Kasalungat ng gabi at mga kwentong hindi maikwento

Wala talagang nakakaintindi kay Bobby. Walang sinuman sa mga kaklase niya ang may-alam sa hilig niya sa pagbabasa, paglalaro at pagkukuwento. Wala naman kasing kumakausap sa kanya sa loob ng silid-aralan. Sa totoo lang, napakaraming kuwento sa buhay ni Bobby. Nariyan ang kwento kung bakit namatay si Duhat, ang alaga niyang pagong, ang kwento ng kulay ng kaniyang balat, at ang kwento ng kaniyang paiba-ibang kaarawan. Kung mabibigyan ng pagkakataon, nais sana niyang magkaroon ng programa sa radyo. Sa gayon makapagsasalita siya nang hindi nakikita at sa wakas ay pakikinggan naman ng mga tao. Para rin hindi niya makita ang mga nandidiring reaksyon ng mga tao tuwing may kakausapin siya.

Kasingputi ng ulap sa isang maaraw na tanghali ang kaniyang balat na puno ng pekas. Kulay dilaw ang manipis niyang buhok—kasing dilaw ng mga hibla ng walis tambo. Mala-diyamanteng asul ang kaniyang mga mata at pahaba ang kaniyang mukha. “Anak-araw” ang tawag sa kanya ng mga tao sa kanila. “Nay, Araw ba pangalan ng tatay ko? Bakit anak-araw ang tawag nila sa ‘kin?” Ito ang madalas na tanong ni Bobby sa kaniyang ina. Si Bobby ang kadalasang pinupuntirya ng pang-aasar ng mga tao sa kanila. Lagi nilang itinatanong kay Bobby, “Hoy! Amerikanong hilaw! Bakit hindi ka nagsasalita sa Ingles?” at, “Bobby, kadiri naman ang balat mo, ang puti-puti, parang pulbo!” Hindi na lang pinapansin ni Bobby ang tukso ng kaniyang mga kaklase, dahil masasayang lang ang kaniyang oras. Kadalasan, dahil madalas naman siyang walang ginagawa, pumupunta siya sa likod-bahay at nagsasalita lang nang nagsasalita na parang may kausap. Hilig rin niyang lumabas kapag mainit na mainit at mabagsik ang sikat ng araw, dahil kitang-kita niya kung paano nakaguhit at kung gaano kaitim sa kalsada ang kaniyang anino. Ito ang kukuwentuhan niya, sasabihan ng kung anu-ano. Iniisip na lamang niyang kakambal na bigay ng kaniyang amang araw ang kausap niya, na sinasabayan ang bawat kilos at lukso ng katawan. Magkukuwento siya ng mga nangyari sa kanya sa araw na iyon at tungkol lang sa kahit ano. Awang-awa na rin sa kanya ang Tiyahin. Wala kasi siyang kaibigan. Ayaw makipaglaro sa kanya ng lahat ng bata sa kanila. Alam ni Bobby na kinaaawaan siya ng kaniyang tiyahin, pero inisip niya, “Kung talagang naaawa siya sa akin, bakit hindi niya ako kausapin, kuwentuhan? Pero okey lang sana kung si inay ang maaawa sa akin. Kahit hindi niya ako kausapin, okey na ‘yung malaman ko na may nararamdaman siya sa akin, kahit awa.”

Tatanda na bukas, at sa makalawa

Sampung taon na si Bobby. Lumaki siyang walang ama, at sa piling ng kaniyang inang ni hindi man lamang natatandaan ang kaniyang kaarawan.

Tuwing sasapit ang Nobyembre, isa na namang malaking laro ng hulaan ang pagdaraanan ng kaniyang ina. Isang malaking misteryo kung bakit siya binigyan ng ganitong kamalasan, ang magkaroon ng anak na hindi normal, at isang anak na alam niyang hindi niya maipagmamalaki balang araw. Isa ring alamat kung sino nga ba ang tatay ni Bobby. Sa dami ng nakalaguyo ng ina, hindi na niya mawari kung sino nga ba ang ama nitong maputlang bata. Noong ipinagbubuntis niya si Bobby, palagi siyang naglalasing, at umiinom ng kung anu-anong droga, umaasang matutunaw ang pagkakamali sa kaniyang sinapupunan. Isa ring malaking palaisipan kung kanino siya nabuntis. Kaya noong ipinanganak niya si Bobby, hindi niya maalala kung sa ika-apat o sa ika-lima ng Nobyembre ito. Nasa kabilang bayan ang ina, kasama ang nakababatang kapatid, nang siya’y manganak, hinalughog ang bawat sulok ng bayan bitbit ang pag-asang matutuklasan niya roon ang ama ng bubuwit na nakahimlay sa kanyang tiyan. Naaalala kasi niya na lagpas isang linggo rin siyang kumayod sa pagpuputa roon. Sinabi na ng kanyang kapatid, ang nagbantay sa kanya nang siya’y nanganak, na sa ika-pito ang kaarawan ng anak, pero sadyang matigas ang ulo niya at ipinipilit na mali ang kapatid. “Ano ka ba naman, paano magiging a- syete ang bertdey nung bata, tanda ko pa na madaling araw ng a- kwatro niluwa ng katawan ko ‘yun. Kaya nga hindi ko alam kung kailan ko siya babatiin eh. Hayaan mo na, ayaw ba niya ‘yun, dala-dalawa ang bertdey niya, parang Pasko ‘di ba?”

