"Simean Crease. Iyan ang tawag diyan,” sabi ng doktorang nagpaanak sa akin. Hindi ko alam na may ganoon pa palang tawag ang isang simpleng linya sa palad ng kamay. Oo nga’t iba-iba ang mga linyang nasa kamay ng bawat tao. Ngunit tunay na kakaiba ang linyang tulad ng nasa kamay ng aming anak na babae. Sa gitna ng kanyang palad makikita ang isang diretsong linya, mula sa may hintuturo hanggang sa hinliliit.
“Kaunti lang ang may ganyang klase ng linya sa palad. At dalawa lang ang posibleng kaso ng anak mo,” paliwanag ng aking OB.
“Ano po bang mangyayari sa aming anak?” kinakabahang pagtatanong ko sa kanya.
“Maaaring maging isa itong positibong senyales. Puwedeng maging sobrang talino ng anak ninyo. O ‘di kaya’y kabaliktaran. Maaaring may isang abnormal na kondisyon: Down’s Syndrome, ang inyong anak.”
Talino. Down’s Syndrome. Paulit-ulit ang mga salitang ito sa aking isipan. Hindi ako mapakali. Ang panganay namin ni Martin, magiging isang mongoloid? Pero maari rin naman, maging sobrang talino niya.
Pinili namin ni Martin ang pangalang Phoebe para sa panganay namin. Phoebe: hango sa Greek Mythology, na ang ibig sabihin ay matalino. Alam kong magiging matalino ang aking anak.
* * *
Taong 2002, nagsimula akong magtrabaho sa Singapore. Palibhasa, kahit babae ako’y naisipan kong maging isang civil engineer. Malas ko lang nang ako ang napiling ma-assign ng dati kong pinapasukang kumpanya para magtrabaho sa isang planta sa ibang bansa. Noong una, tutol ang asawa ko na doon ako magtrabaho. Ayoko rin namang mapalayo sa asawa’t anak kong kaka-limang taong gulang pa lamang. Ngunit dahil hindi naman ganoon kadaling mamili ng trabaho’t magpalipat-lipat pa, napilitan na rin sumang-ayon si Martin sa akin.
Habang nagtatrabaho ako sa ibang bansa, naiwan naman sa Manila sina Martin at Phoebe. Mas mabuti nga naman kung doon na lamang sila’t ako na lang ang babalik kapag nakaipon na ako. Tiwala akong kayang-kaya ni Phoebe na manguna sa klase’t lagpasan ang lebel ng mga ka-edad niya, kahit na ba wala ang mama niya para subaybayan siya. Naaalala ko pa, dalawang taong gulang pa lang ay marunong na siyang bumasa. Pinag-nursery na namin siya agad noong edad niyang iyon. Hindi kami nagkamali sa pag-iisip na magiging isang positibong abnormalidad nga ang kaso ng aming anak. Na-accelerate siya at noong siya’y limang taong gulang, Grade 2 na siya kaagad.
Hindi naman kami nawawalan ng komunikasyon ni Martin, noong mga unang taon. Palagi kaming nag-uusap sa telepono. Pati si Phoebe, madalas ko ring kinukumusta. Kahit ganoon, ‘di ko pa rin maiwasang mag-alala sa kanila. Si Martin, masyado yatang naghihigpit. Gusto niya, bahay-eskuwela lang si Phoebe. Alam kong kontrolado niya ang bawat pangyayaring nagaganap sa loob ng aming bahay. Pati pagkilos ng aming anak, kabisado niya. Oo nga’t matalino si Phoebe, ngunit tila natatabunan ang kanyang katalinuhan kapag nakapagsalita na si Martin. Pero kahit ganoon, tiwala naman ako sa aking asawa na tama ang kanyang pagpapalaki sa aming anak gaya ng tiwala ko sa kanya nang pakasalan ko siya, kahit na wala pang isang taon nang kami’y magkakilala. Sabi rin naman ni Phoebe, wala naman siyang ibang ginagawa kundi ang mag-aral.
Ngunit, sa hindi ko malamang dahilan, bigla na lang naging madalang ang pagtawag ni Martin. Hindi na rin kasi ganoon kadali ang umuwi sa Manila dahil mas naging hectic ang schedule ko matapos kong ma-promote.
