KAMAKAILAN lamang, inihayag ni Pangulong Macapagal-Arroyo ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa harap ng mga kinatawan at mga senador ng Republika.
Tulad ng inaasahan, ilang mga senador at mga kinatawan, na kasapi sa oposisyon, ang hindi sumipot sa naturang okasyon.
Nakakalungkot isipin na punung-puno ng mga pulitikong walang malasakit sa bayan ang ating Kongreso. Mas pinipili pa nilang bigyang-diin ang kanilang mga pansaraling interes kaysa sa ikabubuti ng nakararami.
Alam ko na karapatan nila na hindi siputin ang SONA kung gugustuhin nila. Subalit sa aking pananaw, marahil nakakalimutan na nila na ibinoto sila ng mga tao upang maging mga mambabatas at hindi mamulitika nang sobra sa Kongreso.
***
Ngayon pa lang nakikita ko na kung hindi papabor sa oposisyon ang magiging kahihinatnan ng impeachment complaint laban kay Pangulong Macapagal-Arroyo sa Mababang Kapulungan at kung sakali sa Senado, magrereklamo na naman sila na ginulangan sila ng mga mambabatas na maka-administrasyon.
Maliban sa impeachment proceedings, sigurado ako na kapag pumabor sa Pangulo ang magiging resolusyon ng Truth Commission sasabihin naman ng mga kalaban ng Presidente na niluto ang resulta ng imbestigasyon.
Nakakainis na mayroong mga taong hindi marunong tumanggap ng pagkatalo. Para kasi sa maraming lumalahok sa mga halalan, wala kasing talo. Lahat kasi ng talo, dinaya raw.
Ito ang pag-uugali na nagpapatunay na malayo pa ang lalakbayin ng Pilipinas para umunlad. Hanggang hindi natututong igalang ng mga Pilipino ang batas at ang mga posisyon sa gobyerno, walang patutunguhan ang bansa kahit ano pang klase ng gobyerno ang mayroon tayo at kahit sino pa ang mga nanunungkulan.
Kailangang baguhin ng mga Pilipino ang kanilang pagtanaw sa posisyon at sa taong nasa posisyon. Marahil nga, kinumumuhian ang taong nasa posisyon ngunit hindi ito lisensya para bastusin ang posisyon.
***
Kung mayroon mang dapat baguhin sa Saligang Batas, ito ang mga kinakailangan upang makatakbo ang isang Pilipino para sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo. Kulang na kulang ang mga rekisitong dunong sa pagbabasa at pagsusulat.
Higit sa simpleng kaalamang magsulat at magbasa, kailangang nakatapos ng kahit isang apat na taong kurso sa kolehiyo ang Pangulo at ang Pangalawang Pangulo. Sa panahon ngayon, hindi na biro ang magpatakbo ng gobyerno ng isang bansa. Marami na ang kailangang gawin.
Totoo ngang dapat bigyan ng pagkakataon ang lahat ng Pilipino na mahalal at makapasilbi sa gobyerno, pero hindi naman siguro kalabisan kung dadagdagan pa ang mga kinakailangan dahil sa kamay ng pangulo nakasalalay ang kahihinatnan ng ating bansa.
Mayroon ngang mga tagapayo ang isang presidente, pero mas maganda kung maiintindihan niya kung ano ang sinasabi ng kanyang mga tagapayo. Sa aking pananaw, madalas na mas maraming nalalaman ang isang taong nakapagtapos ng kolehiyo sa isang taong hindi nakatungtong sa kolehiyo.