SA SOBRANG kalakihan ng tiyan, hirap na hirap sa paglalakad si Tony habang pauwi ng bahay nila. Sa ilalim ng sikat ng araw, hingal na hingal at tumatagaktak ang pawis niya sa mukhang namimintog ang pisngi sa taba.

Pakiramdam niya, baboy siyang niluluto sa loob ng turbo broiler; lumalabas nang unti-unti ang kanyang katas sa mamula-mulang balat. Ngunit pilit pa rin niyang itinutuloy ang paglalakad kahit bigat na bigat sa kanyang katawan.

“Kung puwedeng ‘wag nang maglakad!” sambit niya sa sarili.

Ngunit alam ni Tony na kailangang makauwi kaagad sa bahay para tulungan ang kanyang nanay sa pagluluto ng mga ihahanda sa gabi. Bisperas kasi ng bagong taon.

Bukod sa mga batang nagpapaputok sa daan, marami na ring mga tambay ang nakapulong sa kanya-kanyang balwarte. Habang naglalakad at inaalala ni Tony ang kanyang mga kakainin, biglang pumasok sa ulirat niya ang mga pangyayaring nagpabago sa buhay niya.

Alam niyang walang pedikab na gustong magsakay sa kanya. Dapat daw siyang magdagdag ng bayad dahil sobrang bigat. Kadalasan, nasisira pa raw ang gulong ng mga nasasakyan niya dahil hindi kayang buhatin ng padyak ang katawan niyang simbigat ng apat na sakong bigas. Simula noong araw na iyon, hindi na muli pang sinubukan ni Tony na sumakay rito.

Maya-maya pa, nakita ni Tony ang sari-sari store kung saan lagi siyang bumibili ng pandesal tuwing umaga. Doon nagtitinda si Ana, ang maganda’t kaakit-akit na kaklase ni Tony mula elementarya hanggang hayskul. Noon pa man, pangarap na siya ni Tony.

Sa loob ng 22 taon niya sa mundo, hindi pa rin nakaranas magmahal at mahalin ng babae si Tony. Sa bawat bagong taong lumipas, ilang ulit na rin niyang ipinagdasal at hiniling ang magkaroon na siya ng tunay na pag-ibig sa kabila ng kanyang itsura at pangangatawan. At kahit ganoon ang kanyang dalangin, hindi na rin niya tinangka pang manligaw dahil natatakot siyang mapahiya at maayawan dahil sa kanyang katabaan.

READ
Nuncio reiterates diocesan chancellors' importance

Bagaman walang gumagambala sa tahimik niyang mundo, hindi pa rin maiaalis ang mga taong nang-aalipusta sa mga katulad niyang “nasobrahan” daw. Isa rito si Pablo, ang kaklase nila ni Ana. Mula pagkabata, si Pablo ang pangunahing kontrabida sa buhay ni Tony.

“Tony Taba! Tony Taba! Tony Taba!” iyon ang paulit ulit na sigaw ni Pablo sa kanya.

Sa mga ganoong pagkakataon, hindi na lang niya pinapansin ang mga pang-iinis. Mabilis at nakayukong naglalakad na tila walang naririnig na lamang ang reaksyon niya. Hanggang maaari, ayaw ni Tony ng away dahil aminado naman siyang mataba talaga siya.

Biglang natigilan sa pag-iisip si Tony, nakarating na pala siya sa harap ng kanilang bahay. Natanaw niya ang naka-upong tropa ni Pablo sa karinderya ng kanyang nanay. Kilala kasi ang pamilya nila sa masasarap na pagkain, kabilang na ang mga palitaw na nabibili rito.

Habang dinudukot ni Pablo ang limang kahong labintador sa kanyang bag, napasulyap si Tony sa umpukan nila nang marinig ang pagyayabang nito sa mga kasamahan.

“Mahal ang bili ko sa mga labintador na ‘to. Sabi nga sa’kin ng binil’han ko, malakas ang putok nito, dinig hanggang kabilang baryo!” wika ni Pablo habang nakangisi.

Nagpanting ang mga tenga ni Tony nang muling magmayabang ang kanyang alaskador. “Alam n’yo ba, sinagot na ako ni Ana kaninang umaga. Mag-syota na kami,” parinig ni Pablo.

Nanikip ang dibdib ni Tony. Parang bumara ang lahat ng kanyang taba sa puso sapagkat alam niyang sa walang kuwentang lalaki mapupunta ang kababata niya.

