UNTI-UNTI nang nanunumbalik ang pag-unlad ng pelikulang Pilipino dahil sa pagsibol ng mura at makabagong teknolohiya tulad ng mga cable TV, internet at digital camera.

Ipinahayag ito ni Edward Cabagnot, isang independent filmmaker, sa ika-16 na “USTingan” talakayang pampanitikan na pinamagatang “Paano ba Talagang Magsulat ng Pelikula?” Ginanap ito noong Agosto 2 sa audio-visual room ng St. Raymund’s Bldg. sa pakikipagtulungan ng UST Center for Creative Writing and Studies.

Matatandaan na sa pagpasok ng bagong dantaon, maraming mga kritiko ang nangambang unti-unti nang namamatay ang industriya ng pelikulang Pilipino dahil hindi na gumawa pa ng pelikula ang mga producer na tinatangkilik ng manonood. Pagsapit ng 2004, bumagsak sa 50 hanggang 60 pelikula mula sa dating 150 hanggang 200 ang mga pelikulang ginagawa sa bansa bawat taon.

Ani Cabagnot, nakalulungkot itong isipin sapagkat isa ang Pilipinas sa mga naunang gumawa ng pelikula sa Asya noong 1913, at naging isa rin sa pinakamaraming gumagawa nito sa buong mundo mula 1930 hanggang 1950.

Sa huling dekada rin ng mga taong ito nagsimulang makilala ang pelikulang Pilipino sa labas ng bansa dahil sa naiambag ng mga Pambansang Alagad ng Sining na sina Gerardo de Leon, isang Tomasinong direktor, Lamberto Arellano, at Eddie Romero, kasama na sina Manuel Conde, Manuel Silos, at iba pa.

“Ipinakita nila hindi lamang ang husay ng Pilipino sa paglikha ng sining ngunit maging ang kamangha-manghang kulturang ating tinataglay,” ani Cabagnot.

Aniya, muling tinangkilik ng mga manonood ang pelikulang Pilipino nang sumapit ang kalagitnaan ng dekada ‘70 dahil sa obra maestra ng mga batikang direktor na sina Lino Brocka at Ismael Bernal, kung saan tinagurian itong ikalawang bugso ng pelikulang Pilipino,

READ
Alumni Park, binulabog ng usok

Ngayon, sumibol ang Cinemalaya na naghahandog ng indie simula ng maitatag ito noog 2005 sa pakikipagtulungan ng Cultural Center of the Philippines (CCP), Film Development Company, UP Film Center at Philippine Multimedia Corporation.

Bilang isa sa mga nagtatag na miyembro ng CCP-Cinemalaya Philippine Independent Film Maker’s Festival, natupad ang mga pangarap ni Cabagnot nang magkaroon ng isang independent filmmakers’ festival ang bansa kung saan malayang nakagagawa ng pelikula ang bawat isa—malaya mula sa malaking pondong kakailanganin para sa produksyon, sa komersyalismo, at sa pagkukuwento ng kanilang istorya nang hindi alintana ang maaaring itugon ng mga manonood, ayon kay Cabagnot.

Sa kabilang banda, pinaalalahanan din ni Cabagnot ang mga gumagawa ng pelikula na “alamin ang kanilang mundong ginagalawan” upang matukoy ang nararamdaman nila rito at maikuwento ito sa paraang biswal.

“Sa lahat ng uri ng sining, ang pelikula ang higit na nangangailangan ng koordinasyon ng iba’t ibang uri ng kasanayan mula sa iba’t ibang klase ng sining tulad ng performing, visual, musical, literary at iba pa,” aniya. Umaasa si Cabagnot na mula sa maliit, tuluyan nang mabubuhay muli ang pinilakang tabing. R.U. L.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.