Sa pamamagitan ng Gawad Ustetika, sumibol ang mga hindi mabilang na Tomasinong makata, kuwentista, at sanaysayista, na patuloy na nagbibigay karangalan sa UST. Sa kanyang ika-18 taon, pinarangalan ng Varsitarian ang mga manunulat na magsisilbing tagapunla ng mga bagong binhi ng panitikan sa ating pamantasan.

OMAR GABRIELES: Karangalang Banggit, Sanaysay

Unang pagkakataon ni Omar Gabrieles ng Faculty of Civil Law na makasali at magwagi sa Gawad Ustetika. Karangalang Banggit ang natamo ng sanaysay niyang Bentesingko.

Ayon sa kanya, matagal na niyang binalak na sumali sa Ustetika. Sa katunayan, noong nakaraang taon pa nakahanda ang kanyang sanaysay.

“Natakot kasi ako noon. Kapag sinabi mo kasing Ustetika, kakabit niya ‘yung kakaibang prestige at pride,” aniya.

MARTIN ANTONIO CRUZ: Karangalang Banggit, Fiction

Bagama’t hindi nakamit ni Martin Antonio Cruz, ikalawang taon sa Journalism, ang pinakamataas na puwesto sa kategoriyang sinalihan, lubos ang kanyang kasiyahan dahil ang kuwentong Twilight in the Center of the World ang napili bilang katangi-tangi sa iba pang kuwento.

KRISTINE P. SIOSON: Ikalawang Gantimpala, Tula at Katha

Ito ang huling pagkakataon ni Kristine Sioson, ikaapat na taon sa Communication Arts, upang patunayan ang kanyang kagalingan sa paghabi ng mga tula at maikling kuwento. Nakamit ng kanyang kuwentong Nang si Juan ang Ginahasa ang pangalawang puwesto sa kategoriyang katha.

Ayon sa kanya, isang malaking karangalan ang manalo sa Ustetika dahil nakasama siya sa talaan ng mga kinikilala niyang magaling na manunulat at makata.

Bagama’t baguhan pa lamang, hindi ito naging hadlang sa kanya upang makapagsulat. Aniya, wala siyang sinusunod na tema o uri ng kuwento.

READ
Msgr. Nereo Page Odchimar: Bagong obispong Tomasino

ANNA KRISNA BAUTISTA: Ikatlong Gantimpala, Katha

Isa si Anna Krisna Bautista sa mga bagong pangalang lumutang sa Ustetika ngayong taon. Natamo ng kanyang kuwentong Sikat ang ikatlong gantimpala sa kategoryang Katha.

Kasalukuyang kumukuha ng Journalism sa Faculty of Arts and Letters, sinabi ni Bautista na ang kanyang ina ang pangunahing inspirasyon niya sa kanyang pagsusulat.

“Sabi ng mommy ko, binabasa raw niya ‘yung mga poems ko, maging ‘yung mga tinatapon ko. Na-touch talaga ako at nalaman na kahit papaano may naniniwala pala sa pagsusulat ko,” aniya.

Ngunit sa gitna ng mga papuri, hinalintulad ni Krisna ang pagsusulat sa paglalakbay.

“Nasa bahagi pa lamang ako ng pananaginip. Para kasing mahaba pa ‘yung daan para sa akin. At kung iisipin ko ang natamo ko sa Ustetika, nakaka-iisang hakbang pa lamang ako,” paliwanag niya.

JELSON E. CAPILOS: Ikatlong Gantimpala, Tula

Dahil nabigo ang kanyang mga akda na manalo sa Ustetika dalawang taon na nakalilipas, ipinangako ni Jelson E. Capilos, ika-apat na taon sa kursong Literature, na hindi siya aalis ng UST hangga’t wala siyang napapanalunan sa naturang patimpalak.

At sa kanyang huling taon sa UST, nakamit nga ni Capilos ang ikatlong gantimpala sa kanyang koleksyon ng tula, Ang Mercedes at ang Saro, Etc.

“Ang motivation ko sa pagsulat ay mga everyday events especially poverty,” buong pagmamalaking wika ni Capilos.

GLENN VINCENT ATANACIO: Ikatlong Gantimpala, Poetry

Sa ikalawang pagkakataong paglahok sa Ustetika, nakamit ni Glenn Vincent Atanacio, ikalawang taon sa kursong Journalism, ang ikatlong gantimpala sa kategoryang Poetry sa kanyang lahok na koleksyong Dancing Suns.

READ
UST eyes expansion by 2011

Dahil sa hindi nakadalo sa gabi ng parangal, tawag sa telepono mula sa kaibigan ang naghatid kay Atanacio ng magandang balita. Ayon sa kanya, isang malaking pagkilala bilang manunulat ang pagkapanalo niya sa Ustetika.

MA. FRANCEZCA THERESA KWE: Thomasian Essayist of the Year

Unang gantimpala kaagad ang natamo ni Ma. Francezca Theresa Kwe sa kanyang sanaysay na Histories sa unang pagsali niya sa Ustetika. Nasa ikatlong taon siya sa kursong Journalism ng Faculty of Arts and Letters.

Makahulugang pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng bansa sa pamamagitan ng mga kuwento ng kanyang mga lolo ang temang nagpanalo sa sanaysay ni Francezca.

Kahit natamo na niya ang pinakamataas na parangal sa kategoryang sinalihan, hindi pa rin matiyak ni Kwe ang tunay na tinig ng kanyang panulat.

“I don’t have my own voice yet so I’m planning to find it. Essentially, I’m just a bum trying to write,” wika niya.

ANGELO SUAREZ: Thomasian Poet of the Year

Ayon kay Angelo Suarez, ikalawang taon sa Literature, “kalat” ang tema ng kanyang mga akda. Ayon sa kaniya, ang “pagkakalat” ng mga obrang ito ang marahil nagpanalo sa kanya sa pangalawang taon bilang Thomasian Poet of the Year ng Ustetika.

Sa koleksiyong Moonlore and Other Poems, kanyang mga karanasan ang naging inspirasyon niya upang sumulat ng mga tula. Aniya, mas gumaganda ang mga sulatin kung makatotohanan at may “personal touch.”

Bagama’t nakamit niya ang Rector’s Literary Award noong nakaraang Ustetika, hindi niya ikinagulat nang hindi ito napunta sa kanya ngayong taon. “This year, my poems are based on romanticism, kaya okay lang. Sabi ko nga, iba-iba ‘yung themes ng mga gawa ko,” sabi niya.

READ
Loving in silence

JOSEPH ROSMON TUAZON: Makatang Tomasino ng Taon

Sa ikatlong taon sa Ustetika, hindi na naman napigilan si Joseph Rosmon Tuazon, ikaapat na taon sa Legal Management, sa paghakot ng parangal sa katatapos na Ustetika.

Hindi maikukubli ni Tuazon ang tuwang nadama nang nakamit niya ang unang gantimpala sa mga kategoriyang tula at katha. Nakamit din niya ang ikalawang puwesto sa poetry. Bukod sa mga nabanggit na karangalan, nakamit rin niya ang Rector’s Literary Award ngayong taon.

“I know na may chance ang mga gawa ko pero I didn’t expect na makukuha ko ‘yun,” sabi niya.

Ayon sa kanya, ang pagkakaroon niya ng “diverse style and structure” ng kanyang mga gawa ang naging kaibahan ng mga ito sa ibang obrang isinalang sa Ustetika.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.