ANO BA’NG nararapat na ganti sa isang taksil na mangingibig, poot o kapatawaran?
Sa pag-ibig, pagtataksil, poot, pagtatakwil, at pagpapatawad umiikot ang nobelang May Pagsinta’y Walang Puso ni Iñigo Ed. Regalado, isa sa mga itinuturing na “makapangyarihang tinig” noong unang bahagi ng 1900 kasama ang iba pang kasabayang patnugot ng mga diyaryo’t magasin na sina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, at Severino Reyes.
Unang inilabas noong 1921, muling nailathala ang nobela ni Regalado noong 2001 sa pamamagitan ng permiso ng kaanak nitong si Eriberto Regalado, pag-eedit ng manunulat na si Roberto Añonuevo, at ng Ateneo de Manila University Press.
Nahahati sa tatlong yugto ang nobela. Sa unang yugto, matutunghayan ang pag-uusbong ng relasyon nina Sela at Fidel, ang mga pangunahing tauhan. Dahil sa matinding pag-ibig ni Sela para kay Fidel, nagawa niyang isuko ang lahat para dito ngunit nauwi ang lahat sa pagsisisi sapagkat hindi siya ang pinakasalan ng lalaki.
Samantala, sa ikalawang bahagi ng nobela, makikita ang pagdurusa ni Sela na bunga ng kataksilan ni Fidel—ang pagbaba ng kanyang pagtingin sa sarili pati na rin ang pagtingin ng lipunan sa kanya. Ngunit, sa dilim ay nakakita rin siya ng liwanag sa katauhan ni Rufo, ang kanyang panibagong mangingibig.
Sa huling bahagi ipinapakita ang tindi ng dagok sa kanya ng nakaraan. Kahit may asawa na, nanatili pa rin siyang alipin ng kahapon. Subalit, ang pag-ibig ay sadyang makapangyarihan. Bagaman ito ang nagdulot sa kanya ng sunud-sunod na pasakit sa umpisa, ito rin ang nagbigay sa kanya ng kaligayahan sa huli.
Magandang paglalarawan ng unti-unting pag-usad ng Maynila ang ginawa ng may-akda. Sa pamamagitan ng pagkukuwento ng buhay ni Sela, masasaksihan ng mga mambabasa ang kaligirang pangkasaysayan ng bansa. Sa maliming pagsusuri, makikita si Sela bilang isang tipikal na Pilipina na sumusunod sa saliw ng kanyang panahon, na kung saan pinaiimbabawan ng mga lalaki ang mga kababaihan. Sa paniniwala sa tunay na pag-ibig, isinuko niya ang sarili upang sa bandang huli ay maging alipin nito. Naging biktima si Sela ng katipang taksil, ng mapanghusgang lipunan, at ng marupok niyang sarili.
Sa lalim ng lengguwaheng ginamit ni Regalado sa kanyang nobela, mapapasang-ayon ang sinumang mambabasa sa komento ni G. Añonuevo: “nakayayamot basahin ang nobela…dahil hahamunin kang pag-aralang maigi ang kabuuang malig ng Tagalog. Hihigitin ka niyon para usisain ang wika at kasaysayan ng bansa.”
Sa panahon ni Regalado umusbong ang “gintong panahon ng nobelang tagalog” (1905-1921); kung kailan pinakamasigla ang paglalathala ng mga de-seryeng nobela sa sarisaring babasahin, kumita ang mga pabliser, at nakilala ang ilang mga manunulat pati ang iba pang mga taong nagkaisang isulong ang Tagalog bilang wikang pambansa.
Bagaman maselang usapin ang pangangalunya sa panitikang Tagalog noong inilabas niya ang nobela, nagawa pa rin ni Regalado na isalaysay ang mga pangyayari sa pamamagitan ng mga kasabihan at mga matatalinghagang salita na may pagsasaalang-alang sa mga tauhan, lalo na sa mga kababaihan. Sa hindi lantarang paraan, gumamit din ang patnugot ng mga nakakaganyak na mga salita na nagsilbing pampasigla sa mga mambabasa.
Sa taglay na tema, kahalagahang panlipunan, at kaligirang pangkasaysayan, masasabing may pagkakahawig ang Walang Puso sa iba pang likha ni Regalado tulad ng Sampagitang Walang Bango at ang Madaling Araw. Sa Sampagitang Walang Bango, na tungkol rin sa pag-ibig, pagtitiis, at pagtataksil, inilalarawan ang Maynila noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Ipinapakita naman sa Madaling Araw ang paggamit ng kaguluhan sa pagsupil ng mga sakit ng lipunan sa pamamagitan ni Juan Galit at ang kanyang makahulugang pagpaslang kay Kabesang Leon, ang sumisimbolo sa mga Pilipinong nakipagsabwatan sa mga Amerikano na nagpapahirap sa mga mararalita.
Sa lawak ng sakop ng paksa, hindi iilan ang magnanais na basahin ito. Taliwas sa maaaring isipin ng iba, hindi lamang mga mangingibig ang matutuwa sa istorya. Sapagkat sa “malaman at kontrobersyal” na dayalogo ng mga tauhan at nakasasabik na mga tagpo, mapapako sa nobela maging ang mga mambabasang may hilig sa kasaysayan, panitikan, pulitika, pilosopiya, at maging sa katatawanan.
Hindi tulad ng ibang nobelang Tagalog na isinusubo ang lahat ng detalye ng kuwento, matagumpay na nag-iwan ng palaisipan ang may-akda sa mambabasa—kung ano ang susunod na magaganap sa buhay ni Sela at kung kanino nga ba siya mapupunta.