LAKING-TONDO ako.
Inamin ni Rosario Torres-Yu, dating dekana ng College of Arts and Letters ng Unibersidad ng Pilipinas na nahihiya siyang sabihin ito sa mga tao dahil iisipin nila na laki siya sa isang lugar na pinamumugaran ng mga kriminal.
Ngunit sa Silakbo (UST Publishing House, 2006), ang unang koleksiyon ni Yu ng mga sanaysay na halaw sa kanyang mga karanasan bilang laking-Tondo, manunulat at guro, nilinaw niya ang akala ng karamihan.
Ani Yu sa “Batang Tundo,” isang sanaysay sa koleksyon na nagwagi ng unang gantimpala sa nakaraang Palanca Memorial Awards for Literature, “Natitiyak kong may kinalaman sa karaniwang palagay na pugad ng krimen at karahasan ang Tondo ang mga action movies.”
Aniya, inilalarawan ng mga pelikulang Asyong Salonga, Totoy Golem at Boy Tutpik ang mga “sangganong” gumagawa ng kabutihan sa mga tao. Dagdag pa ni Yu na mga “inapo sila ng mga ‘sumikat’ na ‘basagulero’ noong panahon pa ng Kastila…” Ipinakita rin niya sa sanaysay ang ibang aspeto ng Tondo na hindi gaanong napapansin ng mga tao, tulad ng pagiging bukirin nito noon at pook kung saan naganap ang ilang makasaysayang pangyayari gaya ng labanan ng mga Kastila at mga mandirigma ni Raha Soliman at ang pagkakatatag ng Katipunan.
Pormal ngunit simple ang wikang ginamit ni Yu sa libro. Halimbawa nito ang pagsasalarawan niya sa palengke ng Bambang sa “Batang Tundo”: “Kahit pala noong panahon ng giyera, sumikat na ang Bambang dahil hindi lang ito ang orihinal na ukay-ukay, naging sentro pa ito ng di-karaniwang negosyo.” Kabaliktaran ito sa kanyang nakasanayang paggamit ng mga terminolohiyang pang-akademiko sa mga pagsasaliksik at artikulo niya sa mga scholarly journal tulad ng Diliman Review. Bago ang Silakbo, nakapaglabas na rin ng iba pang libro si Yu. Kabilang dito ang Panitikan at Kritisismo, Amado V. Hernandez, Tudla at Tudling, Sarilasay: Tinig ng 20 Babae sa Danas Bilang Manunulat at Express Firipingo.
Inihambing naman ni Yu ang pagpapahalaga ng mga Hapon at Pilipino sa kaayusan sa “Paano Ba Umuwi sa Sariling Bayan,” na nanalo ng ikatlong gantimpala sa Palanca noong 1993. Sinabi niya rito na pinalinis muna sa kanila ang apartment unit sa Osaka bago umuwi ng Pilipinas. Pagbalik sa bansa, lumipat sila sa isang bahay na tila napabayaan ng unang may-ari nito: butas ang alulod, nalalaglag na kisame, sira-sirang mga kitchen cabinet at tubong kinakalawang.
Ani Yu, “Dito, nakinabang na ng husto ang unang tumira…at pinayagang umalis na gayun na lamang, sa bagong titira pa ang gastos ng pagpapaayos at pag-upa na sampung ulit ang taas kaysa dati.”
Nanibago rin siya sa kanyang pag-uwi dahil sa pagsisigawan ng mag-asawang kapitbahay at ang maingay na pagtatalo ng mga kasamahan niya sa bahay. Samantalang noong nasa Osaka pa siya, wala siyang narinig na katulad na ingay liban sa iyak ng bata.
Bagaman masarap basahin ang mga sanaysay sa librong ito, mahaba ang pangalawang sanaysay na “Paano Ba Umuwi sa Sariling Bayan.” Kailangang balikan ng mambabasa ang mga naunang pahina upang maunawaan ang maraming detalyeng binanggit.
Naging labis na personal naman ang pagsasalaysay sa “Si Roger, si Ellen at ang Kuwentong Di Nasundan,” na tumutuon sa pribadong buhay ng Tomasinong manunulat na si Rogelio Sicat.
Sa pagsulat ni Yu tungkol sa kanyang mga karanasan, muli niyang natuklasan ang mga pangyayaring humubog sa kanyang buhay na nalimot dulot ng kanyang pagkakakahon sa mundo ng akademya. R. J. A. Asuncion