PERPEKTO na sana ang lahat. Mapalad ako sa pagkakaroon ng mapag-arugang ina at maunawaing ama. Binibigay nila lahat ng aking naisin—laruan, pagkain, at damit at kung anu-ano pa. Mga kapatid na lang ang tangi kong maihihiling pa upang makumpleto ang masaya naming pamilya. Nag-iisa kasi akong anak nina Tatay Lino at Nanay Blanca. Nasa akin na yata ang lahat ng mahihiling ng isang bata noong mga panahong iyon. Hanggang isang araw, nagbago ang lahat.

Labinlimang taong gulang ako nang mangyari ang isang aksidenteng nag-iba sa direksyon ng aking buhay. Hinding-hindi ko malilimutan ang gabing papauwi kami sa Quezon mula sa pagbabakasyon namin sa Baguio. Ito kasi ang naging kahilingan ko nang tanungin ako ni tatay kung ano ang gusto kong regalo sa aking pagtatapos sa mataas na paaralan bilang unang karangalang banggit. Nauwi sa isang trahedya ang sana’y masaya naming pagdiriwang nang mawalan ng preno ang kasalubong naming trak at sumalpok sa aming sinasakyan. Nawasak ang aming kotse at malubha kaming nasugatan.

Nagising akong kumikirot ang buo kong katawan at ‘di maidilat ang aking mga mata. Kinabahan at natakot ako nang makapa at maramdaman kong may benda palang nakapalibot sa mga ito.

“Ikaw ba si Felipe?” isang tinig ng babae ang aking narinig.

“Opo. Nasaan ako? Nasaan ang aking mga magulang at bakit may benda sa aking mga mata?”

“Nasa ospital ka ngayon. Maya-maya lamang, tatanggalin ko na ang benda at kakausapin ka ng doktor,” tugon ng tinig na sa tingin ko ay mula sa nars.

Unti-unti niyang tinanggal ang benda at marahan ko namang iminulat ang aking mga mata. Nagulat na lamang ako sa aking nakita—pawang kadiliman.

“Bakit wala akong makita?” nangangamba kong itinanong.

“Ako si Doktor Solomon, ang sumusuri sa iyong kalagayan. Napinsala ang optic nerves mo, iho. Ginawa namin ang lahat ng aming makakaya upang manumbalik ang iyong paningin. Ngunit ikinalulungkot kong sabihin na hindi naging matagumpay ang operasyon. Hindi ka na makakakita pa. Narito ang tiya mo at may mahalaga siyang sasabihin sa’yo,” malalim ang boses ng doktor.

READ
Huwarang eskriba ng batas

“Ipe, wala na sina Mama’t Papa mo. Kinuha na sila ng Diyos,” ang humahagulgol na boses ni Tiya.

Bigla na lang napuno ng luha ang ‘di ko makakitang mga mata. Unti-unting bumuhos ang naipong mga luha at umiyak ako nang walang patid na parang isang paslit. Hindi ko lubos maisip na wala na sina Tatay at Nanay sa aking piling. Tatlo na nga lang kami sa pamilya ngunit iniwan pa nila akong nag-iisa.

Mula noon, nagbago na ang takbo ng aking buhay. Nabubuhay ako sa kadiliman. Lagi na lang akong umaasa sa ibang tao at hindi na makatayo sa sarili kong mga paa.

Kinupkop ako ng nag-iisang kapatid ni nanay na si Tiya Betty. Ilang araw rin akong balisa mula nang maganap ang bangungot na sanhi ng sinapit naming trahedya. Hindi ko alam kung paano ko pa maipagpapatuloy ang aking pag-aaral sa kalagayan kong ito. Malamang, hindi ko na matutupad ang aking pangarap na maging isang guro gaya nina Tatay at Nanay.

Hindi rin nagtagal ang pananatili ko kina Tiya dahil walang magbabantay at mag-aalaga sa akin kapag laging wala siya sa bahay upang magtrabaho. Dahil dito, Napagkasunduan naming dalawa na mananatili ako sa Tahanan ng mga Bulag, isang institusyon na nag-aaruga sa ‘di makakitang tulad ko at nagtuturo ng mga kasanayang akma para sa isang bulag.

“Bago ka lang ba rito, iho?” ang tanong ng isang babae sa unang araw ko sa tahanan.

Dito ko nakilala si Ms. Theressa Mojica, o Nanay Tere, 59 taong gulang na aakalain mong nasa 40 anyos lamang dahil sa kanyang malambing na boses. Isa siyang guro sa pilosopiya sa isang pamantasan ngunit dito sa Tahanan ng mga Bulag, isa siyang volunteer worker, kaibigan at ina.

