napakamapagbiro ng mga pangyayaring iyon. Tinungo nila ang isang burol nang hindi alintanang sa kanilang pag-uwi, ang kanilang mga katawan na ang paglalamayan.

Inuwing nakasilid sa dalawang puting kabaong ang aking mga magulang. Itinatanong mo kung anong naging reaksyon ko? Sa totoo lang, hindi ko na matandaan. Maging mukha na nga lang nina Mama’t Papa habang nasa loob ng ataul. Hindi ko na mahalukay sa aking alaala. Marahil nabura na sa isipan ko, o pwede ring sadyang binura na ng panahon.

Matapos mailibing sina Papa, kinupkop kaming magkapatid ng aming tiyuhin. Siya ang nagsustento sa aking pag-aaral sa kolehiyo at sa aking bunsong kapatid na noo’y grade one pa lamang. Inakala ko noon na labis ang dapat naming tanawing utang na loob sa aming kamag-anak, ngunit ilang taon muna ang lumipas bago ko matuklasang pera pala ng mga magulang ko ang iwinawaldas niya. Kung ikukumpara sa laki ng naiwang yaman nina Papa, limos lamang ang ibinabahagi niya sa amin. Ngunit wala kaning nagawa. Ang inakala mabuting-loob na kamag-anak ay mistulang isang nabuhay na kuwento ng aming kapit-bahay.

Nilinlang niya kami. Winaldas niya ang pera ng aming pamilya. Umalis kasama ang isang babae, iniwan niya kaming magkapatid sa bahay niyang halos babagsak na sa kabulukan—marupok na sawaling dingding at kalawanging yero ang bubong. Malaking pasasalamat na rin ang utang naming sa kanya, dahil kahit papaano’y nagkaroon kaming magkapatid ng pag-aari.

Mula noon, naging malaki ang pagbabago sa aking buhay, sa buhay naming magkapatid. Para bang palagiang may tanong na parang aninong hindi maialis sa aking likuran ano mang pilit ko itong sagutin.

READ
Seminarians dominate speech contest

Nawalan ako ng ganang mag-aral. Kahit anong gawin kong pagkukumbinse sa sarili kong magpatuloy sa aking nasimulan, alang-alang sa aming magkapatid, walang epekto. Walang nangyari. Tuluyan na akong nilamon ng lungkot.

Inisip kong magtrabaho na lamang para masustentuhan ang pag-aaral ng aking kapatid. Subalit walang tumanggap sa akin. Ang dating kinaiinggitan ng kanyang mga kaklase dahil sa labis na talino sa lahat ng aralin at galing sa pagsulat, walang pinatunguhan. Ang noo’y ipinagmamalaking panganay na anak dahil sa husay makisama ay iniiwasan na ng mga tao dahil sa pagiging bugnutin at pikon.

Wala nang awa sa akin ang Diyos. Matapos Niyang patayin ang mga magulang ko, hindi na siya huminto sa pagpapahirap sa akin. Maging sa loob ng dyip, dama kong wala nang halaga maging ang tinig ko. Makikiabot lang ako ng pamasahe, puro nakaismid pa ang mga katabi ko, na kapwa ko rin naman dukha. Wala nang naniniwala sa akin. Nang minsang humingi ako ng tulong sa kapitan ng aming barangay, dahil nahablutan ako ng bag sa isang madilim na eskinita sa amin, inilingan lamang ako nito, sabay kamot sa pawisan nitong batok. Sobra na talaga. Ito na ba ang kasaganahan ng pagbabalanse ng Diyos sa buhay ng tao?

Kung noon ay halos lunurin Niya ako sa sobrang daming magagandang bagay na nangyari sa aking buhay, ngayon, halos bungkalin ko na ang lupa, makakain lamang kaming magkapatid.

Ang dating maluhong pamumuhay ng aming pamilya’y napagkasya naming magkapatid na 500 pisong dulot na pag-iihaw naming sa labas ng aming bahay. Ginamit kong puhunan ang iniwang pera sa amin ni Tiyo na nakalaan sana para sa huling taon sa hayskul ng kapatid ko.

Marahil talagang hindi masarap ang timpla ng aming mga inihaw, paano ba naman kasi isang araw ko lang pilit na pinag-aralan ang paggawa nito mula sa dating kapit-bahay na ganoon din ang negosyo. Hindi ko naman kayang lunuking magpatuloy itinda ang pagkaing lantaran nang isinusuka ang kabuuan sa harapan ko. May kahihiyan pa naman ako, kahit papaano.

Bumagsak ang negosyo nang hindi man lang nakabig maski ang puhunan. Nanatiling masungit ang tadhana sa akin.

Gaano man ang kahihiyang nararamdaman ko para sa aking sarili, hindi ito matutumbasan ng pagkahiya ko sa aking kapatid. Ako bilang panganay na inaasahan ng lipunan, marahil maging ng aking mga magulang, na magsisilbing mabuting halimbawa sa kanya at siyang aalalay at susuporta para sa kanyang pagsulong sa buhay. Imbes na itulak ko siya pataas sa antas ng lipunan, sa kawalang kahulugan at kawalang-katiyakan ng buhay ko, hinihila ko siya paibaba, pailalim.

READ
Saving Mother Earth, the Thomasian way

Matalino ang kapatid ko. Higit na may abilidad kaysa sa akin. Marami siyang pangarap na hindi malayong makamit niya kung wala lang sa buhay niya ang pabigat at walang sibling kuyang tulad ko. Nananatili lang siyang hindi gumagalaw dahil nakikita niyang ganoon ako.

Siguro kung buhay lang ang mga magulang namin, hindi kami ganito ngayong gabi na natutulog, ilang lingo nang walang ligo, at ang tanging laman lamang ng tiyan ay ilang butil ng mais, hindi siguro nakahiga sa butas na banig ang kapatid kong dapat ay matagumpay nang nars ngayon sa ibang bansa, hindi siguro ako ganito ngayon—binging-bingi na sa nakamamatay na bulong ng boses na walang katawan na mula sa aking kaibuturan.

Alam kong mali ito. Ngunit tatanggapin ko na lang ang sermon at hagupit na katumbas ng aking gagawin mula sa Panginoon. Magpapaliwang na lang ako sa Diyos ‘pag nagkita kami. Kakausapin ko na lang Siya nang masinsinan. Hindi ko na kayang maghintay pa nang walang hanggan para itanong sa Kanya ang dahilan ng lahat ng kasawian ko, ng galit Niya sa aking pamilya, sa akin. Kailangan ko ang paliwanag Niya—ngayon.

Saksi ang tigatik ng ulan at ang malamlam na ulap sa langit, nais kong ipaalam na ginawa ko na ang lahat para labanan ang tukso at panlalait ng aking sarili. Pilit ko mang pinapaamin ang lahat ng boses sa isip ko bilang siyang may sala, walang nakagapi sa humihiwalay na tinig ng kurdon ng radyong ngayon ko lang naalalang tanging nadala ko mula sa dati naming bahay. Iyon ang palagian naming pinakikinggan sa Cagayan—panahong nasa rurok ako ng kaligayahan.

Gusto ko pa mang magbalik-tanaw sa magandang bahaging iyon ng aking kahapon. Alam kong wala nang panahon. Kumikislot-kislot na ang kapatid ko. Ayoko siyang abutang gising.

Unti-unti nang umaakyat ang mga saya at hinagpis ng aking nakaraan at kasalukuyan. Nag-aaway. Nagkakasundo. Nagpapasirko-sirko. Humihinto na ang pagdaloy ng mga ala-ala sa aking mga ugat.

At, patlang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.