BINIGYAN ng modernong tema ng “Santa Santita” (Unitel Production, Inc.) ang biblikal na karakter ni Magdalena—itinuturing na makasalanan, tinaguriang “babaeng mababa ang lipad”, na sa huli’y nagbago’t naging santo. Itinatampok sa pelikulang ito sina Angelica Panganiban, Jericho Rosales, Hilda Koronel, at iba pa.

Mula sa direksyon ni Laurice Guillen na hango sa pinanalunang screenplay ni Jerry Gracio sa Film Foundation of the Philippines Scriptwriting Competition, kakikitaan ng maraming aspetong Filipino ang pelikula. Mula sa paggamit ng Quiapo bilang setting, ipinakita nito ang patriyarkal na kultura ng mga Filipino at ang debosyon sa Nazareno.

Uminog ang kuwento sa buhay ni Malen (Panganiban), nag-iisang anak ni Chayong (Koronel), isang taga-dasal sa simbahan ng Quiapo. Sa kasutilan at hindi pagsunod sa magulang, nahumaling si Malen kay Mike (Rosales), isang simpatiko at tourist driver.

Dahil sa pagsisinungaling ni Malen, nagawang saktan ni Chayong ang anak hanggang sa maglayas ito at pumunta kay Mike. Sa huli, hindi nakayanan ni Chayong ang pangungulila sa anak. Bumalik si Malen, at siya na ang nagpatuloy ng debosyon ng ina.

Sa kalaunan, parami nang parami ang pumipila kay Malen dahil nagkakatotoo ang kanyang mga dasal.

Kapangyarihan ng himala

Pamilya, simbahan, at lipunan ang mga tema ng “Santa Santita.”

Bukod sa kultura at tradisyong Filipino na ipinakita sa pelikula mula sa “panata” ng angkan, binigyang-halaga nito ang pagsunod sa pamilya bilang mahalagang kapit ng mga Filipino. Umiikot ang pelikula sa mag-inang Chayong at Malen, at kay Mike at kanyang anak. Ipinagana nito ng likhang sining ang mga relasyon ng dalawa bilang mahalagang sangkap sa pagtutulungan, pagkakaisa, at kapayapaan.

READ
Free Hepa B screening

Epektibo ring naisalaysay ang mga isyu patungkol sa Simbahan, na hindi lamang organisasyon ng mga banal pati na rin ang patuloy na pakikipaglaban ng mga alagad nito sa pansariling kahinaan.

Naging sentro rin ng obra ang pananampalatayang Katoliko—ang masidhi at taimtim na debosyon sa Diyos at maging pagpapasa-Diyos sa kapalaran.

Naroon din ang mga isyung bumabalot sa lipunan, tulad ng karahasan, kahirapan, at kamunduhan. Naging daan ito upang makita ng manonood ang bawat maling galaw at kilos ng mga tao.

Sa teknikal na aspeto naman, masasabing may narating ang pelikulang Filipino sa paggamit nito ng “High Definition camera”. Samantala, matagumpay na napaigting ng cinematography ang ilang mahahalagang simbolismo tulad ng pagniniig ng katawan nina Malen at Mike na nakita ang galaw ng ahas na tattoo ng lalaki na nagpapakita ng pagkahulog sa kasalanan ng tao.

Maganda ang pagdadala ng mga artista sa pelikula. Napatunayan ni Koronel na kaya pa rin niyang maging bahagi ng de-kalibreng pelikulang Filipino.

Kahit naroon pa rin ang tatak at pagkakakilala kay Panganiban bilang batang aktres, naipakita at naipadama ang karakter niyang “santa santita”. Kahit baguhan sa mga pelikulang may malalim na tema, nagawa niyang maramdaman ang karakter ni Magdalena at tuluyang makamit ang nakakainis na karakter, kaawaan sa panahong mahina siya, at hangaan nang magbago siya’t maging tuluyang “santo” sa paningin ng tao.

Hindi maikukubling maililinya ang pelikula sa “Himala” ni Ishmael Bernal. Bagaman mayroong magkatulad na tema, nagparamdam naman ng ibang hagod ang “Santa Santita” sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang metapora.

Sa “Santa Santita”, malaking kaibahan ang Quiapo, na maituturing na lugar na sibilisado at magulo kumpara sa tahimik na lugar ng Cupang sa “Himala”. Ipinapakita nito ang “hakbang ng panahon” na masasabing moderno at sanhi ng mga suliranin ng materyalistikong lipunan.

READ
Vatican stays in U.N.

Ginamit ding instrumento ni Guillen ang kabataan (Malen) na punong-puno ng pangarap, ngunit dahil sa maling gawain, nauuwi lamang sa kapahamakan.

Si Elsa man noon o si Malen ngayon, iisa lamang ang ipinahihiwatig ng dalawa—tanda sila na lahat ng tao, mabuti man o masama.

Uhaw pa rin ang mga Filipino sa mga himala na magpapabago sa kanila sapagkat nananatiling bulag ang kanilang mga mata sa mga pagpapala ng Panginoon at patuloy na yumayakap sa ahas ng kasakiman at kasamaan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.