TUWING may hindi maipaliwanag na pinagmumulan ng sakit o karamdaman ang karamihan sa ating mga Pilipino, ipinagpapalagay na gawa ito ng isang nilalang, totoo man o hindi, o ng kalikasan.
Sa isang pananaliksik ni Dr. Michael Tan sa kanyang aklat na Usug, Kulam, Pasma: Traditional Concepts of Health and Illnesses in the Philippines, binigyang obserbasyon at paliwanag ang mga hindi pangkaraniwang sakit na nararanasan ng ilan sa ating mga Pilipino.
Nabati, nakulam, napaglaruan (ng lamang lupa), binangungot, para kay Tan, kapalit ng bawat bagay na ginagawa ng tao ang pagkakaroon ng mga kakaibang sakit na nagmula sa mga nabanggit.
Ayon sa aklat ni Tan, isang paniniwalang Kristiyano na nakapagdudulot ng sakit sa sanggol ang malakas na hininga ng isang tao. Kaya upang maiwasan ito at mapangalagaan ang bata, nakagawian na ng mga matatandang lawayan ang paa, ang noo, o ang tiyan ng isang sanggol kung unang beses pa lamang nitong makikita ang bata upang hindi mausug.
Sakaling nagkasakit ang bata, dinadala ito sa albularyo upang matawas. Magpahanggang ngayon, marami pa rin ang naniniwala sa ganitong klase ng panggagamot. Marami rin ang naniniwala na tanging ang mga “quack doctors” na ito ang makapagbibigay-lunas sa mga hindi maipaliwanag na karamdaman.
Ani Dr. Alex Erasmo, direktor ng Research Center for the Health Sciences ng UST Hospital, walang kasiguraduhan ang ganitong klase ng panggagamot.
“Sa albularyo at maging sa ibang faith healers, walang tamang obserbasyon ukol sa sakit,” sabi ni Erasmo. “Hindi ka rin makakasiguro sa klase ng gamot at proseso ng panggagamot na ginagamit nila.”
Dagdag pa ni Erasmo, dulot din lang marahil ng psychosomatic ang pagkakaroon ng ganitong karamdaman.
“It can be a psychosomatic disease. A disease coming from the mind manifesting with bodily syndrome.”
Aniya, may iilan din namang alternatibong medisina tulad ng halamang gamot, ang tanggap ng mga espesiyalista.
“May mga active components ang mga halamang gamot na epektibo sa ilang karamdaman, pero hindi ganap na nabibigyang lunas ng mga gamot na ito ang lahat ng uri ng sakit.”
Bagaman hindi lubos na mapipigilan ng mga doktor ang patuloy na pagtangkilik sa ganitong uri ng medisina, iminungkahi ni Erasmo na kumonsulta muna sa mga lisensyadong doktor bago tumungo sa mga faith healers o albularyo.
“Nagagawa kasing maipaliwanag ng mga doktor ang sakit base sa kanilang mga napag-aralan,” ani Erasmo. “Gayunpaman, may iilan pa ring umaasang ang alternatibong medisina ang makapagbibigay ng lunas sa kanilang lumalalang karamdaman.”
Samantala, hindi man kagagawan ng isang nilalang ang pasma hindi gaya ng usug, marami pa rin ang may maling persepsyon tungkol dito. Dulot marahil ng kalikasan, sinasabing pinagmumulan ng pasma ang paghuhugas sa isang bahagi ng katawan, partikular na sa kamay, matapos ang isang mahaba at nakakapagod na gawain. Nagdudulot ng sobrang pagpapawis ng kamay ang taong pasmado.
Ayon kay Tiffany Mallillin, physical therapist at guro sa College of Rehabilitation Sciences, na walang terminong medikal ang salitang pasma.
“Sa medisina, tinatawag ang ganitong irregularity sa pagpapawis na palmer hyperhydrosis,” ani Mallillin.
“Sa karamdamang ito, nagiging hyperactive ang ilang bahagi ng nervous system na nagdudulot ng sobrang pawis na lumalabas mula sa sweat glands.”
Dagdag pa ni Mallillin, hindi lamang kamay ang maaaring magkaroon ng palmer hyperhydrosis. Puwede rin umano ito sa ulo, kilikili at ilan pang bahagi ng katawan.
Ipinaliwanag ni Mallillin na walang scientific basis ang pasma. Ang paniniwalang ito, dulot marahil ng kakulangan ng impormasyon ng ilang Pilipino lalung-lalo ang mga nasa mas malayong lugar tulad ng mga probinsya.
“Konti lang kasi ang health information campaign na pumupunta sa mga remote areas,” sabi ni Mallillin.
Sang-ayon ang dalawang espesyalistang sina Erasmo at Mallillin na kinakailangang mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga mamamayan upang hindi na sila maniwala pa sa ganitong mga hakahaka.
Ani Erasmo, hindi man mapanganib ang ganitong medisina, wala naman itong naidudulot na lunas.
“Maaaring wala namang paggaling na maranasan ang mga nagpapagamot sa mga albularyo at faith healers,” aniya. “Dahil na rin sa kahirapan, napipilitan na rin ang ilang mamamayan na sa mga alternatibong medisina na sumalalay.”
Para naman kay Tan, bagaman samut saring pananaliksik na ang ginawa upang lubusang maipaliwanag ang ganitong paniniwala, hindi pa rin maaalis sa mga ilang mga mamamayan lalung-lalong na sa mga tribong etniko ang maniwala sa mga mitolohiya at kaugalian ng kanilang lahi. Mary Elaine V. Gonda