READ
Ched's 5-year study term nixed

Salit-salit ang ginagawang pagbati ng kanyang ina. Ngayong taon, noong ika-apat niya binati at binili ng librong “Three Little Pigs” at isang trumpo ang anak na pinangdidirihan, kaya sa isang taon, sa ika-lima naman niya ito babatiin. Alam ni Bobby na tuwing ika-pito ng Nobyembre ang kaarawan niya. Sinabi ito sa kanya ng kanyang tiyahin, at hanggang ngayon, umaasa pa rin siyang malalaman ng ina niya ang tunay niyang kaarawan, at magkaaroon ng bagong libro, bukod sa limang “Three Little Pigs” na iba’t-iba lang ang disenyo ng taklob at limang beses narin niyang nabasa. Sa halip na matuwa dahil parang araw-araw ang kaarawan, nalulungkot siya at bawat taon, hindi lang gulang, ang librong “Three Little Pigs” ang natatanggap niya kundi pati na rin ang pagkadismaya at kalungkutan sa araw kung kailan dapat pinakamasaya ang isang bata. “Buti pa ako, hindi ko nakakalimutang batiin si nanay tuwing Mother’s Day at tuwing bertday niya. Pinipitas ko pa nga siya ng mga aratiles at bulaklak e” hinaing niya sa kanyang anino. Hindi na bale, alam kong balang araw, may babati rin sa akin sa ika-pito.” Tumahimik siya at napa-upo sa isang sulok, “Sana buhay ka na lang, para may babati naman sa akin nang tama. Nga pala, nakalimutan kong sabihin sa ‘yo, Bagay na bagay talaga tayo, itim ka, puti ako.”

Abaloryo ng mga kulay

Kahit wala siyang kalaro, mahilig maglaro si Bobby. Kadalasan, sa likod-bahay lang siya tumatakbo—kalaro ang anino. Dito rin siya palaging naglalaro ng piko. Guguhit siya ng mga linya gamit ang mga basag na piraso ng mga paso ng kanyang ina. Mahilig ring amuyin ni Bobby ang mga halaman—maliban sa oregano. Kinamumuhian niya ang maasim at mapanghi nitong amoy. Naaalala kasi niya nang ihian siya ng kaniyang kaklase habang naglalaro siyang mag-isa. Isang hapon, habang naglalarong mag-isa ng piko, natapilok si Bobby nang siya’y kumandirit patungo sa ikaapat na kahon. Nadapa siya at tumama ang kaliwang tuhod sa bangkong inuupuan kapag nakikipag-usap siya sa hangin. Naramdaman niyang parang kinagat ng isang libong langgam ang kaniyang tuhod at nagkulay-pula ito dahil sa maliit na hiwa. Imbis na umiyak sa hapdi, namangha siya sa kaniyang nakita. Sa unang pagkakataon, nakita niya ang balat na may kulay, maliban sa namumutlang pagkaputi nito, na sa ilalim ng pusyaw na balat ay may matingkad na kulay na namamahay at dumadaloy. Sabi ng kaniyang ina (na walang balak asaikasuhin ang anak na nasugatan) ay gamutin niya ito, ngunit hindi niya ito ginalaw. Tinitigan lang niya ito hanggang mamuo ang mga patak ng dugo na lumalabas mula sa maliit na hiwa. Pagkatapos ng dalawang araw, namasa naman ang sugat, at mas ikinaaliw ito ni Bobby. Tuwang tuwa siya sa kulay-ubeng pumalit sa pagkapula ng natuyong dugo. “Ang daming kulay ng balat ko!” maligalig niyang isinigaw. Lumabas siya ng bahay nang patalon-talon at sumigaw, “Hindi na ako kulay pulbo! Ang daming kulay sa balat ko! Tingnan niyo!”

Walang pumansin sa kaniya.

Mag isa na lang niyang tinitigan ang mga kulay na sandaling dumalaw at nagbigay-buhay sa balat niyang parang patay at itinuturing na walang buhay ng mga tao sa kanila.

