MADALING-ARAW.
‘Di mapigil sa pangangatog
Mula sa pagkakatalukbong
Ang katawang naalimpungatan
Sa tawag ng kampana.
Muling nagkamalay
Ang mistulang lantang gulay,
Matapos ang buhos,
Kuskos at hilamos
Sa nagyeyelong balat ng labanos.
Habang humahakbang
Tungo sa pintuan,
Unti-unting nadarama
Ang amihang
May dalang magandang balita
Sa nalalapit na pagsasaya.
Habang naglalakad
Sa madilim na lansangan
Tungo sa simbahang
Kalapit-plaza,
Nalalanghap sa kalayuan
Ang halimuyak ng hinuhurnong
Bibingka’t puto bumbong.
Sa patuloy na paglapit
Sa pintuang nakaabang
Ng banal na tahanan,
Bumabati’t ngumingisi
Ang makukulay na ilaw
Sa mga poste’t tindahan.
Sa simbahan,
Malaanghel na tinig
Ang bumabalot
Sa pag-awit ng korong
Nagpupuri’t nagbubunyi,
Habang mga tao’y
Taimtim na nananalangin
At nagpapasalamat
Sa nalalapit na pagdating
Ng matagal nang hinihintay.
Muling namutawi ang pag-asa
Sa puso ng bawat isa,
Sa pagsilang ng dinadakila’t
Minamahal na Anak ng Tao.