NAGHIHIYAWAN at nagtatakbuhan ang mga bata papasok sa kanilang mga bahay sa sandaling makita ang anyo ng “babaeng nakaitim.” Mula sa likod ng mga kurtina, takot nila siyang sinisilip habang naghihintay na tuluyan siyang lumisan tungo sa kakahuyan sa kanluran ng bayan.
“Shhh. Huwag kayong maingay. Baka marinig tayo ng aswang,” ani ng isang bata.
Habang naglalakad sa maalikabok na kalsada, hindi na alintana ni Elena ang panandaliang pagtahimik ng buong paligid. Kahit hindi niya ito tuwirang makita, alam ng babaeng nakabelong itim na pinagtitinginan siya ng mga taumbayan. Naririnig niya ang bulung-bulungan ng mga ito at alam niyang siya na naman ang kanilang pinag-uusapan.
Matapos siyang magmadaling makaalis, dahan-dahang lumalabas ang mga bata upang muling maglaro sa kalsada. Nanumbalik ang malakas na usapan na kanina’y malamig na bulung-bulungan ng mga matatanda. Nawala ang takot ng taumbayan sa paglisan ng babaeng itinuturing nilang aswang.
Isang taon na ang lumipas mula nang unang maranasan ni Elena ang pag-iwas ng mga tao nang manirahan siya sa labas ng bayang iyon. Subalit nasanay na siya sa araw-araw niyang pagpunta roon na siyang tanging daang nasa pagitan ng kakahuyang kanyang tinitirhan papunta sa bundok na libingan ng kanyang yumaong pamilya. Bagaman walang nagngungutya o nananakit sa bawat pagpasok at paglabas niya, mistulang abandonadang lugar naman ang buong bayan sa tuwing dumaraan siya.
Kaunting oras na lamang bago ang pagkagat ng dilim nang marating ni Elena ang bukana ng kakahuyan sa labas ng bayan. Matapos tahakin ang masukal at nakagagalos na halamanan, narating din niya ang gitna ng kagubatan, kung saan nakatirik ang kanyang kubong tinitirhan.
Pagpasok ng pintuan, agad niyang sinindihan ang maliit na kandila at umupo sa lapag upang makapagpahinga. Ibinaba niya ang belong bumabalot sa kanyang buhok na abot-baywang at sinimulan ang pagdarasal. Dito muling bumalik ang mga mapapait na alaala ng trahedyang sinapit ng kanyang pamilya.
Isang taon at isang buwan na ang nakalipas nang huling makapiling ni Elena ang asawa’t dalawang anak. Nakatira pa sila sa karatig-bayan at namumuhay nang matiwasay sa kanilang maliit na kubo. Tuwing alas-sais ng gabi, inaabangan ng mag-ina mula sa bintana ang pagdating ng asawang ahente sa bukiran, na siyang nagdadala ng pagkain sa kanila. Sapat lamang ang kinikita ng kanyang asawa para mapakain ang pamilya tatlong beses sa isang araw. Walang anumang problemang ikinukuwento sa kanyang pamilya ang laging nakangiting ama tungkol sa kanyang maghapong pagtatrabaho.
Sapat na para kay Elena na makauwi ang asawa nang ligtas mula sa maghapong pagtatrabaho. Para sa kanya, ang asawa’t mga anak ang tanging pinanggagalingan ng kanyang lakas. Kung mawala sila, hihinto na rin sa pag-agos ang kanyang buhay.
Ngunit isang gabi, nang napagpasyahan niyang sorpresahin ang kanyang asawa sa kaarawan nito, iniwan muna ni Elena ang kanyang mga anak sa loob ng bahay at tumungo sa talipapa upang bumili ng mga sangkap sa paggawa ng pansit na paborito ng kanyang kabiyak.
Bitbit ang bayong na naglalaman ng karne at mga gulay pansahog, masaya siyang naglakad pabalik sa kanilang tahanan nang makarinig siya ng dalawang putok ng baril. Dahil sa pagkabigla, napahinto siya nang saglit sa paglalakad. Subalit nang maalalang tanging ang dalawang anak lamang niya ang naiwan sa loob ng kanilang bahay, agad niyang binitiwan ang mga pinamili at tumakbo papunta roon.