Ang batong gumagapang, at may lasa

READ
Rice is cancerous, says study

Gustong gusto ni Bobby kapag mainit, kapag walang pakundangang naghahari ang kaniyang amang araw sa kalawakan, at kapag ang mga ulap ay tila nahihiyang tumatabi at nagtatago. Kapag ganito kabagsik ang sikat ng araw, tutungo siya sa sapa, kung saan siya naliligo. Kapag nasa sapa siya, lagi niyang hinahabol sa paglangoy ang maliliit na isda. Nasisiyahan siya dahil marahil, sa sapa lang siya nagkakaroon ng mga buhay na kalaro, kahit hindi nila alam na nakikipaglaro sila sa kaniya, na napapasaya nila kahit papano ang anak-araw. Isang araw, nang maligo si Bobby sa sapa, nalungkot siya nang matukalasang wala nang mga isda na lumalangoy-langoy sa mababaw na parte ng sapa. Habang naka-upo sa pampang, may napansin siyang kulay berdeng bato na parang binabalutan ng lumot. Tinitigan niya ito at nagulat nang biglang may mga munting galamay na umusbong mula rito at biglang umusad. “Pagong pala!” hinabol, hinawakan, at hinaplos niya ang madulas nitong likod. “Meron na tayong isa pang kalaro!” malugod niyang binalita sa anino niyang sumusunod sa bahagyang pagsasayaw ng ibabaw ng sapa. Pinangalanan niya itong Duhat, dahil ito ang paborito niyang kainin. Tulad ng duhat na kung minsan mapakla, matamis at kadalasan maasim, ang pagong na si Duhat ay may mga katamisan, kaasiman at kapaklaan din sa ugali. Minsan, kukulitin nito si Bobby at maglilikot na parang uod na binudburan ng asin, “Duhat, nagmama-asim ka na naman!” sinasabi ni Bobby tuwing nangungulit si Duhat. Minsan naman, mas matamlay pa ito sa bato, “Hay naku Duhat, ang pakla mo ngayon.” at kung minsan, maglalakbay nang walang tigil. Maraming beses na rin nawala si Duhat sa paningin ni Bobby, pero lagi naman niya ito nahahanap. Kakaibang pagong si Duhat. Hindi tulad ng ibang pagong na mabagal kung umusad, may kabilisan ng kaunti si Duhat. Ikinatutuwa naman ito ni Bobby dahil nasasabayan siya ni Duhat kapag sila’y bibisita sa sapa at maglalakad-lakad. “Duhat, ang galing mo talaga. Kakaiba ka rin, tulad ko. Bagay nga talaga tayo. Hindi natin sila katulad.”

Isang tanghali, habang naghahanda si Bobby ng kaniyang babauning pagkain pagpunta sa sapa, napansin niyang wala si Duhat sa sulok kung saan nandoon ang maliit na palanggana na kanyiang tinitirahan. “Duhat! Saan ka na naman nagpunta?” sigaw niya habang hawak sa kanang kamay ang isang pirasong saging. Hinalughog ni Bobby ang mga sulok ng maliit at marupok nilang bahay at hinanap si Duhat, sinilip ang bawat butas na nalikha ng mga mapuputlang anay na tila mga gumagalaw na butil ng bigas. Napatigil na lang siya nang may marinig na kalabog sa kanilang bubong at boses ng mga lalaking nagmumurahan. Binitawan niya ang hawak na saging at agad siyang lumabas at sinalubong siya ng mga nagsisiliparang bato. Nag-aaway na naman ang mga manginginom at mga tanod. Pinilit niyang hindi pansinin ang gulo at nagpatuloy sa paghahanap kay Duhat. Alam niyang maaring gumapang si Duhat palabas ng bahay at malamang nasa tabi-tabi lang ito. Habang pinagmamasdan ang batuhan, nakita niya ang pamilyar na taklop ni Duhat na nasa daan, sa gitna ng away. Pupuntahan na niya sana ito at dadamputin, ngunit naunahan siya ng isang mamang malaki ang tiyan “Ito ang sa inyo!” lumipad si Duhat sa ere, tumama sa isang poste at lumagapak sa daan. Imbes na makisali sa gulo at pigilan ang mamang malaki ang tiyan sa pagdampot kay Duhat, nagulat siya sa bilis ng mga pangyayari at nahilo sa mga nagsisiliparan na bato. Nilapitan niya ang poste kung saan humampas si Duhat at pinulot ang pagong. Inalog niya ito at isinuksok ang maputing hintuturo sa malaking butas ng taklop kung saan ang lagusan ng ulo ni Duhat at pilit na hinila ang madulas na ulo, ngunit hindi ito nakisama. Nilapitan siya ng aleng nagbebenta ng gulay sa tapat nila, “Hindi siguro nila alam na pagong pala ang nadampot nila. Batuhan kasi ng batuhan e. Kung ano-ano nalang ang dinadampot, pati nga mga sibuyas ko pinagkukuha eh! Akala siguro nila bato iyang pagong. Mukha kasing bato eh. Sa iyo ba ‘yan Bobby?” Habang hawak ang walang buhay na si Duhat, naalala niya ang kanilang unang pagkikita sa sapa. Ang pagong na inakala niyang bato. Pinatay ng isang lasing ang tanging kaibigan na nagpasiya sa kanya. Hindi niya masisi ang mamang malaki ang tiyan kung napagkamalang bato si Duhat. Sa lahat ng tamis, asim at pakla ng buhay ni Bobby, si Duhat lang ang tanging nagpadama sa kanya na mayroon siyang kaibigan na makikitikim sa mga lasa na ibinibigay sa kanya ng mundo, at makikiinom ng tubig para mapawi ang mga lasang hindi kanais-nais.

