RUMURUPOK ang moog ng kagitingang
Nasa puso namin, sa paulit-ulit na pagdagundong ng kaba.
Mga bomba silang walang humpay sa pagsabog
Upang gibain ang aming katatagan,
Habang humahakbang ang pulutong
Sa masukal na gubat. Hindi namin alam
Kung saang sulok nakaabang ang kaaway.
Tila ahas silang nagkukubli sa batuhan,
Naghihintay, upang tuklawin ang aming wakas.
Subalit hindi kami dapat matakot.
Hindi. Sapagkat kailangan naming
Sumunod sa alintuntunin ng hukbo:
Isinugo kayo upang ipagtanggol ang bayan
Mula sa kaniyang mga kalaban,
At walang hihigit pa sa kamatayang
Inalay para sa lupang sinilangan.
At wala kaming magagawa kung hindi tanggapin ito
Bilang isang banal at ‘di mapapasubaliang panata.
(Na aming inako noong ‘di pa kami aral
Sa katotohanan ng digmaan.)
Kailangang patibayin pa namin ang moog ng kagitingan,
Habang patuloy kaming humahakbang sa kagubatan,
Patungo sa tila walang-hanggang labanan.