PAMILYA, rebolusyon, at pagbabagong-buhay ang nilalaman ng nobelang “Pusong Walang Pag-ibig” (Ateneo de Manila University Press, 1990 at 2001). Ito ang ikalimang akda ni Roman G. Reyes kung saan inilarawan niya ang buhay ng pamilya ni Enrique sa gitna ng kaguluhang dulot ng mga mananakop sa kanilang bayan.
Naging mabenta ang mga akdang makabayan lalo na ang mga tumatalakay sa himagsikan. Kabilang dito ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal. Maging ang mga isinulat ni Francisco Baltazar ay tinangkilik din ng publiko.
Sa pagdaan ng panahon, naging hamon sa mga manunulat tulad ni Reyes ang pagmulat ng kaisipan ng mambabasa sa pamamagitan ng kanilang mga akda. Ang paggamit niya ng reyalismong pamamaraan ay itinuturing na pinakamahalagang ambag niya sa panitikang Pilipino.
Sa panimula ni Dr. Mona Highley, isang sanaysayista, sinabi niyang hango ang nobela sa mga tunay na pangyayari sa buhay ni Reyes. Makatotohanan ang mga paglalarawan at damdamin ng bawat tauhan, maging ang mga lugar at pangyayari, sapagkat nabuhay si Reyes noong panahon ng rebolusyon.
Dagdag pa ni Highley, pinatibay ni Reyes ang “realistikong” pakikitungo ng mga may-akda sa kanilang mga kuwento.
Ayon sa kanya, ang realismong ito ay bunga ng malalim na pagtanaw ng nobelista sa mga pangyayari na nagaganap sa kanyang paligid upang maimulat ang kaisipang makabayan ng mga mambabasa.
Ipinanganak si Reyes sa Bigaa, Bulacan noong 1858. Nagtapos sa Colegio de San Jose sa Maynila noong 1874 bilang maestro superior, at naging guro siya sa Bulacan at tagasalin-wika ng mga pari. Noong namuhay siya sa Maynila, doon nahasa ang kanyang talino sa pagsulat ng mga nobela at sarsuwela.
Sa kabilang banda, mapapansin ang paggamit ni Reyes ng parikala o irony. Sa bungad ng kuwento, nais ni Tandang Tikong na mapabuti ang kalagayan ng buhay ni Loleng kaya ipinakasal niya ito kay Enrique. Sa kasamaang-palad, nagdulot pa ito ng pasakit sa babae at maagang kamatayan para sa matanda.
Hindi maikakailang sinauna ang estilo ng lengguwahe ng nobela sapagkat nangyari ito sa panahon ni Reyes. Bagama’t luma na, sadyang hindi binago ang mga orihinal na salitang ginamit bilang pagsang-ayon sa pamantayang ginagamit sa panitikan ng mga pamantasan gaya ng Ateneo de Manila, De La Salle, at University of the Philippines. Ang mga salitang diñgig, kinahihimalingan, at pagdidiwang, ay hindi binago sa kasalukuyang tanggap na bersiyon nito—dinig, kinahuhumalingan at pagdiriwang.
Kadalasan, lirikal at palabiro ang daloy ng mga dayalogo na nagpapakita sa likas na kasayahan ng Pilipino sa gitna mga nararanasan niyang pasakit. Makikita sa mga pangunahing tauhan ang karaniwang Pilipino—si Enrique, isang padre de pamilya na nagpabaya sa kanyang mag-ina, nalulong sa sugal at babae, tinalikuran ang bayan kapalit ng pansamantalang kaligayahan—ang lahat ng naghatid sa kanya upang magbagong-buhay at muling bumalik sa piling ng kanyang pamilya.
Makikita naman sa mag-inang Loleng at Nene ang dalawang mukha ng tradisyunal na Pilipina. Si Loleng, masunurin at lubos na mapagbigay na anak at asawa. Alam niya ang mga kalokohang ginagawa ng asawa subalit pilit na tinitiis para sa kapakanan ng kanilang nag-iisang anak. Samantalang lumaki naman si Nene bilang isang matatag, matalino, at may malawak na kaisipan dulot ng hirap na kanilang dinaranas sa kamay ng kanyang ama at mga dayuhan.
Nabanggit sa nobela na dapat manatili at piliin ang ispirituwal na damdamin laban sa anumang bagay sa mundo. Pinatunayan ito ng pagsapi ni Enrique sa isang alyansa na nagdulot sa kanya ng kapahamakan. Sa kabilang banda, nagpahiwatig ang isa sa mga tauhan na katuwiran ang dapat pairalin at sundin, hindi ang damdamin.
Hindi malinaw kung sino o kanino isinalin ni Reyes ang kanyang sarili sa mga karakter sa loob ng nobela sapagkat mayroong koneksiyon ang bawat isa sa kanyang buhay. Kung susuriin, mariing inilalarawan ang kahalagahan ng “kairalang moral” na siyang gabay sa pagkakaroon ng mapayapang buhay. Bukod-tangi ang nobelang ito sapagkat hindi lamang maayos na nailahad ang mga pambansang suliranin sa panahon ni Reyes, kundi maging ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pamilya hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kanilang buhay.