“Tony Taba, inuman muna tayo,” yaya ni Pablo habang sakmal ng kamay niya ang mga palitaw.

READ
Do you read the Bible?

Umiling si Tony habang pigil ang paghinga niyang papasok sa bahay. Alam niyang may kasunod na hirit si Pablo. Lumingon kaagad si Pablo sa kanyang mga kaumpukan at umastang tila alam ang lahat sa kanilang baryo.

“Ganyan talaga ‘yang pamilyang ‘yan, matataba at mga baboy na, hindi pa marunong makisama!” panunuya ni Pablo habang pilit na tumatawa.

Sa pagkakataong ito, tila umakyat sa batok ni Tony ang lahat ng puwersa sa kanyang katawan. Nagsibalikan sa kanyang alaala ang mga pang-aalipusta at pangungutya ni Pablo. Umapaw sa mga mata ni Tony ang pagtitimpi sabay lapit kay Pablo.

“Wag mong babastusin ang pamilya ko!” sigaw ni Tony.

“Pare hinahamon ka ‘ata ni Taba,” tugon ng isang kainuman. Mabilis na tumayo si Pablo sa kinauupuan at tinapatan si Tony.

“Ano ba’ng ipinagmamalaki mo? ‘Yang malaki mong tiyan?” bulyaw ni Pablo.

“Tawagin mo na’kong taba, baboy o kahit ano pa, ‘wag mo lang bastusin ang pamilya ko,” wika ni Tony.

“Talaga nama’ng pamilya kayo ng baboy. Ang nanay mo puro bilbil at mga kapatid mo biik! Oink! Oink! Oink!” pang-aasar ni Pablo habang nagtatawanan ang kanyang ka-tropa.

Namula na tila litson ang buong mukha ni Tony. Ayaw na ayaw niyang pipintasan ang kanyang pamilya. Para siyang bulkang sasabog at ilang sandali pa, hindi na niya napigilang suntukin si Pablo. Tumalsik si Pablo sa lamesitang pinagpapatungan ng mga baso.

Natulala ang mga kasama ni Pablo. Hindi nila akalaing pumatol si Tony sa sinasabing “barako” ng bayan nila. Habang nakahandusay sa lupa, napansin ni Pablo ang reaksyon ng kanyang mga kasamahan. Pakiramdam niya napahiya siya sa mga ito, kaya mabilis siyang bumangon at sinugod ng suntok sa mukha si Tony.

READ
Medicine celebrates week in service

Napa-atras sa kanilang bakod si Tony. Naramdaman niya ang pagdaloy ng nangingintab na pulang dugo sa kanyang ilong. Tatayo pa sana si Tony nang biglang suntukin siya sa dibdib. Muli, hindi na naman nakayanan ni Tony ang dagok na ipinukol sa kanya ng tadhana. Tila bumagsak sa malapad niyang katawan ang lahat ng problema sa mundo.

“Ano ba’ng nagawa ko?” tanong ni Tony sa kanyang sarili habang nakahiga sa kalye.

Ngunit sadyang hindi makaunawa si Pablo. Kumuha siya ng sandakot na labintador sa kanyang bag at sinindihan ito. Akmang ihahagis ito ni Pablo sa nakahandusay na Tony nang pasigaw niyang sinabi:

“Hoy taba, siguradong magtatanda ka na rito!”

* * *

Gabi na, bisperas ng bagong taon. Masayang nagluluto ng mga palitaw ang nanay ni Tony habang hinihilamusan niya ang kanyang mga malulusog na kapatid. Dinig na dinig sa labasan ang napakalakas na putukan habang nagsisigawan ang tropa ni Pablo.

* * *

Nakadungaw si Tony sa kanilang tindahan habang sinasariwa ang mga alaalang ito noong isang taon. Bisperas na naman ng bagong taon ngayon.

Biglang naputol ang alala ni Tony nang marinig niyang sumigaw sa kalsada ang isa sa mga kaibigan ni Pablo.

“Hoy, Pablong Putol inuman tayo mamaya!”

Napangiti si Tony at ipinagpatuloy ang pag-alala sa nakalipas na bagong taon.

Ngunit muling naudlot ang kanyang alala nang dumating si Ana.

“Pabili nga ng labintador, para sa tatay ko mamayang gabi,” wika ni Ana.

“Di ba may tinda rin kayong mga paputok?” sambit ni Tony habang napakunot sa noo.

“Hay naku, ayaw ni tatay. Noong isang taon kasi, ninakawan kami ng limang kahong labintador,” sagot ni Ana.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.