NAKAKAHIYA ang pagsundo sa’kin ni Mama sa eskwela.

Lagi na lang akong tinutukso ng mga kaklase ko na “Mama’s boy.” Ayoko nang ganoon lalo pa at hindi naman tulad ng mga nanay nila si Mama.

Iba si Mama. Hindi siya gaya ng mga nanay ng mga kaklase ko na mga ubod ng ganda at seksi na tila mga dalaga pa. Hindi naman pangit si Mama, bakas lamang sa kanyang anyo ang kanyang edad. Laging nakapusod ang buhok niyang kulay abo. Kapansin-pansin din ang iilang guhit sa kanyang noo at pisngi.

Dahil doon, nagmumukha siyang masungit at nakakatakot na guro. Sabi ng mga kaklase ko, kamukha raw ni Mama si Miss Tapia samantalang ang mga nanay nila tatalunin pa raw sa ganda si Darna.

Kanina lang, nagtalo kami ni Mama tungkol sa pagsundo niya sa’kin sa eskwela. Hindi ko raw dapat masamain ang kanyang ginagawa.

“Ma, first year college na po ako! Hindi na ako grade one para sunduin pa. Malaki na ako. Kaya kong umuwing mag-isa.”

“Masama bang daanan kita sa eskwelahan at sabayan kang umuwi?” tanong ni Mama.

“Hindi ho, kaya lang nakakahiya.”

Hindi na kumibo pa si Mama. Lumabas siya ng bahay at nagwalis ng bakuran. Pumasok na lamang ako sa’king kwarto at doon nagmukmok.

Sabado ngayon at may praktis kami ng basketbol. Hindi na muna ako pupunta dahil tiyak na kakantiyawan na naman ako dahil sa pagsundo sa’kin ni Mama kahapon. Matutulog na lang ako.

Binuksan ko ang radyo malapit sa’king kama. Humiga ako at ipinikit ang aking mga mata. Lumipas pa ang ilang sandali ngunit hindi pa rin ako dinadalaw ng antok.

READ
Chinese ordinations irk Rome

Bumangon ako sa pagkakahiga at lumabas ng kwarto. Tahimik ang buong bahay. Nasaan kaya si Mama?

Hinanap ko siya sa kusina subalit wala siya doon. Wala rin siya sa sala, kaya sinilip ko siya sa kanyang silid.

Mukhang nakatulog si Mama habang nagsusulat. Hawak pa niya ang kanyang ballpen. Aalis na sana ako nang mapansin ko ang notebook sa kanyang tabi. Hindi pala ito isang ordinaryong notebook kundi isang diary.

Masama mang makialam, hindi ko napigilan ang sarili kong kunin ito at basahin. Umupo ako sa gilid ng kama at saka sinimulang basahin ang diary.

“Binata na si Ivan…” ito ang unang linyang nakasulat. Nakakagulat na ito ang sinulat ni Mama dahil parang bata naman niya ako pakitunguhan. Lalo tuloy akong nasabik na basahin ang buong diary.

Natapos kong basahin ang dalawang pahinang naisulat ni Mama bago siya makatulog. Nangingilid ang luha sa’king mga mata. Nasaktan ko si Mama kanina noong nagtalo kami.

Malaki na raw ang pinagbago ko. Hindi na raw ako ang dating malambing na anak. Naglagay na raw ako ng malaking pader sa pagitan naming dalawa. Sinusubukan daw niya akong lapitan pero ako ang lumalayo. Wala na raw siyang alam sa mga nangyayari sa’kin dahil hindi na ako gaya ng dati na laging nagkukuwento. Nararamdaman daw niya na parang napapaso ako sa mga yakap niya.

Binalik ko ang diary sa tabi ni Mama. Lumabas ako ng kanyang kwarto. Ayokong malaman niyang nabasa ko ang kanyang diary. Naupo ako sa sofa. Pinahid ko ang luha sa’king mga mata. Nakita ko ang larawan namin ni Mama sa mesa. Sanggol pa ako noon at mukha pang dalaga si Mama.

READ
Asian congress for life and truth

Maagang natapos ang pagiging dalaga ni Mama dahil sa pagbubuntis niya sa’kin. Nagsama sila ng aking ama ng ilang buwan ngunit iniwan din siya dahil tutol ang mga magulang nito. Sapagkat galit din sa kanya ang sariling pamilya, nagsumikap si Mama na buhayin akong mag-isa.

Maraming trabahong pinasok si Mama. Noong bata ako, nanilbihan siyang labandera sa mga kapitbahay namin. Nagtinda rin siya ng banana cue at palamig sa harap ng bahay. Noong nag-aaral na ako, umasenso kami at nagkaroon ng sariling tindahan. Sa kabila ng lahat ng iyon, hindi ako napabayaan ni Mama. Siya ang nag-aasikaso ng lahat ng kailangan ko kahit na marami siyang mga gawain.

Sabado ngayon. Hindi nagbukas ng tindahan si Mama, marami pa namang bumibili.

Tiningnan ko ang kalendaryong nakasabit sa isang sulok ng bahay. Tama ang hinala ko. Iba nga ang araw na ito kaya sarado ang tindahan. Kaarawan ni Mama at ngayon ko lang naalala.

Bumigat lalo ang aking kalooban. Nasaktan ko na nga si Mama, nakalimutan ko pa ang kaarawan niya. Paano kaya ako makakabawi sa kanya?

Napatingin ako sa kusina.

Iluluto ko ang paboritong kaldereta ni Mama. Siguradong masosorpresa siya dahil wala siyang kaalam-alam na marunong na akong magluto.

Habang naghihiwa ng karne, naramdaman kong may tao sa’king likuran. Nakita ko si Mama.

“Happy Birthday, Ma! Ako po ang magluluto ngayon ha?” sabay halik sa kanyang pisngi.

Gumuhit ang isang napakatamis na ngiti sa mukha ni Mama. Wala akong pagsidlan ng tuwang nadarama dahil napangiti ko siya. Masayang-masaya ako dahil kahit tuksuhin pa ako ng mga kaklase ko na kamukha ni Mama si Miss Tapia, masuwerte ako dahil para naman siyang si Darna na laging nandyan sa tabi ko. Ruby Anne R. Pascua

READ
Tunggalian ng Kabutihan at Kasamaan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.