SINO nga ba ang “The Best” na isama sa kabilang buhay?

Sa laban ng kabutihan at kasamaan umiikot ang tema ng TAO: Isang Tagu-laylay (UST Pub-lishing House, 2004) ni Frank Rivera na hango sa isang anonymous na dulang The Summoning of Everyman, na tungkol sa makasalanang pamumuhay ng mga tao at sa pambabale-wala nila sa mga sakripisyo ni Kristo upang maisalba ang sangkatauhan.

Bagaman si Isagani Cruz ang orihinal na may-akda, kagila-gilalas na naisinulat ni Rivera ang bersyong nang walang nakuhang kopya ng bersyon ni Cruz. Sa madaling salita, hango ang bersyong ito sa mga naalala ni Rivera nang minsang nakasama siya sa pagtatanghal nito noong Nobyembre 1970 sa Rajah Sulayman Theater sa Fort Santiago.

Ginawa namang musikal ang pagtatanghal sa pamamagitan ng tagulaylay o awit para sa mga namamatay na siyang nagbibigay-buhay sa dula.

Samantala, hindi nagkakalayo ang daloy ng istorya ng Tao ni Cruz at ng Tao ni Rivera. Gumamit si Rivera ng makabagong pananalita na mapapansin sa taglish-speaking na Tao, Anghel de la Guardia, at ang Diyablo, na punong mga tauhan sa dula, at maging ang kani-kanilang mga alipuris.

Dagdag pa rito, nababanggit din ang ilang mga mahahalagang pangyayari at kilalang personalidad sa lipunan na nagpapahiwatig ng pagtutuos ng kabutihan at kasamaan.

Nagbubukas ang dula sa dasal na sinundan ng pagdating ng Kamatayan upang sunduin si Tao. Dahil sa mga tagumpay sa buhay, hindi matanggap ni Tao ang nakatakdang katapusan. Binigyan siya ni Kamatayan ng isang araw na palugid upang magawa pa ang mga bagay na nais pa niyang gawin bago siya dalhin nito sa kabilang buhay.

READ
UST Singers sweeps int'l choral contest

Sa sandaling ito, naisip ni Tao na mas madali niyang matatanggap ang pagtungo sa kabilang buhay kung mayroon siyang makakasama—isang piguratibong paraan ng may-akda upang magbigay-palaisipan sa mambabasa kung ano ang kailangan ng tao upang masabing handa na siyang harapin ang kamatayan.

Dito papasok sa eksena ang Anghel de la Guardia at ang Diyablo na parehong nag-alok ng “makakasama” kay Tao.

Ipiniresenta ng Diyablo ang iba’t ibang katauhan ng Pitong Kasalanan: Kayabangan, Kasakiman, Katamaran, Poot, Kasibaan, Pagkaganid sa laman, at Inggit. Sa kabilang dako, inihandog naman ng Anghel de la Guardia ang mga tauhang sila Kalinangan, Kalusugan, Katalinuhan,at Pag-ibig. Ang “The Best” na mapipili ni Tao sa kanila ang siyang sasama sa kanya sa kanyang “paglalakbay”

Unang itinanghal ang bersyong ito ni Rivera noong 2000 na naging matagumpay kaya maraming beses itong ipinalabas sa mga tanghalan ng Cardinal Sin sa Paco, Adamson University, San Sebastian College, at maging sa Eastern Cinema sa Claro Recto.

Isang premyadong manunulat si Rivera. Nakamit niya ang 2002 National Book Award mula sa Manila Critics Circle para sa akdang Mga Dula sa Magkakaibamg Midyum, 2003 Global Filipino Literary Awards mula sa Our Own Voice (OOV) ng Amerika para sa Mulat, at maging sa Unibersidad nang makatanggap siya ng parangal sa ika-walong Gawad USTetika ng Varsitarian, ang timpalak para sa panitikan ng UST.

Ilan pa sa mga isinulat ni Rivera ang Gothic Telemovies, Oyayi, Makata sa Cellphone, Darna, Etc., at Jose Rizal: Iba’t Ibang Pagtanaw.

Sa kabuuan, bagaman ang pagdating ni Kamatayan ang nagsimula ng kaguluhang naganap, buhay na buhay naman ang bawat eksena sa tula. Bukod sa nakatutuwang pananalita ng Anghel at ng Diyablo, sadyang iniangkop sa mga manonood sa kasalukuyang henerasyon ang dula sapagkat bukod sa ilang modernong musikang ginamit na tono para sa pag-awit ng mga tauhan, mahusay ding naipakita kung ano ang tao sa kasalukuyang panahon. Kaugnay nito, nagsisilbing palaisipan sa mga mambabasa kung sino ang pipiliin ni Tao na kasama sa kabilang buhay. J. S. Del Mundo

READ
Rector calls for truth and prayer

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.