TANGHALING tapat. Mataimtim na nakatitig sa akin si Bo. Kahit na kasama pa niya ‘ko, hindi maipagkakailang nanginginig ang kanyang mga tuhod.

“Noni, hindi ko yata kaya. Hindi ko kaya.”

Sinuklian ko lamang siya ng isang malalim na buntong-hininga. Sunog na ang mga balat naming dati nang kulay Narra, ngunit nakapagtatakang wala pa ring bakas, ni anino, ng mga walang hiyang nagsipaghamon.

Para sa kanila, isa itong espesyal na seremonya. Walang nakatatakas dito, lalo na kung kabilang ka sa lupong itinuturing na mga manok na hindi marunong magsipagtilaok. Ito ang ritwal na hindi nais na maranasan ng mga batang tulad namin. Hangga’t hindi naalpasan ang hamong ito, wala kang karapatang maging haligi ng isang tahanan.

“Ang tagal naman yata nila,” usal ko kay Bo, na nagsimula nang maglakad pabalik-balik.

“Noni, kailangan ba talaga nating gawin ito?”

“Basta, kahit anong mangyari, ‘wag mong ipahahalatang natatakot ka,” bulong ko kay Bo.

Bigla-bigla’y may mga pagkaluskos kaming narinig mula sa mga palumpong na natatabunan ng mga malalaking bato. Natigilan kami ni Bo.

“Bo, Bo! Bo, Bo, Bo!” patuyang hiyaw ni Jax at ng kanyang magaling na tropa.

“Mga bata, ‘wag ganyan! Hindi bagay ang natatae niyong mga hitsura sa ganda ng ilog na ‘to,” pang-aasar ni Jax.

Nagsalubong ang paningin namin ni Bo. Ito na ang simula.

“Ikaw na’ng mauna, Bo! Dali, bago pa magkalas ang mga tuhod mo sa panginginig!” tuya ni Jax, gamit ang kanyang hintuturo bilang panundot sa noong may mala-monggong pawis.

Halos umapuhap na hinubad ni Bo ang kanyang t-shirt habang lumalapit siya sa dulo ng talampas. Alam kong sa mga mata ni Bo, nagiging doble ang layo ng rumaragasang tubig mula sa lupang kinatatayuan namin.

READ
Campus writers urged to promote healthy lifestyle

Parang gusto ko na ring umuwi, ah. Bo, tumalon ka na kasi para matapos na.

“Hindi ako marunong lumangoy!” pagmamakaawang hiyaw ni Bo.

Lalo lang nilakasan ni Jax at ng kanyang tropa ang kanilang pang-aasar.

“Bo, Bo! Bo, Bo, Bo!”

Tila nagkaroon ng mga ugat ang mga paa ni Bo na bumaon na sa lupa.

Naramdaman ko ang dagliang pagdaloy ng dugo sa aking katawan. Inihanda ko ang aking kamao, ngunit dahil lamang sa panggigigil. Walang patumpik-tumpik kong tinanggal ang aking mga damit.

Takbo. Diretso sa dulo ng matarik na talampas. Pikit akong tumalon sa walang hanggang lalim ng hangin. ‘Pag bagsak sa tubig, humahangos na nilangoy ko hanggang sa pampang.

Higit na maganda ang tanawin mula sa ibaba.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.