‘Di lumaon, nalaman ko ang dahilan ng biglaang pagiging malamig ng pagtrato ni Martin, mula kay Phoebe. May nagbalita raw sa kanya na may kinakasama akong ibang lalaki—isang balitang walang katotohanan na sumira nang tuluyan sa pagsasama ng aming pamilya. Pinaliwanag kong maigi ito kay Phoebe. Hinding-hindi ko magagawang ipagpalit si Martin sa iba, at lalung-lalo na, hindi ko magagawang saktan ang aking anak. Naniniwala naman sa akin si Phoebe noong una, pero nang lumaon, naramdaman ko ang unti-unti niyang paglayo sa akin.
Pinakahuling mensaheng natanggap ko mula kay Phoebe: pinadalhan niya ako ng mensahe sa e-mail para tuluyang panindigan ang kanyang pagkampi kay Martin. Ito ang laman ng kanyang mensahe.
Ma, ilang beses na rin kitang tinanong pero, ganoon pa rin ang sagot mo. Alam ko, strikto si Daddy, ultimo pakikipagkaibigan ko sa mga ibang bata, pati ang paggamit ko ng telepono, pinakikialaman niya. Pero kahit kailan, hindi ko pa siya nakitang umiyak nang dahil sa isang problema. Nakikita ko po ang kanyang paghihirap. Umiiyak siya gabi-gabi, Ma. Matagal din bago ko tuluyang pinaniwalaan ang sinasabi niya tungkol sa iyo. Alam mo po yun, Ma. Nabasa ko na ang sulat na pinadala ng “ipinalit” mo kay daddy. Hindi ko matanggap. Mas nanaisin ko pang makasama ang striktong si Daddy, na inaakala kong hindi ko na matatagalan pa, kay sa makita ka pang muli…
Gumuho ang mundo ko. Lahat na yata ng paraan ng pagpapaliwanag kay Phoebe’t kay Martin, ginawa ko na. Pero bakit? Parang hindi ganito ang paraan ng pagsulat ni Phoebe, ‘e. Ayokong paniwalaan ang mga sinulat ni Phoebe. Sinubukan ko rin siyang tawagan para sana makasiguro, pero hindi kami muling nakapag-usap pa. Ano ba ang ginawa ko’t ginaganito nila ako? Nagkulang ba ako? Alam kong malayo ako sa kanila, ngunit sapat bang dahilan ‘yon para paniwalaan nila ang mga sabi-sabi ng kung sino mang Hudas na nais manira ng pamilya?
Nagkamali ba ako ng pagkakakilala kay Martin? Bakit ganoon na lang kabilis mawala ang tiwala niya sa akin? ‘Ni hindi man lang niya ako kinausap nang matino kahit pilit ko na siyang hinahabol, magpaliwanag lang ako nang maayos. Kahit anong gawin ko, wala na ang dating pang-unawang lagi niyang ibinibigay sa akin. At ang pinakamasaklap, gusto na niyang makipaghiwalay.
Kasabay nito ang pagbabago sa kondisyon ng aming anak na si Phoebe, na noong una’y pilit na itinago sa akin ni Martin. Sa tinagal-tagal ng hindi namin pag-uusap ni Martin, nagulat na lamang ako nang nagpadala siya ng sulat, kalakip ang isang pahinang pinunit sa diary ni Phoebe. Mahigit isang taon nang naisulat ito ni Phoebe noong ipinadala ni Martin ito, kasama ng kanyang sulat.
August 12, 2008
Sorry kung ngayon ko lang nasabi sa iyo ito. Pinalitan na namin ang kulay ng ating kuwartong ikaw ang pumili. Gusto ni Phoebe na gawing puti ang mga pader, pati ang dingding. Hindi ko na rin siya pinigilan. Hindi ko na rin alam kung anong gagawin sa ating anak. Nahihirapan na akong alagaan siya’t ibigay ang gusto niya. nagsasalita siya na parang may kausap siya, kahit wala naman talaga. Halos araw-araw rin siyang nagwawala, at sinisigawan niya na rin ako. Lagi-lagi ko naman siyang pinapakonsulta sa ospital, pero mahirap talaga. “Non-compliant” ang anak mo sa gamot. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko sa kanya…
P.S.
Kasama nitong sulat na ito ang isang pahinang pinunit ko mula sa diary ni Phoebe. -Martin
May 10, 2007
Inihanda na ni Daddy ang mga puting pintura. Nagsasawa na kasi ako sa kulay ng kuwarto namin. Beige.
