OKTUBRE na naman, buwan ng rosaryo, daragsa sa dambana ng Manaoag ang maraming deboto mula sa pag-asang diringgin ng Mahal na Birhen ang kani-kanilang mga panata. Bagaman higit pa rito ang dami ng tao tuwing Semana Santa, tila mas mabilis pang matutupad ang iyong kahilingan sa Birheng Maria kaysa umandar ang mga sasakyang usad-pagong sa masikip na kalsada ng Urdaneta.

Abala naman ang 16 taong gulang na si Milagros sa pamimili ng sangkap sa kakanin na kaniyang ilalako sa tapat ng dambana. Dinoble niya ang bilang ng mga kakaning gagawin. Dapat niyang samantalahin ang pagkakataong ito para kumita nang malaki.

Natutunan ni Milagros ang paggawa ng kakanin mula pa sa kaniyang lola na siyang nag-aruga sa kanilang magkapatid na si Lorenzo matapos masawi ang kanilang mga magulang sa isang aksidente. Nakatatak pa rin sa alaala ni Milagros kung papaanong itinuro ng kaniyang Lola “Bae” Binay ang mga sikreto sa paggawa ng malapot at maitim na latik, malambot na ibabaw ng bibingka, malinamnam na kutsinta, at malutong na tupig na gustong-gusto ng mga turista.

Sariwa rin sa kaniyang alaala ang kuwento ng kaniyang lola bago ito tuluyang pumanaw kung bakit tinawag na “Manaoag” ang kanilang bayan.

“Noong unang panahon, sinasabing nagpakita sa isang magsasaka ang Inang Birhen na may kakaibang liwanag mula sa kalangitan, at nagwika na nais niya ng isang simbahan sa ating bayan,” aniya. “Kaya naman nakilala ang ating lugar bilang bayan kung saan nanawagan ang Birhen at nang lumaon tinawag na ‘Manaoag’, nangangahulugang tumatawag sa Español.”

“Tinatawag tayong lahat ng Mahal na Birhen na sundin ang kaniyang kagustuhan,” “Apo, nakatakda na ang aking oras, tinatawag na ako ng Birheng Maria na sumama sa kaniya. Ikaw na ang bahala sa iyong kapatid.” Kasabay ng huling salita ni Bae Binay ang kanyang huling hininga.

READ
Med opposes Malpractice bill

Dalawang taon na rin ang nakararaan matapos pumanaw ang kaniyang mahal na bae.

Si Lorenzo, sampung taong gulang na may cerebral palsy, ang tanging kasama ngayon ni Milagros. Hirap magsalita at kumilos ng matino si Lorenzo at naging tampulan na ng tukso bilang baliw, may sayad, at sira ang ulo. Nasaksihan ni Milagros ang lahat ng pangungutyang ito kaya nga’t madalas niyang itanong sa Diyos kung bakit sa dami ng maaaring magkaroon ng ganitong karamdaman, ang kapatid pa niya na walang kinagisnang magulang at mahirap lamang ang minalas.

Sa kabila ng hirap na kalagayan ng kapatid, hindi siya naging pabigat kay Milagros na tila nakikisimpatya pa sa gipit nilang kalagayan. Sa kaniyang pag-aaruga, pagkalinga at pagmamahal, napuno ni Milagros ang mga pagkukulang ng magulang sa kapatid.

Dahil sa pagnanais ni Milagros na gumaling ang kaniyang kapatid, sumasama siya sa libo-libong mga deboto ng Birhen ng Manaoag. Ngunit sa loob ng apat na taon niyang pagnonobena—tatlong beses sa loob ng isang taon tuwing Semana Santa, panahon ng Pasko at sa buwan ng Oktubre—at araw-araw na pagdarasal, unti-unti nang nawawalan ng pag-asa si Milagros. Tila hindi pa rin dinirinig ng Diyos ang kaniyang tanging panalangin, isang himala na lubos niyang pinakaaasam-asam—ang paggaling ni Lorenzo.

Ayaw naman isipin ni Milagros na sumusuko na siya. Sinanay siya ng kaniyang Bae Binay na magkaroon ng matibay na pananampalataya. Sa kaniya natutunan ni Milagros ang pagdarasal ng rosaryo at pagnonobena sa panahon ng matinding pangangailangan. Malaki ang naging impluwensiya ng kaniyang bae sa pananalig, ngunit may halo pa rin itong pagdududa dahil sa isang kahig, isang tuka nilang pamumuhay.

READ
Diversions

Ika-siyam at huling araw na ng pagnonobena. Palubog na ang araw at tapos na si Milagros sa pagdarasal. Kakaunti na lamang ang mga tao at umuwi na ang mga deboto. Ibinulsa niya ang dalawang natitirang bibingka para ibigay sa kapitbahay na pinag-iwanan kay Lorenzo. Binitbit ni Milagros ang bilao, nang isang babaeng maaliwalas ang mukha ang lumapit sa kaniya nang papatayo na siya.

“Mayroon ka pa bang natitirang paninda?” ika ng ale.

“Wala na po akong maibebenta sa inyo madre, pero tanggapin niyo po ito.” Inilabas ni Maria ang isang bibingka mula sa malaking bulsa ng kanyang palda.

“Maraming salamat iha. Deboto ka ba rito?” pag-uusisa ng babae. “Ano bang ipinagdarasal mo?” tanong niya.

Natahimik si Milagros. Hindi niya alam kung dapat ba niyang sabihin ang kaniyang mga panalangin. Nagkaroon ng hamog sa loob ng simbahan at nagulat siya sa isang maganda at malumanay na tinig mula sa babaeng kausap niya lamang kanina, kasabay nito ang unti-unting paglaho ng misteryosong babae.

“Maraming dumarayo at lumilisan sa aking tahanan. Maraming deboto ang nagnanais ng himala at nagiging tapat sa kanilang pananampalataya.”

“Ang iyong kapatid na si Lorenzo, hindi pa ba isang milagro na hindi na siya inaatake at sinusumpong ng sakit sa loob ng mahabang panahon? Na nananatili siyang malakas sa kahit na wala siyang gamot? Hindi nga ba isang katuparan ng kahilingan ang kaniyang pagkakasilang? Hindi ba isang himala ang araw-araw niyang paggising at paghinga? Hindi ba’t isang himala ang pagmamahal na tinataglay mo sa kaniya? Na ikaw mismo ay biyaya niyang tinuturing? Hindi pa nga ba isang milagro ang mabuhay siya sa loob ng sampung taon sa kaniyang kalagayan?”

READ
Ex-budget secretary: 'What pork abolition?'

“Mayroon kang dalisay na puso at malinis ang iyong intensyon. Sa loob ng siyam na araw, makakamtan mo ang tunay na inaasam ng iyong puso.”

Naglaro sa tainga ni Milagros ang huling linya nang makailang ulit at tumulo ang luha sa kaniyang mga mata. R. U. Lim

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.