NAGHIHINGALO na ang payong ko. Isang ihip na lang ng hangin siguradong masisira na ito. Buti na lang mahina pa ang ulan. Pwede pang makisukob si Rhea. Makakauwi pa kami nang hindi nababasa.

Magkaklase at magkapit-bahay kami ni Rhea. Masaya siyang kasama. Hindi siya nauubusan ng kwento at mahilig din siyang magpatawa. Nakakatuwa ang mga jokes niya gayundin ang kakaibang ekspresyon ng kanyang mukha habang sinasabi niya ang mga ito. Pero, hindi siya nakakatuwa sa lahat ng oras.

Hiniram na naman ni Rhea ang mga notes ko sa College Algebra pati na rin ang libro ko sa Philippine History. Lagi niya itong ginagawa. Ipapa-photocopy niya raw ang mga iyon sa Asturias. Sandali lang naman daw siya pero heto at nangangawit na ang mga binti ko. Lagi siyang ganyan. Wala siyang patawad. Kahit na nasa loob kami ng eskwelahan at nagkaklase, ako pa rin ang inaasahan niya. Kagaya kanina.

Subject: HST 101

Rm. 113, 3:00-4:00 p.m

Simula ng klase. Parang palengke ang silid sa lakas at sabay-sabay na pagsasalita ng mga taong aking nadatnan.

Inilapag ko sa sahig ang aking bag at saka umupo. Binuklat ko ang libro ko at saka nagsimulang mag-aral para sa pagsusulit namin sa Math. Maya-maya pa, lumapit sa’kin si Rhea. Matamis ang kanyang ngiti. Tila may maitim na binabalak.

“Uy, sali naman ako sa iyo. Naiwan ko kasi ‘yung libro ko sa bahay. Nakatulugan ko ang pag-rereview eh.”

Kahit hindi ko gustong gawin, inilapag ko ang libro sa mesa para mabasa niya rin ito. Tahimik akong nag-aral habang bubulung-bulong naman siya sa kanyang pagbasa. Hindi nagtagal, dumating ang propesor at bumalik si Rhea sa kanyang upuan. Tahimik na ulit ang mundo ko, sinabi ko sa’king sarili.

READ
Setting new fronteers in abstraction

Ngunit nang mag-umpisa nang magtalakay ang propesor, nakatanggap ako ng isang nakatuping papel.

“Pwedeng pahiram ng libro. Hindi naman ako mahahalata ni Ma’am na nagbabasa dito sa likod. –Rhea.”

Subject: THY

Rm 113, 4:00-5:00 p.m.

Nakatayo halos ang lahat at dala-dala ang kanilang mga gamit. Alphabetical order kasi ang seating arrangement sa Theology. Magkatabi kami ni Rhea.

Inilagay lang ni Rhea ang kanyang bag sa silya. Imbes na maupo, pumunta siya sa likod na bahagi ng silid at nakipagkwentuhan sa mga kaklase naming babae. Naririnig kong pinag-uusapan nila ang mga mabababa nilang marka sa pagsusulit kanina.

“Nakakainis! Hindi kasi ako gaanong nakapag-review kagabi, nahirapan tuloy ako kanina. Hinulaan ko na nga lang yung ibang sagot. Ang hirap kasi hanapin ang value ng ‘x’ ,” paghihimutok ni Rhea.

Sumabad naman ang isa sa kanyang mga kausap, “Buti ka nga nakapag-review, ako hindi talaga. Tinamad na kasi ako.”

Naputol ang kanilang pag-uusap sa pagbukas ng pintuan. Pumasok ang propesor at tumayo ang lahat para bumati.

Subject: LIT 101

Rm. 113, 5:00-6:00 p.m.

Nakakabingi ang katahimikan sa loob ng silid. Umupo ang propesor at inilabas ang kanyang seat plan. Pagkatapos tignan kung mayroong mga bakanteng upuan, tinawag niya ang isa naming kaklase. Recitation na naman.

Tila tumaas ang temperatura ng air-con. Halos lahat ng aking mga kaklase ay nakayuko at umiiwas sa tingin ni Ma’am.

Pagkatapos ng ilang tanong, si Rhea naman ang tinawag. Binato siya ng isang madaling tanong. Binasag ng bulung-bulungan ang katahimikan ng silid. Maraming nakakaalam ng sagot, pero nanatilling walang kibo si Rhea.

READ
Ex-president of ABSC discloses sanctions over lost funds

Pinatahimik ni Ma’am ang klase. Sapagkat nakalingat ang propesor, nakahanap ng pagkakataon si Rhea para humingi ng saklolo. Gaya ng aking inaasahan, ako ang kanyang kinalabit.

Muntik nang tumaas ang kilay ko nang mapatingin ako sa kanya. Nag-alangan ako nang kaunti kung tutulungan ko ba siya o hindi. Bago ko pa nasabi sa kanya ang sagot, nakita na kami ni Ma’am. Dahil doon, pinatayo niya ako para sagutin ang kanyang tanong. Buti na lang at nakapag-aral ako kaya nasagot ko ito.

Ang lakas na ng hampas ng hangin sa’king mukha. Naku, delikado kung magtatagal pa ako dito. Nasaan na kaya si Rhea? Hindi talaga maaasahan ang babaeng yun. Sabi niya sandali lang siya. Mauna na kaya akong umuwi. Lagot! Dala niya nga pala ang libro at notes ko. Baka mabasa ang mga ‘yun. Mabuti pang sunduin ko na siya.

Binabalak yata talagang sirain ng hangin ang payong ko. Ayan, bumigay na! Kailangan ko nang humanap ng masisilungan. Patay! Wala yatang dalang payong si Rhea. Uuwi kaming basam-basa pag nagkataon. Lumalakas na pa naman ang ulan.

Mabuti na lang nakasilong na ako. Habang umiiwas mabasa, iniisa-isa ko ang bawat puwesto sa pag-asang nandun si Rhea. Kapag nakita ko ang babaeng yun, humanda siya sa’kin!

Teka, may tumatawag sa’kin… Pamilyar ang boses pero wala naman akong kakilala dito. Nanggagaling yata ang boses sa babaeng papalapit. Sino kaya ‘to? Natatakpan kasi ng payong ang mukha niya.

“Halika na, baka mabasa ka ng ulan,” yaya ng babaeng natatakpan ang mukha. Kasabay ng pagyaya niya sa’kin, inangat niya ang payong at nalantad kung sino siya. Si Rhea.

READ
ROTC proposes quota system

Ramdam ko ang pag-iinit ng aking mga pisngi habang nakikisukob ako kay Rhea. Paano kaya ako makakabawi sa mga pinag-iisip ko sa kanya kanina?

Nasa dyip na kami nang malaman ko kung paano siya magagantihan. Tinitignan niya ako nang palihim at alam ko na kung anong aking gagawin. Iniabot ko sa kanya ang aking kamay. Libre ko ngayon ang pamasahe. Tutal, pwede naman pala siya maasahan. R.A.R. Pascua

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.