READ
GMA honors 'Bibot' Amador

“Iho, alam ko ang iniisip mo ngayon. Hindi pa katapusan ng mundo. Paningin mo lamang ang nawala sa iyo at hindi ang buo mong pagkatao. Mapalad tayo dahil narito tayo at humihinga. May dapat ka pang gampanan dito sa mundo,” aniya.

Tinuruan nila akong bumasa at sumulat sa pamamagitan ng braille. Marami akong natutunan at nagamit ko nang husto ang aking apat na pandama. Hindi naging madali ang proseso dahil tila nagsisimula akong matuto mula sa pinakauna. Ngunit ang pagsasakripisyo at pag-aarugang iniaaalay sa akin ng mga tao sa Tahanan, kabilang si Nanay Tere na nagsilbing ikalawa kong magulang, ang siyang nag-udyok sa akin upang harapin ang katotohanan at lumaban. Sila ang naging inspirasyon ko upang magsumikap akong makapag-aral sa labas kahit gaano man ito kahirap. Tama si Nanay Tere. Bulag nga ako pero hindi pa ito ang katapusan ng mga pagkakataon. Isang bahagi lang ng aking pagkatao ang nawala sa akin at hindi ang kabuuan nito. Nariyan ang mga tao sa Tahanan upang gumabay sa akin. Batid kong may tungkulin ako sa mundong ibabaw. Hindi ko pa alam sa ngayon kung ano ito, ngunit malalaman ko rin sa takdang panahon.

Isang taon din ang lumipas bago ako tuluyang nakapasok sa pamantasan kung saan nagtuturo si Nanay Tere. Matutupad na ang pangarap kong maging isang guro. Mayroon silang programa at mga kagamitan tulad ng braille embosers para sa mga bulag na tulad ko. Isang malaking tulong ito para sa amin. Dinadaanan ako ni Nanay Tere sa tahanan at sabay kaming pumapasok. Inihahatid naman niya ko papauwi.

Nahirapan akong makipagsabayan sa aking mga kamag-aral dahil nakakakita silang lahat. Kung gaano kahirap noon na nagsisimula pa lamang akong bumangon, higit ko pa pinipilit ngayong manatiling nakatayo. Buti na lamang at nariyan ang aking mga guro na lubos na umiintindi at tumutulong sa aking pag-aaral, gayundin si Nanay Tere na nagsisilbing tutor ko.

READ
'V' staffer lands second in national essay contest

Sa loob ng apat na taon, nagbunga nang maganda at masagana ang aking pagsusunog ng kilay, ang bawat pagtitiis at pagluha ng bulag kong mga mata. Magtatapos ako na cum laude at magiging isang guro pagkakuha ko ng licensure exams.

“ Magandang araw po sa bawat magulang at sa lahat ng magsisipagtapos. Ngayong araw na ito, nasa harapan ako niyong lahat at nagbibigay ng mensahe hindi bilang cum laude kundi bilang isang mapalad na mag-aaral—isang bulag na nakapagtapos sa kolehiyo. Alam ko na ngayon ang dahilan kung bakit binuhay pa ako ng Diyos—upang magbigay-inspirasyon sa kapwa ko bulag at may kapansanan. Ang buong akala ko ay tanging kadiliman na lamang ang makikita ko habambuhay, ngunit higit pa sa kulay na nakikita ng inyong mga mata ang natunghayan ko sa mga taong walang sawang nag-aruga at nagturo sa akin. Kaya naman nais kong pasalamatan, una sa lahat, ang aking mga magulang sa lubos at wagas na pagmamahal na inialay nila sa akin noong nabubuhay pa sila. Ang ikalawa ay si Ms. Mojica o Nanay Tere ng Tahanan ng mga Bulag para sa walang sawang pagtulong niya sa akin. ‘Nay, maraming salamat po. Sa aking mga guro na umintindi sa aking kalagayan at nagturo nang walang kapaguran at sa aming mga kaibigan na handang tumulong anumang oras, maraming salamat din sa inyo! Nais kong maging isang guro at volunteer sa Tahanan ng mga Bulag tulad ng aking mga magulang at ni Nanay Tere. Higit sa lahat, nais kong turuan ang mga batang may kapansanan. Ako po si Felipe Bantayog, na nagsasabing tunay na makulay ang ating mundo. Maraming salamat po.“ Richard U. Lim

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.