ANO’NG gagawin mo kung nahulog isa-isa mula sa kisame ang mga imahen ng makikipot na daan ng Tondo at ang mala-bar graph na paglubog-litaw ng mga lumang edipisyo ng siyudad na ito? Tila sumasalamin sila sa pamumuhay ng mga tao rito. Ano ang gagawin mo kung sakaling napansin, hindi lamang ang sangsang ng burak sa mga estero, kundi pati na rin ang lungkot ng pagbabago?

Ito ang mga linyang tumambad sa mga tagapakinig nang iniluwal ng UST Center for Creative Writing and Studies (UST-CCWS) ang unang bahagi ng panayam ni Prof. Ferdinand M. Lopez na pinamagatang “Sa Pagitan ng Langit at Estero: Ang Tondo Bilang Teksto at Diskurso;” kasabay ng paglunsad ng Tomas 6, ang opisyal na literary journal ng UST-CCWS. Dumalo ang dalawang batikang manunulat na bihasa sa pook ng Tondo na sina Efren Abueg at B.S. Medina bilang mga punong tagapanuri ng panayam ni Lopez.

Kung titingnan lamang sa masiglang pakikinig ng mga estudyanteng naroroon, tagumpay ang pagtatalakay ni Lopez. Dala na rin marahil ng napakadetalyado’t buhay na paglalarawan sa pook ng Tondo, lalung-lalo na para sa iilang hindi pa nakakarating dito at nababasa o napanonood lamang sa sinehan ang masamang imahen ng naturang pook.

Sa pagtalakay ni Lopez, napakawalan niya ang mga nakakahong perspektibo ng lipunan. Marami ang natuwa sa pagbabalik-pansin sa isang pook na dati-rati ay ikinahihiya at iniiwasan. Aminado si Lopez na ang naturang pagtalakay ay isang “kapangahasan,” dahil aniya, una niyang tangka na magsulat sa wikang Filipino.

Anong larawan?

Sagot nga sa tanong ni B.S. Medina kung, “Anong images ang nabuo sa inyong isip matapos ninyong pakinggan si Professor Lopez, kayong mga batang siyudad? Anu-ano itong mga tiyak na larawang nabuo?” ang nabuo marahil na larawan sa mga tagapakinig ay isang Tondo na nagpadama ng higit na malalim na pag-unawa sa mga taong naninirahan dito.

READ
Should the state revive death penalty?

Ang ipinagkaiba ng pagtalakay ni Lopez ng Tondo ang siya ring ikinaiba ng pagtuturo niya sa ibang mga guro. Mas lalong binigyang-halaga ni Lopez ang konsepto ng espasyo kaysa sa konsepto ng panahon—ang pagpapakilala ng ”narrative ng espasyo bilang alternatibong historyograpiya.”

Ani ni Lopez, walang pagkakaiba ang rendering ng impormasyon sa kasaysayan sa pagka-subjective ng mga manunulat ng panitikan. Ayon kay Lopez, ang mga manunulat ng kasaysayan mismo ay may sariling hierarchy sa pagpili ng mga angkop na detalyeng ipinapasok nila sa pagbuo ng kasaysayan dahil “hindi mo naman puwedeng i-represent lahat-lahat…so ‘yung methodology ko is supposed to be something that merges what is said to be critical with that which is creative.”

Sa pamamagitan ng pamamaraang ito, nabigyang boses, hindi lamang ang mga naisulat nang kasaysayang base lamang sa panahon, pulitika, at iba pa, kundi pati na rin ang uri ng pamumuhay ng mga tao dito. Hindi gaya ng tradisyonal na mananaliksik ng agham panlipunan na nakasandal sa naitala nang pormal na paglalahad ng kasaysayan, bumaba si Lopez sa pedestal ng panahon. Nakihalubilo at nakipag-usap siya sa mga taga-Tondo at nagsuri ng panitikang tumatalakay sa pamumuhay sa naturang pook.

“Binibigyang-boses ko ‘yung mga taong isinantabi ng pormal na historiography…otherwise magdi-disappear na ‘yun, so pinalutang ko,” dagdag niya.

Ayon kay Efren Abueg, “sadyang napakaayos naman nito (paglalahad ni Lopez sa Tondo), at hinahanapan ko lamang ng power…si Ferdie naman ay hindi talagang nagsusulat sa wikang Filipino—kaya’t marahil dadating din ‘yung power sa mga susunod pang isusulat niya sa wikang Filipino.”

READ
Thomas Aquinas thrives in UST

Marahil, pananabikan pa lalo ang susunod na pagtalakay ni Lopez sa Tondo sapagkat ayon sa panayam niya sa isang tagaroon, ito pala ang pook-ganapan ng mga fashion shows ng mga homosekswal mula pa noong 1910. Maaaring gamitin ito ni Lopez upang basagin marahil ang napakamaskuladong stereotype ng Tondo sa mata ng tao.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.