READ
Pondo ng Pinoy goes hi-tech

Mula noon, nahilig nang mangolekta ng mga bato si Bobby.

Kasiyahan, ka-uri, at panaginip

Nang isama si Bobby ng kaniyang tiyahin sa isang pagtitipon sa Maynila, (Kaarawan ng inaanak ng kaniyang tiyahin sa may Cubao), napuno siya ng ibang klaseng kagalakan. Doon lang siya nakakita ng makukulay na lobo, at mga iba’t-ibang uri ng palamuting kumikislap tuwing mahahalikan ng liwanag. Doon kasi sa kanila, naikukuwento lang sa kaniya ng tiyahin kung anong uri ng kapaligiran kapag mayroong may kaarawan (hindi naman kasi siya na-iimbita). Nanlaki ang mata niya nang masilayan ang mga lobong nagsisisayawan na nakatali sa sandalan ng iba’t-ibang kulay na mga upuan, at mabilis na nagpabaling-baling ang kaniyang ulo upang lalong makita ang lahat ng nasa kapaligiran, na utos ng kaniyang kasabikan. Hindi rin siya mapakali sa dami ng pagkain na nakahain sa mahabang mesa, at higit sa lahat, ngayon lang siya nakakita ng mga taong kasingputi niya, ang pagkakaiba lamang ng mga ito sa kanya, may mga guhit at pinta ang mga mukha nila, masyadong malalaki ang kanilang mga suot na sapatos, kumpara sa gomang tsinelas ni Bobby, at kulay bahaghari ang kanilang buhok na tila lubid na pinagkumpol-kumpol. Lalong humigpit ang mahigpit nang kapit ni Bobby sa palad ng kanyang tiyahin, “Sino po sila? Talaga bang kasingputi ko sila? Ibig ba sabihin hindi ako kakaiba rito?” tanong niya sa kanyang tiyahin. Napangiti ang kanyang tiyahin at pinunasan ang pawis sa ulo ni Bobby gamit ang kabilang palad. Hindi niya sinagot si Bobby dahil ayaw niyang masira ang kasiyahang yumayakap sa pamangkin.

Tama nga ang kaniyang tiyahin. Habang nakatayo roon, hindi maipaliwanag ni Bobby kung anong klaseng pakiramdam ang lumalangoy sa kaniyang kalooban, ngunit sigurado siya na napupuno siya ng kasiyahan. Sinabayan pa ito ng malupit na sikat ng araw na bati ng kaniyang ama, at nagtagpo na naman sila ng kaniyang anino. Para kay Bobby, wala nang mas hihigit pa sa panahon na iyon. Hawak ang kamay ng tiyahing mapagmahal, karugtong ang kaniyang anino, at napaliligiran ng mga kulay at taong katulad niya, iniisip niya na parang isang panaginip ang lahat ng nangyayari. Hindi niya akalain na magiging ganito siya kasaya. Bigla niyang naisip ang kaniyang mga kaarawan. “Sana sa bertday ko, ganito rin, tapos dalawang beses pa. Sana ‘pag laki ko, kasing kulay ko sila. Ang saya kapag maraming kulay ang balat. Kung ganito lang managinip, ayoko nang magising”, bulong niya sa sarili habang nginunguya ang hotdog na nagmula sa isang istik na may pinya sa ibabaw.

Pumulot siya ng bato at isinilid sa bulsa ng kaniyang kupas na pantalon, at nagpatuloy siya sa sa paglasa sa matamis, masarap at makulay na panaginip na ito.

*Nanalo ang kwentong ito ng Unang Gantimpala sa nakaraang Ustetika Annual Awards for Literature. Iginawad din ang prestihyosong Rector’s Literary Award kay Camille Banzon. – Pat.

1 COMMENT

  1. “Ang daming kulay ng balat ko!” maligalig niyang isinigaw. Lumabas siya ng bahay nang patalon-talon at sumigaw, “Hindi na ako kulay pulbo! Ang daming kulay sa balat ko! Tingnan niyo!”

    awwww..

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.