Pagbukas ni Elena ng pinto, sumalubong sa kanya ang isang nakalulunos na eksena. Duguan at walang buhay na nakahilagta sa lapag ang dalawa niyang anak. Samantala, humihingal na ibinalita naman ng kanyang kapitbahay na natagpuang patay at lumulutang ang katawan ng kanyang asawa sa ilog sa may labas ng kanilang bayan. Inabot ng kapitbahay ang isang garapon na naglalaman ng kapirasong papel, na natagpuang nakatali sa leeg ng kanyang asawa. Nanginginig niyang binuksan ang garapon at binasa ang nakasulat sa nilukot na papel:
“Sa lahat ng kakalaban sa akin sa trabaho, matutulad kayo sa sinapit ng pamilya ng lalaking ito.” Sunud-sunod na pagpatak lamang ng mga luha mula sa mga mata ang tugon ng nabigla at nalilitong ina sa trahedyang nangyari sa kanyang mag-anak. Walang anumang ideya ang pumapasok sa kanyang isipan kung sino ang sanhi ng karumal-dumal na trahedyang iyon.
Isang linggong pinaglamayan ni Elena ang kanyang pamilya sa loob ng sariling bahay. Suot ang itim na blusa, saya at belo na tanda ng kanyang lubos na pagdadalamhati, pinagpasyahan niyang iwan ang kanyang mga ari-arian sa lumang kubo at manirahan na lamang sa gitna ng kakahuyan sa labas ng bayan bilang tanda ng kanyang habambuhay na pagluluksa.
Mula noon, araw-araw nang tumutungo si Elena sa bundok upang bisitahin at kausapin ang kanyang asawa’t mga anak sa kanilang mga puntod. Hindi na siya nakikipag-usap sa ibang tao at tanging sa kawalan na lamang nakatingin ang kanyang mga mata na tila ba nawala na ang mga emosyon sa kanyang buong pagkatao.
Samantala, maraming mga bata ang inaapoy ng lagnat at nagkakaroon pa ng mga butlig sa kanilang buong katawan. Hindi mawari ng mga manggagamot sa bayang iyon kung ano ang sanhi ng epidemiyang kumakalat. Ngunit para sa karamihan ng taumbayan, isa lamang ang may hatid nito: si Elena, ang “babaeng itim” na itinuturing nilang aswang.
Habang nakahiga si Elena sa papag, nakarinig siya ng nagsisigawang mga boses mula sa malayo. Habang tumatagal, unti-unting lumalakas at lumilinaw ang mga sigaw na nagbabadya ng panganib sa kanyang buhay.
“Hoy! Lumabas ka rito, aswang.”
“Kung hindi ka lalabas, susunugin ka namin kasama ng kubong ito para mawala na ang sumpang hatid mo sa aming bayan.”
Ngunit tahimik lamang si Elena sa kanyang kinahihimlayan. Hindi gumagalaw ni kapiraso ng kanyang buhok sa kabila ng patuloy na pagbabanta ng mga tao sa labas ng kanyang bahay. Nakatulala siya sa kawalan habang unti-unting umiinit ang kanyang paligid dahil sa nasusunog na mga kugon.
Natuon ang kanyang paningin sa kisame ng kanyang bahay. Mula rito, nakita niyang muli ang mga anyo ng kanyang asawa’t mga anak na pilit umaabot sa kanyang mga kamay. Ngiti at pagluha ang isinalubong niya habang inaangat ang sariling mga kamay tungo sa aparisyon. Tahimik siyang nagpapasalamat sa taumbayan bago tuluyang lamunin ng apoy ang kanyang matagal nang nagdurusang katawan at kaluluwa.
Isang linggo ang nakalipas, ibinaon ng isang di-kilalang lalaking may dalang baril ang isang krus sa lupang dating kinatirikan ng nasunog na kubo. Tanging ang mga katagang nakaukit sa nilalamat na kahoy ang nagsilbing tanda ng mapait na dinanas ni Elena, ang “babaeng itim.”
“Babaeng itim”
– Hunyo 15, 1936
Sumpa sa bayan
Lee V. Villanueva