“Enamel para sa kahoy; latex naman para sa konkreto o semento,” turo pa sa akin ni Daddy, habang hinahaluan niya ng kaunting thinner ang isang galong lata ng Boysen. Akala niya siguro hindi ko pa alam ‘yon. Mas gusto kong paghaluin ang latex at enamel. Sigurado ako, mas maganda ang timpla ng pintura ‘pag ganoon ang ginawa!
Palibhasa, lahat ng inuutos sa akin ni Daddy, sinusunod ko. Lahat ng sinasabi niya, isinasaulo ko. Wala naman akong magagawa, e. Nang utusan niya akong kumuha ng mga dyaryo para takpan ang mga furnitures, agad ko naman siyang sinunod.
Tumakbo ako mula sa kuwarto namin sa ikalawang palapag pababa ng hagdan at inabot ang nakakalat na mga lumang Inquirer na nasa sala. Inihanda na pala ni Daddy, eh.
Binalutan ko kaagad ng dyaryo ang sewing machine ni Mama. Habang nagdidikit ako ng masking tape, natanaw ko si Daddy mula sa pintuan ng aming kuwarto. Pinagtatawanan ako? Hindi! Hindi ako ‘yon! Baka nakikita na niya ngayon ang bago kong kaibigan…baka nakikita niya na si Chelsea! Tinanong ko na lang rin si daddy, para sigurado. Sabi ko, “Daddy, gusto mo bang makilala ang bago kong kaibigan?” Natigilan siya ng sandali. “Daddy, gusto kong makilala mo si Chelsea…” Hindi ko pa tapos ipakilala ang kaibigan ko pero tumango na lang si daddy bigla, at umalis, kasabay ng pagkawala ng bakas ng ngiti sa kanyang mukha. Pinagtawanan ko na lamang siya.
Pagkatapos nito, iniabot niya sa akin ang mga rollers: malaki at maliit, at ang isang galong lata ng Boysen latex at Boysen enamel. Inihanda na rin pala ni Daddy ang mga tuntungan ko. Alam ni Daddy, gusto kong magpintura ng aming kuwarto, at kasama ko si Phoebe.
Matapos kong mabasa ang sulat niyang iyon, napagdesisyunan kong bumalik na sa Pilipinas.
Ang anak kong si Phoebe, nababaliw na? Ang matalino kong anak? Hindi maaari! Ano na ba’ng nangyayari sa kanila? Ano na ba’ng nagyayari sa aking pamilya?
Gustong-gusto ko nang makita si Phoebe. Hindi pa rin nawawala ang aking pag-asang mapansin at mapakinggan ng aking pinakamamahal na anak, kasabay ng ‘di napapawing pagsisisi ko sa sarili. Sana’y hindi na lang ako lumayo noong una pa lang. Ngunit alam ko namang huli na para magsisi.
Dumeretso ako sa aming bahay. Naabutan kong bukas ang gate at ang pintuan. Natanaw ko ang isang lalaki. Pamilyar ang kanyang kilos, ang kanyang lakad, at ang kanyang imahe. Martin. Naramdaman ko ang init ng luhang bigla na lang umagos sa aking mga pisngi. Nanigas na lamang ako sa aking kinatatayuan. Para akong sinampal ng isang anghel na kahit kailan ay ‘di mo aakalaing kaya palang makapagbuhat ng kamay.
Niyapos nila ang isa’t isa. Nagdikit ang kanilang mga labi…Isang babaeng mahaba’t kulot ang buhok at hindi naman kagandahan ngunit may kakaibang aura. Siya pala.
Ngunit nasaan si Phoebe? Kailangan kitang makita Phoebe.
Nagdodoble na ang aking panigin. Paglingon ko sa may gate… Teka, Phoebe, ikaw ba yan?
“Mommy!” sigaw ni Phoebe, kasabay ng mainit niyang pagyakap sa akin.
Tinitigan ko ang mga mata ng aking anak—ang maluha-luha niyang mga matang salamin lamang ng katotohanan at walang bakas ng kahibangan. Bakit ngayon ko lamang naintindihan ang matagal na niyang nais na ipabatid?
Ngayon, malinaw na sa akin ang lahat. Quinia Jenica E. Ranjo