GAANO na ba kalayo ang narating ng kababaihang Pilipino?

Bago pa man dumating ang mga dayuhang mananakop, malaki na ang ginampanan ng kababaihan sa kasaysayan ng bansa mula sa pagiging babaylan, na siyang pinuno ng isang barangay, hanggang sa kasalukuyang babaeng pangulo.

At sa pagdiriwang ngayong buwan ng Araw ng Kalayaan, ipinagdiriwang din ang sentenaryo ng Women’s Movement in the Philippines upang magbigay-pugay sa kontribusyon ng kababaihan sa kaunlaran ng bansa.

Ang mga kababaihan noon at ngayon, ang mga anak ng Inang Bayan na patuloy sa pagpapahiwatig ng kanilang karapatan at angking kagalingan bilang mga tunay na Pilipino.

Bagaman humina ang pagpansin sa karapatang pambabae nang dumating ang mga dayuhan, lalung-lalo na ang mga Kastila dahilan na rin sa impluwensya ng relihiyong Katoliko at pamahalaang Español sa Pilipinas, na pinamunuan ng pawang mga kalalakihan, hindi pa rin naisantabi ang karapatan ng mga babae sa lipunan. Ilan sa pinakamahahalagang bahagi nito na tumatak sa ating kasaysayan ang mga sumusunod:

· 1591 – Unang nagkaroon ng paaralan sa Pilipinas para sa mga babaeng Español na nag-aaral dito, ang Colegio de Santa Pontenciana at Colegio de Santa Isabel. Nang lumaon, binuksan na rin ang mga paaralang ito sa kababaihang Pilipino;

· Ika-17 siglo – Inilunsad ng dalawang Filipina ang Religious of the Virgin Mary (RVM Sisters) at ang Beaterio de San Sebastian de Calumpang of the Orden Terciarias de Recoletos na naglayong magturo ng kultura at kagandahang-asal ng Español sa kababaihang Pilipino; itinayo ni Mother Francisca del Espiritu Santo ang Beaterio de Santa Catalina de Sena na mas kilala ngayon sa tawag na Congregation of Dominican Sisters of St. Catherine de Siena.

READ
UST opens amid flu fears

· 1892 – Nang mabuo ang Katipunan, nagkaroon ng malaking bahagi ang asawa, ina, anak at kapatid na babae ng mga katipunero sa pagsulong para sa kalayaan ng Pilipinas. Hindi man nakipaglaban ang karamihan sa kanila, sapat na ang pagtulong na ginawa nila para sa kapwa nila Pilipino;

· 1898 – Unang nagmulat tungo sa pagpapaunlad ng kababaihang Pilipino nang maitayo ang Suffragist Movement upang isulong ang karapatan ng mga babae na bumoto;

· 1905 – Kaalinsunod ng Suffragist Movement ang pag-usbong ng mga organisasyon na nagsusulong sa kababaihan tulad ng Asociacion Feminista Filipina na itinayo ni Concepcion Felix de Calderon, National Federation of Women’s Club na itinaguyod nina Rosa Sevilla de Alvero, at Trinidad Almeda, Liga Femenina de la Paz na inilunsad ni Constancia Poblete, at Girl Scouts of the Philippines na pinamunuan ni Josefa Llanes-Escoda;

· 1937 – Sa pamahalaan ng Pangulo ng Commonwealth Manuel Quezon unang naisakatuparan ang layuning bigyan ng karapatang bumoto ang mga kakababaihan;

· 1986 – Nagkaroon ng unang babaeng Presidente ang Republika ng Pilipinas kay Corazon Aquino, matapos ang mahigit 20 taong pamumuno ni Presidente Ferdinand Marcos;

· 2001 – Umupo si Pangalawang-Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo bilang Pangulo matapos magbitiw si Presidente Joseph Estrada.

Patunay lamang ang mga akda ng kasaysayan na hindi nanahimik ang mga kababaihan. Ilan lamang ang mga ito sa kagalingang ipinamalas ng mga kababaihan sa Pilipinas. Itinaguyod nila ang karapatan ng mga kababaihan sa iba’t-ibang paraan. Kabilang sa mga ito ang mga Tomasinong babae na naghangad ng pagbabago sa sistemang patriyarkal ng lipunan. M.E.V. Gonda at ulat mula sa www.kababaihan.org, www.geocities.com/siena_qc/mof.htm, History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo

READ
Corrections

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.