MALAON nang bahagi ng Pelikulang Filipino ang relihiyon upang ipakita ang mga isyung panlipunang patuloy na bumabagabag sa bansa. Bilang natatanging bagay na nagbubuklod sa mga Filipino, naging instrumento ang mga pelikulang ito upang gisingin ang kamalayan ng mga tao sa tunay na mukha ng lipunan.
1981 “Salome” (Laurice Guillen, Bancom Audio Vision Production)
Pagpatay bilang krimen ang naging sentro ng pelikula kung saan pinaghihinalaan si Salome (hango sa karakter sa bibliya na humingi ng ulo ni Juan Bautista). Ipinakita rin dito ang kasakiman bilang ugat ng mga suliraning panlipunan. Nag-iwan din ito ng mga katanungan ukol sa kasalanan at parusa.
1982 “Cain at Abel” (Lino Brocka, Cine Suerte)
Isang modernong pagsasalarawan ng buhay ng mga biblikal na karakter nina Cain at Abel. Sentro ng pelikula ang pamilya bilang isang mahalagang pundasyon ng lipunan. Ginamit ding instrumento ang obra upang puksain ang konsepto ng “inggit.”
1984 “Sister Stella L.” (Mike de Leon, Regal Films)
Isinapelikula ang pakikipaglaban ng madreng si Coni Ledesma (Vilma Santos) para sa karapatan ng mga manggagawa. Ipinakita rin dito ang pagharap ni Carmen (Laurice Guillen) sa abortion na isa na sa mga isyung panlipunan simula pa noon.
1984 “Himala” (Ishmael Bernal, Regal Films)
Isa ito sa mga pinakapremyadong pelikula sa bansa. Umiinog ang kuwento sa patuloy na paghahanap ng tao sa pundasyon ng kanyang pananampalataya. Pinagbibidahan ito ni Elsa (Nora Aunor), isang dalagang nakakikita raw at nakakausap ang Mahal na Birhen.
1986 “Ano ang Kulay ng Mukha ng Diyos” (Lino Brocka, Lea Productions)
Isa itong pelikulang may temang ispiritwal at lipunan ni Brocka. Maliban sa pagbibigay-pansin sa mga tradisyong Filipino tuwing Mahal na Araw, ipinakita rin ng pelikula kung paano mas pinahahalagahan ng Filipino ang relasyon sa mga sinasambang rebulto kaysa mga kapamilya’t mahal sa buhay.
1998 “Ama Namin” (Ben G. Yalung, Viva Films)
Nasubukan kung gaano katatag ang pananampalataya ng paring ginampanan ni Christopher De Leon nang mapatay ng mga military ang kanyang pamilyang inakalang mga miyembro ng komunista. Kuwento ito ng paghahanap ng katarungan para sa kanyang pamilya at para sa lipunan.
2002 “Tanging Yaman” (Laurice Guillen, Star Cinema)
Ipinakita ang kahalagahan ng pamilya bilang larawan ng simbahan, at pinagmumulan ng pagmamahalan at pagkakaisa sa isang lipunan.
2003 “Ang Huling Birhen Sa Lupa” (Joel C. Lamangan, Neo Films)
Isang kuwento tungkol sa aparisyon, milagro at ang pag-iisip hinggil sa mga ito ng mga tao. Umiinog ang pelikula ni Lamangan sa epekto ng kasalanan ng tao sa lipunan mula sa korupsyon at prostitusyon. Deni Rose M. Afinidad at Rupert Roniel T. Laxamana III